Hinusgahan ang Isang Ginang dahil sa Pinili Niyang Paraan ng Panganganak; Natameme Sila sa Kaniyang Naging Tugon
“Mahal, hindi ko na kaya! Manganganak na ako!” sigaw ni Hilda sa kaniyang mister na si Jun habang namimilipit sa sakit.
Natataranta man ay mabilis na kinuha ng mister ang mga gamit na kailangan at saka tumawag ng tricycle upang madala ang kaniyang misis sa klinika ng manghihilot.
“Bilisan natin, Jun! Hindi ko na talaga kaya at napakasakit na!” reklamo ng ginang.
“Kaunting tiis na lamang, mahal, malapit na tayo sa klinika,” tugon naman ng aligagang si Jun.
Pagdating sa klinika ay napansin ng midwife na hindi bumubuka ang sipit-sipitan ng ginang.
“Tiyak kong malaki rin ang bata sa kaniyang sinapupunan sa laki ng kaniyang tiyan. Hindi ko siya kayang paanakin dahil hindi bumubuka ang kaniyang sipit-sipitan. Kailangan na niyang madala kaagad sa ospital.
Dali-daling inilipat ni Jun ang kaniyang asawa sa pinakamalapit na ospital. Natataranta man sa lahat ng nangyayari ay pilit niyang pinapakalma ang kaniyang sarili upang maging matiwasay ang kalagayan ng asawa.
Nang makarating sila sa ospital ay agad na kinausap ng mga doktor si Jun sa kalagayan ng kaniyang asawa.
“Kailangan na niya ng agarang operasyon. Sa tagal na niyang nagle-labor ay baka hindi na niya ito kayanin pa. Pati ang bata sa kaniyang sinapupunan ay baka malagay ang buhay sa kapahamakan,” sambit ng mga doktor.
“Gawin niyo po ang lahat ng kailangang gawin sa kaniya para lang po mailigtas silang mag-ina. Pakiusap po, Dok,” sambit ng nag-aalalang mister.
Matapos ang ilang oras ay nailabas din ni Hilda ang kaniyang anak sa pamamagitan ng isang caesarean operation.
“Mabuti na lamang at nadala kaagad sa ospital ang asawa mo at nailabas ang bata sa pamamagitang ng operasyon. Kung hindi ay baka kung ano na ang nangyari sa kanilang mag-ina,” wika ng doktor.
Mahal man ang kanilang binayaran sa ospital ay hindi na ito inalintana ni Jun. Ang mahalaga ay maayos ang kaniyang mag-ina.
Makalipas ang ilang buwan ay kailangan dalhin ni Hilda ang kaniyang anak sa center upang mapabakunahan. Hirap man ay kailangan niyang kayanin sapagkat kailangang kumayod ng kaniyang asawa upang may maipangbayad sa lahat ng kanilang nautang para sa kaniyang panganganak.
Habang kinakapanayam si Hilda ng mga tauhan ng center ay hindi maiwasan ng ilang ale doon na pag-usapan siya dahil sa uri ng kaniyang panganganak.
“Caesarean section daw ‘yung nanay na ‘yon,” sambit ng isang ginang sa kaniyang kapwa nanay na bitbit ang anak upang bakunahan.
“Ganiyan kasi ang mga bagong magulang ngayon. Ayaw nang mahirapan pang umire, kaya nagpapaopera na lamang,” saad naman ng isang ale.
“Paano kayang matatawag na tunay na ina ang ganiyang uri ng nanay? Hindi mo man lamang inilabas ang alak mo sa dapat nitong labasan. Iniisip ang sarili at ayaw mahirapan,” wika pa ng isang ginang.
Ayaw na sanang patulan pa ni Hilda ang mga ito. Ngunit isang buwan makalipas ay narito na naman ang mga ginang at siya na naman ang pinag-uusapan.
“Balita ko ay hindi raw nagpapasu*so ang babaeng iyan. Hindi na nga nanganak ng tama ay ayaw pang magpasu*so. Ayaw masira siguro ang kaniyang katawan,” wika pa ng isang ale.
