
Inggit ang Dalaga sa Anak ng Kanilang Drayber dahil mas Kinagigiliwan ito ng Kaniyang Ina; Ginawa Niya ang Lahat Upang Mapabagsak Ito
“Simula ngayon ikaw na Angela ang mamumuno sa marketing and branding ng ating komapanya, pinatawag ko din si Julia dahil siya ang magiging assistant mo. Malaking posisyon ito, asahan ko kayong dalawa ha.”
Sabi ni Isabela sa dalawang dalaga na pinakamalapit sa kaniyang puso. Isa doon ay ang anak niyang si Angela, at ang itinuturing na ring anak na si Julia. Labis siyang natutuwa dahil mula pagkabata hanggang sa paglaki ng mga ito ay magkasundo pa rin ang dalawa.
“Salamat po Ma’am Isabela, gagalingan po namin ni Angela.” Alanganing ngiti lang ang iginanti ni Angela sa magiliw na ngiti ni Julia.
“Iwan mo muna kami ni mama, Julia please,” sabi ni Angela. Agad tumalima ang dalaga at naiwan ang mag-ina sa opisina.
“Ma, hindi ko naman kailangan ng katulong. Kaya ko na po ‘yon,” sabi niya atsaka ngumiti sa ina.
“Hija, alam ko naman na mahusay ka. Pero kailangan ng kompanya natin ang talent ni Julia,” pinal na sabi ni Isabel. Wala nang nagawa si Angela.
Bata pa lang sila ay halos pareho talaga ang trato sa kanila ng kaniyang ina. Tuwang-tuwa siya noon tuwing uuwi ang ina na minsan niya lamang makasama. Abala kasi ito sa pag-aasikaso ng mga negosyo nila, ito na lang ang nagpapatakbo ng lahat ng iyon simula noong pumanaw na ang kaniyang ama. Noong una ay naaawa siya kay Julia na anak lang ng kanilang driver na si Mang Ambo na kaibigan din kung ituring ng kaniyang ina. Ngunit nang tumagal at nakikita niyang kung anong binibigay sa kaniya ng ina, laruan, damit, edukasyon, ay ibinibigay din nito kay Julia ay namuo ang inggit sa kaniyang puso. Lalo na’t madalas ay pinupuri pa ito. Kaya ngayong pati pwesto sa kompanya nila ay meron din ito ay lalong nalason ang puso niya sa inggit.
“Excuse po, Ma’am Isabel,” sabi ni Julia na bumalik pala sa opisina. “Ang tagal niyo po magbalik bayan kaya ngayon ko lang mabibigay itong regalo ko, happy birthday po!” sabi ni Julia sabay abot ng maliit na kahon.
“Ah! Naku maraming salamat hija,” sabi naman ng matanda at saka niyakap pa si Julia. Nagngingitngit naman ang kalooban ni Angela.
“Naku Ma’am Isabel! Walang-wala po ‘yang regalo ko sa inihanda ni Angela,” sabi ni Julia sabay kindat sa kaniya.
“Oo Ma! Tara kumain naman tayo sa labas, libre ko,” magiliw na sabi ni Angela at pasimpleng kinuha ang kabilang braso ng ina.
“Oh siya let’s go. Julia, sumama ka na rin hija,” sabi ni Isabel. Biglang nabura ang ngiti sa mukha ni Angela dahil sa tinuran nito.
“Ay naku huwag na po. Mag-enjoy po kayo ni Angela ha! May aasikasuhin pa po ako eh,” magalang na tanggi ni Julia sabay kindat sa kaniya. Lalo siyang nainis dahil sa pinapakita nitong kabaitan sa kaniya. Simula pagkabata ay likas itong mapagbigay. Kapag may kasalanan siya ay pinagtatakpan siya nito, kahit anong iutos niya ay susunod agad ito. Pekeng ngiti lang ang isinukli niya sa kindat nito.
Makalipas ang mga taon ay halos walang nagbago sa relasyon ng magkaibigan. Habang si Julia ay patuloy na pinagkakatiwalaan ni Isabel, si Angela naman ay unti-unting nilalamon ng inggit. Hanggang isang araw, dumating ang pinakahihintay na oportunidad ni Angela na alisin sa buhay nilang mag-ina si Julia.
