Pilit Inuungusan ng Binata ang Kaniyang Pinsan; Sa Paghahanap ng Trabaho Pala Siya Matatalo Nito
“Binabati kita, pinsan, ikaw na naman ang nangunguna sa klase,” wika ni Harry sa kaniyang pinsan at kamag-aral na si Ely.
“Iba ka talaga. Kahit anong gawin ko ay hindi kita maungusan,” dagdag pa ng binata.
“Baka kahit ano talagang gawin mo ay hindi ka makakapantay sa galing ko. Siguro ay dapat mong tanggapin na kahit kailan ay hindi tayo magiging magkalebel,” sambit naman ni Ely sa kaniyang pinsan.
“Binabati lang naman kita, Ely. Masaya ako para sa’yo dahil nangunguna ka sa klase natin. Sa katunayan nga ay ipinagmamalaki kita,” wika pa ni Harry.
“Bakit parang hindi ko magawang maniwala na masaya ka para sa akin? Alam kong pakitang tao mo lamang ito, Harry. Pero ‘wag kang mag-alala sapagkat kahit kailan ay mananatili ka lamang pangalawa sa akin,” sambit pa ni Ely.
Dahil magpinsan at magkaklase ay hindi maiwasa na laging ipaghalintulad ang dalawa. Mula noon pa man ay nagkaroon na ng lihim na hidwaan sa pagitan ng magpinsan. Ngunit tapat si Harry sa kaniyang pagbati sa pinsan.
Kahit na kasi lagi siyang ikinukumpara kay Ely ay wala siyang masamang nais sa binata. Masaya siya sa kahit ano mang marating ng kaniyang pinsan.
Ngunit hindi ganito ang pakiramdam ni Ely. Habang lumalaki siya ay iba ang kaniyang pananaw. Dapat ay lagi niyang matalo ang pinsang si Harry sa kahit anong laban. At magiging masaya lamang siya kung lagi niyang mauungusan ang pinsan.
“Tanggap ko namang mas magaling siya sa akin, ma. Sa lahat kasi ng bagay ay magaling siya. Hindi ko lang lubusang maisip kung bakit ang akala niya ay pinaplastik ko lamang siya nang sabihin ko sa kaniyang masaya ako para sa tagumpay niya,” tanong ni Harry sa kaniyang ina.
“Hindi kasi parehas ang pagpapalaki namin sa inyo ng kapatid ko. Marahil ay palagi din kasi siyang naikukumpara sa akin kaya ang nais niya ay sa pagkakataong ito ay makabawi siya. Hayaan mo na lang, anak. Kahit naman hindi ka nangunguna sa klase, para sa akin ikaw ang pinakamagaling dahil alam kong ibinibigay mo naman ang lahat ng kaya mo,” tugon naman ng ina.
Hinayaan na lamang ni Harry ang maling pagtrato sa kaniya ng kaniyang pinsan. Sa tagubilin na rin ng kaniyang ina ay lagi siyang nagpapakumbaba rito.
Lumipas ang mga taon at parehas silang nakapagtapos na ng kolehiyo. Nakakuha ng pinakamataas na grado si Ely samantalagang pumapangalawa sa kaniya ang kaniyang pinsang si Harry.
Taas noo si Ely na ipinagmamalaki sa kanilang buong kamag-anakan ang kaniyang parangal.
Ang akala ni Ely ay doon na matatapos ang pagkukumpara sa kanila ni Ely at pakikipagtagisan nito sa kaniya. Hanggang isang araw ay parehas sila ng kumpanyang nais pasukan.
Dahil pareho silang karapat-dapat sa posisyon ay minabuti ng mga may-ari na kapanayamin ang dalawa ng sabay.
Iisa lamang ang tanong sa kanila ng mga ito.
“Bakit kailangan na ikaw ang tanggapin namin sa posisyon at hindi siya,” tanong ng mga nasa katungkulan.
Agad na sumagot si Ely.
