Nagmistulang Pipi ang Lalaki para Iligtas ang Kaniyang Sarili; Mananatili Pa Kayang Tikom ang Kaniyang Bibig Kung ang Kinabukasan ng Kaniyang Kapatid ang Magiging Kapalit?
“Hindi ka ba nagbibiro? Saan mo naman nasagap ang tsismis na iyan?” usisa ni Dr. Kevin kay Melba, ang kaniyang sekretarya.
Hindi makapaniwala ang lalaki sa ibinalita nito sa kaniya. Suspendido ang lisensiya ng kaniyang kapatid. Hindi pa nakakalipas ang isang taon nang maipasa ng kapatid niyang si Gerald ang licensure exam para sa mga doktor ngunit ngayon ay mabilis pa sa alas kwatro na binawi sa kaniyang kapatid ang karapatan nitong gamitin ang kaniyang kaalaman at kakayahan sa panggagamot.
“Ang head nurse po ang nagsabi sa akin. Ang sabi niya ang kapatid niyo raw po kasi ang nag-utos kung anong gamot ang ibibigay sa pasyente. Nagkaroon ito ng allergic reaction sa gamot. Nahirapan itong huminga. Ang resulta, lumala ang lagay ng pasyente. Kinailangan itong ilipat sa ICU,” tugon ni Melba.
“Ang pasyenteng tinutukoy mo ba ay si Mrs. Gascon?” tanong muli ng doktor. “Siya nga po. Hindi ba pasyente niyo po si Mrs. Gascon? Hindi ba dapat ay kayo ang magsasabi sa kanila kung anong gamot ang ipapainom nila? Hindi ko nga po alam kung bakit sinunod nila ang kapatid niyo, eh. Kabago-bago lang na doktor pero masyado nang nagmamarunong,” inis na saad ng sekretarya.
Nanlumo si Dr. Kevin sa kaniyang nalaman. Walang kasalanan ang kaniyang kapatid. Inosente si Gerald at sigurado siya sa bagay na iyon. Nagtatalo ang kaniyang isipan. Ipapaalam ba niya ang kaniyang nalalaman para linisin ang pangalan ng kaniyang kapatid o pananatilihin niyang ikom ang kaniyang bibig? Sa huli, ang nanaig ay ang panatilihin ang kaniyang pananahimik.
Ilang linggo na ang nakakalipas at simula nung nasuspinde si Gerald ay hindi pa ito nakakausap ni Dr. Kevin. Hindi alam ng doktor kung paano niya haharapin ang kapatid at kung ano ba ang dapat niyang sabihin dito. Nahihiya siya dito kaya ginagawa niya ang lahat nang paraan para hindi magtagpo ang kanilang landas. Bago pa sumikat ang araw ay maaga na siyang umaalis ng kanilang bahay. Pagkatapos niyang mag-duty sa ospital ay nagpapalipas na muna siya ng oras sa kung saan-saan. Madaling-araw na siyang nakakauwi sa kanilang bahay.
“Dr. Kevin, congrats! Balita ko sigurado na ang promosyon mo, ah. Sayang at hindi ka tinularan ni Dr. Gerald. Masyadong malaki ang ulo palibhasa kapatid ka niya,” bati ng isang doktor.
“Pahanginan mo naman ako ng biyaya mo, Dr. Kevin. Ayaw ko sa Jollibee, ha? Huwag kang kuripot. At pakiusap lang, ha? Huwag na huwag mong isasama ang kapatid mo kapag ililibre mo ako. Hindi niya ko yaya,” biro ng isang nurse na kaibigan ng doktor.
“Iba na talaga ang matalino at masipag! Kaya idol kita, dok, eh. Congrats, Dr. Kevin. Kalat na kalat na po ang balita na ikaw ang nangunguna sa mga kandidato bilang susunod na bagong head ng surgical department. Buti na lang at hindi nakaapekto sa promosyon niyo ang pagkakasuspinde ni Dr. Gerald,” bungad ni Melba nang dumating ang lalaki sa kaniyang klinika.
Kaliwa’t kanan ang natatanggap na papuri ni Dr. Kevin mula sa mga kapwa niyang doktor at iba pang staff ng ospital. Ngunit walang mababahid na kasiyahan sa kaniyang puso’t isipan dahil patuloy siyang binabagabag ng kaniyang konsensiya. Habang patuloy na humahalimuyak ang pangalan niya sa ospital ay nakaduktong dito ang pagkadismaya ng lahat sa ginawa ng kaniyang kapatid. Sa bandang huli ay hindi na nakayanan ng isip at kalooban ng doktor kaya’t pagkatapos ng kaniyang duty sa ospital ay agad siyang umuwi para kausapin ang kaniyang kapatid tungkol sa nangyari kay Mrs. Gascon.
