Naghihikahos sa Buhay ang Isang Ginang at Kaniyang mga Anak; Nang Kumita Ito ng Isang Daang Piso ay Dito Pa Niya Ito Ginasta

“Nay, bente singko pesos lang po ang iniabot sa akin ni Mang Pedring. Wala na raw po talaga siyang mapapahiram sa atin,” sambit ng batang si Andoy.

“Puwede na ‘yan, anak. Ibili mo ng bigas sa tindahan. May natitira pa ditong asin. Pasensiya na kayo mga, anak. Ayaw na kasi tayong pautangin sa tindahan ni Aling Kareng. Hayaan niyo bukas pagkatapos ng ulan na ito ay agad akong lalabas upang magdelihensya ng pera,” sambit ng ina na si Beka.

Sa ilalim ng tulay nakatira si Beka at ang tatlo nitong anak. Tatlong taon ng nakalipas ng lumipat sila dito dahil ayaw na ng ginang na makipagbalikan pa sa kanyang kinakasama noon. Nahuli kasi ito dahil sa ipinagbabawal na gamot. Hindi rin maganda ang pakikitungo ng lalaki sa kaniya at sa mga anak nila kaya napilitan silang humanap ng ibang tirahan. 

Nabubuhay niya sa pangangalakal ang kaniyang pamilya. Bagamat maliit lamang ang kita at kailangan pa niyang iwanan ang maliliit niyang anak sa pangangalaga ni ng sampung taong si Andoy ay kailangan niya itong tiisin upang may ipanglaman siya sa sikmura ng mga ito. 

Dahil na rin sa tambak na ang utang nila sa tindahan at patuloy ang pag-ulan, hindi makapagkalakal ang ginang sa takot na baka abutin ng tubig ang kanilang tinutuluyan.

Mabuti na lamang, kinabukasan ay tumila na ang ulan. Maaga pa lamang ay bitbit na ni Aling Beka ang kaniyang mga sako upang mangalugad ng mga kalakal. Nais kasi niyang makauwi bago mananghalian upang may maipakain sa mga anak. 

Dahil maraming basura ang inanod ng baha sa bunga ng patuloy na pag-ulan ay marami-rami ding nakalakal ang ginang. Mag papasado alas dose na nang makauwi ito bitbit ang dalawang plastik ng sabaw at gulay.

“Nakabili na rin ako ng bigas, Andoy. Tulungan mo ako at isaing mo na ito ng makakain na tayo,” masayang sambit ng ina.

Advertisement

“Mamaya ay lalabas akong muli upang mangalakal. Ikaw na muna ang bahala sa mga kapatid mo, ah. Pasensya ka na, anak. At salamat kasi palagi kang nakaagapay sa akin,” nakangiting wika ng ina.

Pagkatapos kumain ay agad na umalis si Beka upang makauwi rin ng maaga. Hindi niya ininda ang tirik na araw at biglaang pag-ambon basta patuloy lamang siya sa pagkayod. May pagkakataon pa nga na nasusugatan ang ginang dahil sa matatalas na bagay na nasa basurahan, pero patuloy lang siya sa pagaggalugad.

Bago magdilim ay punumpuno na ang kaniyang sisidlan. Agad siyang nagtungo sa junk shop upang ibenta ang mga ito. 

“Halos isang daang piso ang lahat ng ito, Beka. Ito dadagdagan ko na ng kaunti para buong isang daan na,” nakangiting sambit ng may-ari ng junkshop. Tuwang tuwa naman ang ginang.

“Sa wakas ay makakatikim na muli ng gatas ang mga anak ko. Halos nakalimutan ko na ang pakiramdam kung kailan ako huling nakahawak ng ganitong pera. Bibili na ako agad ng isang kilong bigas at gatas para sa kanila,” masayang wika ni Beka sa sarili.

Sa kaniyang paglalakad pauwi ay may nadaanan siyang isang lalaking susuray-suray sa lansangan na animo’y lasing. Natanaw kaagad ito ni Beka at nagmamadali siyang umiwas. Ngunit habang siya ay papalapit ay nakita niyang tila may iniinda ito at tuluyan ng bumagsak. 

Patakbong tinungo ni Beka ang lalaki.

“Ginoo, ginoo!” tawag ni Aling Beka. “Ayos lang ba kayo?” sambit pa niya.

Advertisement

“M-masikip… m-masikip itong dibdib ko,” hirap sa pagsasalita ang ginoo.

“Ano po ang pwede kong gawin?” natatarantang wika niya. Nagsisigaw si Aling Beka upang makahingi ng tulong ngunit walang kahit sino man ang tumutulong para madala ang lalaki sa ospital.

Kinapa niya ang bulsa nito ngunit walang kahit anong pagkakakilanlan ang lalaki.

Dahil dito ay hindi na nagdalawang-isip pa si Aling Beka na tumawag ng sasakyan at dalhin ang nasabing lalaki sa ospital. Ang kaniyang pinaghirapang isang daang piso ay ibinayad niya sa drayber na nagdala sa kaniya. 