May malaking proyekto ang kompanya nila kasama ang isang sikat na artista. Isang araw bago ang kanilang presentation ay abala ang lahat sa pagaayos. Nagpasya si Angela na magpagabi sa opisina upang siguruhing ayos ang lahat, naiinis siya nang makitang si Julia din ay naroon pa sa pwesto nito.
Kinabukasan, araw na pinakahihintay nila, nagkakagulo ang opisina dahil nabura ang kanilang presentasyon at hindi nila mahanap ang backup files nila. Natataranta ang lahat na gumawa ng panibago ngunit hindi iyon nagging kasingganda ng pinaghirapan nila buong buwan. Nanlumo ang lahat dahil hindi nila nakuha ang deal para sa kompanya.
Napagalaman nila na mayroong sadyang sumira ng mga files.
“Ma’am Isabel! Si Julia po ang may kagagawan nito! Nakita ko na siya ang huling lumabas ng opisina kaninang umaga at pagtingin ko po ay burado na ang lahat! ” mangiyak-ngiyak na bintang ni Gia, ang isa niya pang assistant sa marketing.
“P-po? Bakit ko naman sisirain yung pinaghirapan natin? Ma’am—“ magsasalita pa sana si Julia nang unahan siya ni Angela. Ito na ang pagkakataon niyang makalamang.
“Julia, paano mo nagawa ‘to? Pinagkatiwalaan ka namin!” sigaw niya kay Julia saka humarap sa ina. “Ma, nakita ko rin si Julia kagabi sa opisina. Ipinakita sakin ni Gia ang mga ebidensya na siya nga ang gumawa. Ma, kailangan mo siyang sisantehin,” sabi ni Angela na kunwari ay naluluha.
Walang nagawa si Isabela kung hindi pagalitan si Julia at sisantehin ito sa huli. Aksidenteng nalaman ni Angela na si Gia pala ang may pakana ng lahat dahil inggit din ito kay Julia. Nagbunyi naman si Angela dahil sa wakas ay solo na rin niya ang pagmamahal at atensyon ng ina.
Akala ni Angela ay magiging masaya siya ngunit naging mahirap lalo ang kaniyang buhay. Doon niya lang napagtanto na si Julia pala halos ang sumusuporta sa kaniya. Sinisiguro nitong nasa kaniya ang lahat ng kailangan niya. Sa opisina ay laganap ang tsismis kung gaano siya kasungit, napagtanto niyang si Julia ang parating sumasaway sa mga ito. Pati ang kaniyang ina ay nahulog sa karamdaman dahil umalis na rin sa bahay nila ang kababatang si Mang Ambo na matagal nagsilbi sa kanila.
“Alam mo ba Angela na napakabait niyang si Ambo. At nakikita ko din yun kay Julia, kaya hindi ako makapaniwalang magagawa niya iyon sa atin. Gusto ko siyang bigyan ng isa pang pagkakataon..” sabi ng ina sa kaniya isang araw. “Alam kong minsan ay tila ba masama ang loob mo sa kaniya hija. Ikaw ang anak ko at mahal na mahal kita, pero ‘yang si Julia? Bata pa lamang ay iniwan na ng ina, kaya gusto ko sanang tulungan. Huwag mong hayaang mawalan ka ng totoong kaibigan dahil sa inggit.
Kahit kailan ay hindi sinabi sa kaniya ng ina na mahal siya nito. Nag-uumapaw sa tuwa ang kaniyang puso, kasabay nito ay ang pagpapatawad dito at kay Julia. Wala itong kasalanan pero sinisisi niya ito parati para sa mga pagkukulang niya. Simula noon ay sinikap ayusin ni Angela ang pagkakaibigan nila ni Julia. Humingi siya ng tawad sa pagsisinungaling niya at pinatawad kaagad siya nito.
Nang magbalik ito sa buhay niya ay mas umayos ang lahat, ngunit alam ni Angela na ang tunay na dahilan ng pag-gaang ng kaniyang buhay ay ang pagtapon niya sa inggit na nararamdaman.