“Talaga bang hindi na magbabago ang desisyon mo, Dr. Kevin?” tanong ng direktor ng ospital. “Isang malaking oportunidad ang palalampasin mo kung hindi mo tatanggapin ang promosyon na iniaalok ko sa iyo. Malabong maulit pa ang ganitong pagkakataon,” dagdag pa ng direktor.
Muling ginunita ni Dr. Kevin ang sinabi sa kaniya ng kaniyang kapatid noong sila ay nagkausap tungkol sa naganap na insidente.
“May kasalanan pa rin ako, kuya. Kahit hindi talaga sa akin nanggaling ang desisyon na ipainom ang gamot na iyon sa kaniya alam kong nagkaka-allergy ang ilang pasyente sa gamot na iyon. Dapat ay pinasuri ko muna si Mrs. Gascon bago ko inutusan ang nurse na palitan ang gamot na ipinaiinom nila sa kaniya. Nakalimutan mo na ba ang tinuro sa atin ng ating mga magulang. Malaki man o maliit ang nagawa mong pagkakamali, sinadya mo man itong gawin o hindi, ikaw man ang pasimuno o tagasunod lamang, dapat ay aminin mo ang iyong kasalanan at matapang mong harapin ang iyong kaparusahan. Huwag kang mag-alala, kuya. Kahit kailan ay hindi nabawasan ang paghanga ko sa iyo. Ikaw pa rin ang nag-iisang idol ko.”
Isang malakas na sampal sa mukha ni Dr. Kevin ang sinabi ng kaniyang kapatid. Dahil sa kagustuhan niyang hindi mawala sa kaniya ang karangyaang kaniyang tinatamasa sa ospital na kaniyang pinagtatrabahuan, dahil lang sa ayaw niyang bumaba ang tingin sa kaniya ng mga taong tumitingala sa kaniya mula sa isang matayog na pedestal, dahil lang sa ayaw niyang mabahiran ng dumi ang pangalang matagal niyang iningatan ay kinalimutan na niya ang mahalagang aral na palaging ipinapaalala ng kanilang mga magulang sa kanilang magkapatid noon.
“Hindi po ako karapat-dapat sa posisyong iniaalok niyo. Hindi ko po alam kung bakit hindi sinabi sa inyo ng kapatid ko ang totoo. Pero ako po ang dahilan kung bakit lumala ang kalagayan ni Mrs. Gascon. Nasa probinsiya po ako noong mga panahong iyon para dumalo sa isang convention. Hindi ako nakabalik agad dulot ng malakas na bagyo na sumalanta sa lugar. Nag-aalala ako sa kondisyon ni Mrs. Gascon dahil ilang araw pa lang ang nakakalipas nang operahan ko ito. Pinakiusapan ko po ang kapatid kong si Gerald na bisitahin niya ang matanda kapag nag-rounds siya at ipaalam niya sa akin ang kalagayan nito. Tiwala po ako sa kakayahan ng kapatid ko at sigurado akong tama ang ginawa niyang pagsusuri sa matanda. Base sa mga sinabi niya sa akin sa telepono, nagdesisyon akong bigyan ng mas matapang na gamot si Mrs. Gascon. Pinakiusapan ko po siya na siya na lang ang magbigay ng instruksyon sa mga nurse kung anong gamot ang ipapainom sa pasyente. Nakalimutan ko na may allergy si Mrs. Gascon sa gamot na iyon. Ako ang may kasalanan kung bakit lumala ang kalagayan ng pasyente. Hindi si Dr. Gerald. Patawad po dahil ngayon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob na aminin ang aking pagkakamali. Pakiusap. Tulungan niyo po ang aking kapatid na makabalik sa kaniyang propesyon. Sa halip ay ako po ang gawaran niyo ng kaparusahan,” pahayag ni Dr. Kevin sa direktor ng ospital.
Dahil sa ginawang pag-amin ni Dr. Kevin sa kaniyang kasalanan, bagama’t mahigpit na binabantayan ang bawat kilos ng kaniyang kapatid ay nakabalik na ito sa panggagamot. Sinuspinde ang lisensiya ni Dr. Kevin. Hindi nanghinayang ang doktor na nawala sa kaniya ang pagkakataong umangat sa larangan ng medisina. Kahit nasasaktan siya sa tuwing nakakarinig siya ng mga hindi magandang pananalita mula sa mga taong dating tumitingala sa kaniya ay hindi na lang niya ito pinapatulan. Balewala na rin sa doktor na madungisan ang maganda niyang track record. Dahil ang mahalaga sa kaniya ay muli niyang naalala ang magandang aral na ibinahagi sa kaniya ng kaniyang mga magulang. At higit sa lahat ay isinasabuhay niya ito araw-araw saan man siya mapadpad at gaano man katayog ang kaniyang marating.