Simula’t Sapul ay Matabang na ang Turing ng Ginang na Ito sa Kaniyang Manugang, Apo pa pala Niya ang Sasampal sa Kaniya
“Hay naku, Yolly, huwag ka na kasing nakikisalo sa usapan doon sa salas. Dito ka na lang sa kusina, ikaw ang punong abala rito, hindi ba?” baling ni Aling Nita, biyenan ng babae.
“Sabi ho kasi ni Rody ay tumabi ako sa kaniya,” mahinang sagot nito sa ale.
“Alam mo naman na mga katrabaho niya ‘yung nandoon, wala ka naman alam sa mga usapan nila at kaya ka lang gusto itabi ng anak ko pang display sa kaniya. Kaya kung ako sa’yo, kaysa nakanganga ka roon at pilit na iniintindi ang pinag-uusapan nila ay magpakamabuting may bahay ka na lang. Samahan mo ang mga katulong dito para ikaw na bahala sa kanila. Ayaw ko ng paulit-ulit, Yolly, maraming bisita, ayusin mo!” baling pang muli ng babae at saka ito umalis.
Naiwan naman si Yolly na nakatitig sa mga hugasin.
“Ang bait mo talagang manugang! Buti nakakatagal ka sa biyenan mo?” wika ni Marta, kinuhang taga hugas para sa handaan ngayong kaarawan ng kaniyang biyenan.
“Ho?” mahinang sagot nito sa babae.
“Naku, huwag kang mag-alala, hindi kami magkaibigan nun ni Aling Nita! Matagal ng pumuputok ang usap-usapan dito sa lugar natin na inaalispusta ka nga raw niyang biyenan mo. Buti hindi ka nagsusumbong sa mister mo?” usisa pang muli ni Marta sa kaniya.
“Naku hindi naman, mainit lang ulo nun ngayon saka ako talaga nakatoka sa kusina, iniwan ko lang kanina kasi tinawag ako ng asawa ko,” nahihiya nitong sagot at mabilis na kinuha ang apron para simula na niya ang paghuhugas.
“Huwag ka na maghugas, hayaan mo na kami rito. Lahat ng iba niyang manugang ay nasa labas at nakikipag-usap ng mga bisita, makigulo ka roon! Hayaan mo siya,” nakangiting suhestiyon ni Marta sa kaniya at kinuha ang hawak nito.
Hindi naman na nagsalita pa si Yolly at ngumiti na lamang sa babae. Saglit siyang pumasok sa kwarto at pinatay ang ilaw, nagtago muna siya sa loob ng aparador at doon umiyak.
Ayaw ni Aling Nita sa kaniya bilang asawa ng paborito nitong anak na si Rody, ganda lang daw kasi meron ang babae at walang utak. Paano’y siya lang din ang walang tinapos sa lahat ng manugang nito kaya naman ganun na lamang siya apak-apakan ng ale.
“Yolly, hindi na kita nakita kagabi. Saan ka ba nagsuot? Ang daming hugasin!” maagang sita sa kaniya ng biyenan.
“Naku, nahilo lang ho kayo kagabi kaya hindi niyo napansing pa ikot-ikot ako sa pagdadala ng pagkain,” sagot ni Yolly rito.
“Ganun ba? Sige, salamat na rin at hindi mo ako pinahiya kahapon sa mga amiga ko at katrabaho ni Rody. Basta tandaan mo lagi, kapag matatalinong usapan na, ikaw na mismo ang umiwas! Baka kasi sa susunod niyan ay hindi na kita maipagtanggol pa,” saad pang muli ng ale sa kaniya sabay ngiti pa nito.
“Ma, nakatapak naman ako ng kolehiyo, hindi lang ako nakapagtapos. Hindi naman ho ako tanga,” mahina niyang sagot sa ale.
Tiningnan muna siya ng biyenan saka ito tumawa nang malakas.
“Magluto ka na nga lang diyan bago pa gumising ang mga anak ko at apo. Galingan mo, undergrad, Yolly!” natatawang wika muli ng ale sa kaniya.
Sobrang bigat na ng damdamin ni Yolly ng mga sandaling iyon kaya naman hindi na niya napigilan ang pagpatak ng mga luha niya. Simula nang tumira siya sa poder ng mister ay naging katulong na ang trato sa kaniya rito.