“Mag-aanak-anak tapos hindi naman niya kakayanin ang pagiging isang ina,” saad pa ng isang babae.
Sa pagkakataon na ito ay hindi na nakatiis pa si Hilda sa lahat ng panghuhusga sa kaniya.
“Hindi ko na sana kayo papatulan pa pero hindi ko na kasi matiis ang lahat ng sinasabi ninyo tungkol sa akin. Sino kayo para sabihin na hindi ako isang tunay na ina sapagkat nanganak ako sa pamamagitan ng isang operasyon. At sino kayo para sabihin na kaya ayaw kong magpasu*so ng aking anak sa aking dibdib ay dahil ayaw kong masira ang aking pigura?” sita ni Hilda sa mga ito.
“Totoo naman. Kaya nanganganak ang isang kagaya mo sa pamamagitan ng operasyon ay dahil ayaw niyong mahirapan. Ayaw magpadede ng anak sa kanila dahil takot na masira ang katawan,” sambit ng isang ginang.
“Wala kayong karapatan na husgahan ako sapagkat hindi niyo alam ang lahat ng aking pinagdaanan. Nalagay sa bingit ng kam@tayan ang buhay naming mag-ina kaya kinailangan kong dumaan sa isang opersayon. Sinasabi niyong ayaw kong mahirapan? Hindi niyo ba alam ang hirap ng panganganak sa pamamagitan ng operasyon?
Kailangan akong pabaluktutin upang tusukan ng pampamanhid ng katawan sa pamamagitan ng isang malaking karayom sa aking likod. Tapos ay hihiwain ang bandang puson at doon ilalabas ang bata at saka muling tatahiin.
Walang kasing sakit ang kailangan kong indahin sa loob ng ilang buwan upang maghilom ang aking katawan. Pero kailangan ko pa ring bumangon at kumilos upang gumawa ng gawaing bahay at alagaan ang aking anak,” pahayag ni Hilda.
“Nais ko mang pasusu*hin ang aking anak ay walang gatas na lumalabas sa aking dibdib. Sinong ina ang kayang tiisin ang kaniyang anak na nagugutom? Nakakalungkot na kapwa ina ko pa ang humuhusga sa pagiging nanay ko. Alam kong hindi ako perpektong ina pero h’wag niyo akong husgahan ng ganiyan,” dagdag pa ng ginang.
Maya-maya pa ay lumabas na ang doktor sa center dahil sa kaganapang ito. Nang malaman niya ang punu’t dulo ng kanilang pagtatalo ay ipinaunawa ito ng doktor sa kanila.
“Iba-iba ang pagdadalang-tao ng bawat babae. Hindi porkit nanganak siya dahil sa isang operasyon ay hindi na siya tunay na ina. Ano ba ang kahulugan ng isang tunay na ina? Hindi ba ina ang kayang isakripisyo ang sariling pangangatawan para lamang maisalba ang buhay ng kaniyang anak?
Hindi ba matatawag na isang ina na hindi iniinda ang magiging kapalit ng isang operasyon upang mailabas lamang niyang ang sanggol? Sana ay hindi tayo nanghuhusga sa kapwa natin sapagkat hindi naman natin alam ang kanilang mga pinagdadaanan,” paliwanag ng doktor.
Napahiya ang mga ale sa kanilang ginawa. Agad silang humingi ng kapatawaran kay Hilda sa lahat ng mali nilang sinabi. Naunawaan na nila ang tunay na pagkakaiba ng kanilang panganganak at pangangailangan. Simula noon ay hindi na nagawa pa ng mga ito na humusga sa kahit sinong mga ina.
Malaki man ang naging pagbabago sa katawan ni Hilda ay hindi niya ito inaalintana. Ang importante sa kaniya ay masiguro niya na nasa mabuting kalagayan ang kaniyang anak habang lumalaki ito.
Ganito ang tunay na ina. Handang isakripisyo ang lahat para lamang sa kaniyang mga anak.