“Pakiusap, tulungan niyo po ang lalaking ito,” sigaw niya sa ospital. Agad naman siyang pinuntahan ng mga tauhan ng pagamutan at saka siya ininterbyu. Sinabi niya ang lahat ng nangyare. Dahil sa mabilis na aksyon ay naagapan ang tuluyang pagkamatay ng nasabing lalaki.

Naglakad na lamang pauwi si Aling Beka. Maswerte siya at may nasakyan siyang dyip na hinayaan siyang sumabit.

Nang makauwi siya sa kanilang bahay ay malalim na ang gabi. Hindi niya alam ang kanyang mararamdaman sapagkat ang inaasam-asam na pangtustos niya sa kaniyang mga anak ay nagamit niya sa isang taong hindi niya kilala. 

“Patawad mga, anak. Akala ko rin ay makakatikim kayo ng gatas ngayong gabi at hindi na nantin puprublemahin ang bigas kinabukasan,” nanlulumong sambit ni Beka sa mga anak.

Advertisement

“Ano po ba ang nangyari, nanay?” pagtataka ni Andoy. Inilahad ng ina ang lahat ng nangyari.

“Nay, huwag na po kayong manghinayang. Napakinggan ko po sa simbahan, kapag po nagbigay kayo ng tulong saibang tao ay ibabalik ito ng Panginoon sa inyo ng madami pang beses,” sambit ni Andoy.

“Hayaan n’yo po at ipagdadasal ko na bukas ay marami ulit kayong kalakal,” nakangiting wika ng anak.

Lumuwag na ang kalooban ng ginang. Kinabukasan ay nakapag-uwi si Beka ng limangpu’t dalawang piso mula sa kaniyang kalakal. Tulad ng kinagawian ay binili niya ito ng bigas. 

“Asin na naman ang ulam n’yo ngayon, mga anak. Pasensiya na kayo,” nangingilid ang luha ni Aling Beka habang pinagmamasdan ang mga anak.

“Sana maawa ang Panginoon sa atin at maiba ang ating buhay. Kahit kayo na lang mga anak ko,” bulong niya.

Maya-maya ay narinig niya ang isang tinig na tinatawag ang kanyang pangalan.

“Beka, may naghahanap sa’yong mga tanod? Anong ginawa mo, ha?” sambit ng isang kapitbahay na nakikiusyoso. 

Advertisement

“Mga ginoo, bakit po? May nagawa po ba akong kasalanan?” natatakot na wika ni Aling Beka.

“Wala nama, Beka. Tinulungan lang namin ang ginoong ito na mahanap ka,” sambit ng isang tanod.

“Magandang hapon po sa inyo. Ako po ang panganay na anak ng lalaking tinulungan ninyo kagabi. Nais ko po kasing ipaalam sa inyo na lubusan kaming nagpapasalamat sa kabayanihang ginawa ninyo. Kung wala kayo ay wala na ang daddy ko,” bungad ng ginoo. 

“Kahapon po kasi ay pauwi na sana siya ng bahay ngunit mayroong mga lalaking kinuha ang kanyang sasakyan, gamit at pitaka,” dagdag pa nito.

“Nasaan at kumusta na po siya ngayon, ginoo?” tanong ni Aling Beka.

“Maayos na po ang lagay niya. Inilipat na namin siya ng ospital. Pagkagising ng daddy ko kanina ay agad niyang binanggit na hanapin ka at ibalik ang kabutihan na ibinigay mo sa kanya at sa aming pamilya,” wika ng ginoo.

“Nais sana naming ibigay ang kaunting halaga na ito. At kung nais mo ay mabibigyan ka rin namin ng trabaho sa aming kumpanya. Sabihin mo lamang kung kailan mo nais magsimula. May ibibigay rin kami para sa iyong mga anak. Tanda ito ng pasasalamat namin sa kabutihan mo,” sambit pa nito.

Hindi alam ni Beka ang sasabihin upang magpasalamat sa biyayang dumating sa kaniya. Hindi niya akalain na ang gabi palang iyon ay ang gabing babago sa kaniyang buhay. 

Advertisement

Naging janitress si Beka sa kumpanya ng matandang lalaki. Lubusan na rin siyang nagpapasalamat dito dahil sigurado ang kanyang sahod at tinaasan pa ito ng pamilya ng matanda. Ginamit niya ang binigay sa kaniyang pera upang ialis ang kaniyang anak sa ilalim ng tulay at kumuha ng isang apartment na ligtas para sa kanila. 

Nakakapasok na rin sa eskwela si Andoy at kinuha ni Beka ang kaniyang kapatid para mag-alaga sa kanyang dalawa pang supling. Unti-unti na ngang nalagay sa ayos ang buhay ng mag-iina. 

Hindi pa rin lubusang maisip ni Beka na ang isang daang piso na kaniyang ginamit para sa pagdadala sa matanda sa pagamutan ay maibabalik sa kaniya ng siksik, liglig at umaapaw.