Hanggang sa nagtanghalian na at dumating na naman muli ang mga kaibigan ng kaniyang biyenan na muli na naman niyang pagsisilbihan..
“Ma, kakausapin ka raw ni teacher, may sasabihin siya sa’yo,” saad ni Ynnah, walong taong gulng na anak ng babae.
“Ano ‘yun, apo? Si lala na ang kakausap at abala mo ang mama mo,” mabilis na singit ni Aling Nita at kinuha ang telepono. Tuwang-tuwa ang ale sa narinig mula sa guro ng bata.
“Apo! Top 1 ka raw ngayon sa klase niyo at sasabitan ka ng medalya sa darating na katapusan! Napakagaling naman talaga! Mabuti na lang talaga at sa akin ka nakamana ng katalinuhan! Mabuti na lang talaga at sa angkan namin ikaw nagmana!” masayang-masayang sabi ng ale at niyakap-yakap ang apo habang nakangiti lang sa may kusina si Yolly nang marinig ito.
“Teka lang, ‘la, bakit naman ako sa’yo magmamana?” tanong ng bata rito.
“Kasi apo kita! Anak ko ang tatay mo! At sa akin ka nakamana ng talino, lahat ng mga tito at tita mo ay matatalino kagaya ni papa mo kasi lahat ‘yun ay sa akin nagmana!” masayang sagot ng ale rito sabay tawa at nagtawanan din ang mga bisita niya.
“Hindi ako sa inyo nagmana, kay mama ko. Si mama, kahit gaano pa kapagod ‘yan, tuturuan pa rin ako. Si mama lahat ng bagay kaya, kaya idol ko si mama. Sa totoo lang, ayaw kong magmana sa inyo kasi hindi naman kayo the best, masama po kaya ang ugali niyo. Puro kayo chismis ng mga kaibigan niyo at isa pa, palagi mo rin inuutusan si mama. Kaya kapag nakaipon na ako ng maraming medal ay aalis na kami rito kasi ayaw ko sa inyo,” wika ng bata sa kaniya na labis niyang ikinagulat. Mabilis na tumakbo si Yolly upang kuhanin ang kaniyang anak at sinabihang humingi ito ng tawad.
“Mama, sabi ni teacher, mag so-sorry lang daw kami kapag may ginawa kaming mali. Wala naman akong ginawang mali, mama, masama talaga ugali ni lala lalo na sa’yo. Sa akin at kay papa lang siya mabait at sa ibang tao. Hindi ba, lala? Lagi kang masama kay mama ko? Lagi mo siyang sinasabihan ng bobo, alam niyo po bang walang bobo sa mundo sabi ni teacher? Hindi niyo po alam? Gusto niyo ba classmate na lang tayo para hindi na kayo ganyan? magaling magturo ng teacher ko at marami kayong matututunan” tanong pang muli ni Ynnah sa kaniyang lola.
“Ma, sorry, hindi ko alam saan niya ‘to natutunan,” pagpapaumanhin ni Yolly sa biyenan.
“No, mama, sinasabi ko lang ang totoo na hindi ako nagmana kay lala at ayaw ko talaga na maging kagaya niya. Ikaw mama ang idol ko, ikaw ang the best, sa’yo ako nagmana!” sigaw pa ni Ynnah at tumakbo ito sa kwarto.
Hindi nakapagsalita si Aling Nita at piniling iwan ang mga bisita saka pumasok sa kwarto.
Ngayon ay nahimasmasan siya sa kaniyang ginagawa, masakit ang mga sinabi ng kaniyang apo at gusto niyang puntahan ito para sampalin ang bibig ng bata ngunit sa kabilang banda ay nanlambot ang tuhod niya. Nanlambot ito sa hiya dahil siya mismo ang sumira ng imahe niya sa bata.
Simula noon ay humingi siya ng tawad kay Yolly at sa kaniyang apo. Unti-unti, natangap ng ale si Yolly at buong pagkatao nito. Tinigilan na niya ang walang humpay na pang-iinsulto sa babae at mas piniling makipag-ayos.