“Makikita niyo naman na sa lahat ng antas at asignatura ay ako ang nangunguna sa aming klase. Sa katunayan nga ay iilan pa lamang ang nakakakamit ng parangal na nakuha ko sa aming paaralan at kurso. Kapag ako ang nailagay sa posisyon na ito ay tinitiyak kong gagawin ko ang lahat ng makakaya ko upang maitaas ko ang kalidad ng trabaho,” tugon ni Ely.
Pagkatapos ay tinanong ng mga may-ari si Harry.
“Ikaw naman, Ginoong Harry Salvacion, bakit sa tingin mo ikaw ang karapatdapat at hindi siya?” tanong ng mga ito.
“Sa katunayan po ay sumasang-ayon ako kay Ely. Alam ko po na may kaniya-kaniya kaming katangian. Ngunit sumasang-ayon po ako sa kaniya. Tama po siya, mas karapat-dapat siya sa posisyong ito sapagkat magaling talaga siya sa lahat ng bagay. Sa katunayan nga kahit ano ang gawin ko ay nananatili akong pangalawa sa kaniya. Kaya nais ko na pong ibigay sa kaniya ang posisyon. Ang galing niya ay akma sa hinahanap ninyo,” saad naman ni Harry sa mga ito.
Napatingin si Ely kay Harry. Napangiti ito sa sinabi ng pinsan dahil matagal na niyang gustong marinig na sumusuko na kaniya si Harry.
Umabot ng ilang minuto ang pag-uusap ng mga may-ari ng kumpanya. Hanggang sa nakapagdesisyon na ang mga ito.
“Ibinibigay namin ang posisyon kay Ginoong Ely Mercado. Ikaw na ang bagong team leader na hinahanap namin,” sambit ng isang may-ari.
Labis ang saya ni Ely sa kaniyang narinig.
“Sabi ko na nga ba! Maraming salamat po at hindi po kayo nagkamali ng desisyon!” tuwang-tuwang wika ni Ely sa mga may-ari.
“Sa susunod ka lang bumawi, Harry. Sa pagkakataong ito ay tinalo na naman kita. Pero, ayos ka rin dahil tama ang mga sinabi mo,” pagmamayabang ng binata sa kaniyang pinsan.
Aalis na sana si Harry nang kausapin siya muli ng mga may-ari ng kumpanya.
“Para naman sa iyo Ginoong Harry Salvacion, itinatalaga ka namin bilang pinuno ng buong departamento na kinabibilangan ni Ginoong Ely Mercado. Magtatrabaho siya sa ilalim ng pamamahala mo,” sambit pa ng isang may-ari.
Labis na nagtaka ang magpinsan na naging desisyon ng mga ito.
“Ngunit bakit? Mas magaling ako kaysa dito kay Harry. Kung titingnan niyo ang lahat ng sertipiko ko at mga parangal ay mas karapat-dapat ako kaysa sa kaniya!” pagtutol ni Ely.
“Nais namin ipaalam sa iyo, Ely, na hindi sa lahat ng pagkakataon ay talino ang kinakailangan. Tama ka, matalino ka at magaling kaya nais naming pamunuan mo ang itinalaga namin sa iyo. Ngunit iba ang kakayahan nitong si Harry. Magaling din siya ngunit mayroon siyang puso sa ibang tao. Kaya niyang aminin ang kaniyang kahinaan at kakayahan.
Sa kaniyang pamumuno ay mas nakikita namin ang pag-unlad nitong kumpanya dahil kaming may-ari nito ay maka-empleyado. Malaki ang utang na loob namin sa mga empleyado sapagkat kung wala sila ay hindi uunlad ang aming negosyo,” saad pa ng isang may-ari.
Lubos na ikinainis ni Ely ang nangyari at desisyon ng mga may-ari ng kumpanya. Labis siyang napahiya at hindi niya matanggap na sa pagkakataong ito ay naungusan na siya ng kaniyang pinsan. Hindi siya makapaniwala na sa tagal na tanging pangalawa lamang sa kaniya ang pinsan sa loob ng kanilang paaralan ay sa hamon pala sa tunay na buhay siya nito malalamangan.