Nanalo sa Lotto ang Isang Ginoo na Dumaranas ng Matinding Kahirapan; Ito ang Nangyari sa Kaniyang Kayamanan
“Bakit napakadilim dito sa bahay, Julia? Wala ba tayong kuryente?” tanong ni Lito sa kaniyang asawa pagkauwi niya sa kanilang bahay.
“Naputulan na tayo ng kuryente, Lito. Tatlong buwan na kasi tayong hindi nakakapagbayad,” sambit ng ginang.
“Naaawa na nga ako rito sa mga bata kasi init na init na sila. Hindi sila makatulog dahil sa lamok,” dagdag pa ni Julia.
Nang tingnan ni Lito ang kanilang hapagkainan ay nakita niya ang tirang ulam na tuyo.
“Pasensiya ka na at ‘yan lang nakayanan ng budget natin, Lito. Pagkasyahin mo na iyan at may kanin pa naman,” wika ni Julia.
Sa puntong ito ay labis na ikinalulungkot ni Lito ang kanilang sitwasyon.
Isang construction worker itong si Lito. Arawan ang kita at sa liit ng kaniyang sahod ay hindi na nila alam kung paano ito pagkakasyahin sa lahat ng bayarin at pangangailangan ng kanilang pamilya. Ngunit dahil wala namang tinapos silang mag-asawa ay hirap din sila sa paghahanap ng trabaho. Hindi rin maiwan ni Julia ang kaniyang mga anak dahil bata pa ang mga ito.
“Pasensiya na kayo sa kaya kong ibigay ngayon. Pag sinuwerte talaga ako at nagkaroon ng malaking pera ay pinapangako ko sa inyo na hindi niyo na mararanasan pa ang ganito,” saad ni Lito sa kaniyang mag-anak.
“Basta sama-sama tayo at masaya ang pamilya natin ay wala na akong mahihiling pa. Darating din ang araw na magiging maginhawa rin ang buhay natin,” wika naman ng ginang.
Alam ni Lito na suntok sa buwan na maging mayaman siya. Lalo na nang makita niya ang bente na tanging laman ng kaniyang bulsa at tanging maiuuwi sa pamilya ng araw na iyon dahil sa dami niyang bale sa opisina.
Napadaan siya sa isang tayaan ng lotto at hindi siya nagdalawang-isip na itaya na ito.
“Tutal sanay naman na kaming wala. Isang beses lang na tataya ako baka swertehin,” saad ni Lito sa sarili.
Kaya tumaya ang ginoo at saka umuwi sa kanilang bahay.
Wala pa rin silang kuryente at hindi pa rin niya alam kung saan kukuha ng ipangkakain ng kaniyang pamilya kinabukasan.
Paggising niya ng umaga ay agad niyang tiningnan ang kaniyang tiket at nanghiram ng diyaryo sa kapitbahay.
Nang makita niya ang mga numero ay pilit niyang pinapakalma ang kaniyang sarili. Umuwi siya ng bahay ay kaniyang ibinalita sa kaniyang asawa.
“Mayaman na tayo, Julia! Mayaman na tayo!” sabik niyang sambit sa misis.
“H-hindi kita naiintindihan, anong mayaman na tayo?” pagtataka naman ng ginanga.
“Tumama ako sa lotto! Dalawa lang kaming nanalo ng at tig-dalawangpung milyong piso kami!” nagagalak niyang wika kay Julia.
Labis itong ikinabigla ng ginang. Nagtatalon ang dalawa sa tuwa.
Nang makuha na ni Lito ang kaniyang napanalunan ay tinupad niya ang pangako sa kaniyang pamilya. Bumili siya ng magarang bahay at kotse. At lahat ng nais ng kaniyang mga anak ay agad niyang ibinibili.
“Kailangan nating humanap ng magandang negosyo para hindi maubos ang lahat ng ito,” saad ni Julia sa mister.
“Saka na natin isipin ang bagay na iyan. Marami ang pera natin, Julia. Hindi kaagad mauubos ang ‘yun. Ang kailangan mong gawin ay maging maligaya sa lahat ng natatamasa natin,” sambit ng ginoo.
Sa pagbabago ng kanilang buhay ay ang pagbabago rin sa ugali ni Lito. Lagi itong nakikipag-inuman sa kaniyang mga kaibigan. Unti-unti ding nalulong sa sugal ang ginoo.
“Lito, ano ba ang ginagawa mo sa iyong sarili? Nagbago ka na! Hindi na ikaw ang dati kong asawa!” saad ni Julia sa mister.
“Ano ba ang gusto mo? ‘Yung dating ako na walang maibigay sa inyo? Eto na, nasa inyo na ang lahat. Nakakain niyo ang gusto niyong kainin, nakukuha ang lahat ng gusto, ano pa ba ang mahihiling mo?” sambit naman ni Lito.
“Mas gusto ko pa nga ang dating ikaw. Kahit walang-wala tayo ay buo ang ating pamilya. Ngayon tingnan mo ang sarili mo. Lulong sa bis*yo at laging kapiling ng mga kaibigan,” saad pa ng ginang.
“Kung ayaw mo ng bagong ako ay makakaalis ka na!” sigaw ng mister sa asawa.
Labis na ikinalungkot ito ni Julia dahil sa unang pagkakataon ay narinig niya ang mga salitang ito sa kaniyang mister.
Umalis si Julia at sinama niya ang kaniyang mga anak. Hindi man lamang siya pinigilan ni Lito.
“Sana ay maging maligaya ka sa lahat ng ginagawa mo. Tandaan mo na hindi sa lahat ng pagkakataon ay pera ang sagot,” wika ni Julia sabay alis kasama ang mga anak.
Nakalipas ang mga buwan at walang ginawa si Lito kung hindi ipagpatuloy ang kaniyang pag-inom at pagsusugal. Hindi niya inalintana na wala na sa kaniyang piling ang kaniyang mag-iina.
Hanggang sa isang araw ay nakita na lamang niyang unti-unti ng nawawala ang lahat ng kaniyang naipundar. Lahat ay naipatalo na niya sa kaniyang bisy0. At ang mga kaibigan na kasa-kasama niya noon ay hindi na niya matagpuan isa-isa dahil sa unti-unti niyang paglubog.
Bigla na lamang niyang naisip ang dati niyang buhay sa piling ng kaniyang asawa at anak. Hindi niya akalain na naipagpalit niya ang lahat ng iyon sa temporaryong kaligayahan.
Dali-dali siyang nagtungo sa tinutuluyan ng kaniyang asawa. Labis ang paghingi niya ng tawad at kaniyang pagsisisi.
“Alam kong hindi niyo na ako kaya pang tanggapin dahil sa laht ng nagawa ko sa inyo. Tinalikuran ko kayo para lamang sa mga masasama kong gawain. Ipagpatawad niyo ang lahat ng nagawa ko. Sana ay may pagkakataon pa ako na itama ang lahat ng ito,” saad ni Lito ng buong pagsisisi.
“Ikaw lang naman ang hinihintay namin ng mga bata. Matagal na naming hinihintay ang pagbabalik mo sa amin. Alam mo, Lito, mas nanaisin ko pa ang simpleng buhay basta maayos tayo. Hindi matutumbasan ng kahit anong yaman ang pamilyang masaya at buo,” pahayag ni Julia.
Pinatawad ng ginang ang kaniyang asawa. Agad niya itong niyakap at tinanggap muli sa kanilang buhay.
Mabuti na lamang at nakapagtabi ng kaunti itong si Julia mula sa tinamaan sa lotto ni Lito. Ito ang kanilang ginamit upang magsimula muli ng kanilang buhay na sama-sama.
Samantala, hindi na bumalik pa si Lito sa Kaniyang mga bisy0. Ayaw na niyang mangyari ulit na magkawatak-watak ang kaniyang pamilya. Napagtanto niya na sa kanilang buhay na ang tanging yaman lamang na alam niyang hindi mawawala sa kaniya at kailangan niyang pangalagaan ay ang kaniyang pamilya.