Hindi Nagdidiwang ng Kaarawan ang Kaibigan ng Dalaga, Natuklasan Niya ang Lihim Nito

Hindi Nagdidiwang ng Kaarawan ang Kaibigan ng Dalaga, Natuklasan Niya ang Lihim Nito

InspiringMysteryStories

Ilang taon nang may matalik na kaibigan ang dalagang si Loren. Kasama niya ito kahit saan man siya magpunta. Kahit na kukuha lang siya saglit ng pinadalang pera ng tatay niyang nasa abroad, maglaba, o kahit bumili lang ng toothpaste sa katapat nilang bahay, buntot-buntot nila ang isa’t-isa. Kulang na nga lang, papalitan niya ito ng apelyido dahil halos araw-araw na rin itong natutulog sa kanila na ikinatutuwa naman ng kaniyang ina dahil may kasama silang dalawa sa kanilang bahay. 

Kaya lang, kahit halos limang taon na niya itong kasama, ni minsan, hindi niya pa nakitang nagdiwang ito ng sariling kaarawan. Hindi naman niya masabi na wala itong pera upang paghandaan ang sarili dahil mayayaman ang mga magulang nito na parehas na nagtatrabaho sa barko. Hindi niya rin maisip na ayaw lang nito dahil gustong-gusto nito ang pagsasama-sama ng kanilang mga kaibigan lalo na sa isang pagdiriwang. 

Minsan din itong inalok na kaniyang ina na paghahandaan ito sa kaarawan ngunit agad itong tumanggi. Kulitin man niya ito upang malaman niya ang dahilan, ginagawa nito ang lahat upang malihis ang usapan. 

Napansin niya pang buong araw itong wala tuwing kaarawan nito na pinag-aalala niya pati ng kaniyang ina. 

“Saan kaya nagpupunta si Jelay, ano? Sana naman, hindi siya malungkot tuwing kaarawan niya,” sabi ng kaniyang ina nang mapagkwentuhan nila ito habang sila’y nagsasampay sa kanilang bakuran. 

“Kaya nga po, eh, baka naman po may masamang nangyari sa araw ng kaarawan niya kaya ayaw niyang ipagdiwang,” hinala niya pa na ikinaisip din ng kaniyang ina. 

“Bakit hindi mo siya sundan sa kaarawan niya? Para mabigyan na ng kasagutan ang mga katanungan natin! Hindi naman siya nagsasabi, eh,” payo nito na labis niyang ikinangiti. 

“Ang tali-talino mo talaga, mama! Sana pati ‘yan namana ko sa’yo hindi lang ang kagandahan mo!” pangbobola niya rito na ikinatawa nito. 

Pagsapit ng kaarawan nito, maaga siyang nagising upang matiyagaan ang bawat kilos nito. Bandang alas otso ng umaga, saktong pag-alis ng kaniyang ina upang magpunta sa kalapit na panaderya, agad din itong umalis sa kanilang bahay dahilan para dali-dali niya rin itong sundan. 

Nakita niya itong namili ng sandamakmak na pagkain sa grocery store at daan-daang pagkaing sa katapat na fast food chain na talagang lalo niyang pinagtaka. 

“Saan naman niya dadalhin ang mga pagkaing ‘yan? Pang isang barangay na ‘yan, eh! Hindi kaya, nagdidiwang talaga siya ng kaarawan niya pero hindi niya lang ako iniimbitahan?” sabi niya kaya siya’y nakaramdam ng kaunting pagtatampo rito. 

Kokomprontahin niya na sana ito nang may ilang lalaki ang lumapit dito upang tulungan itong kuhanin ang sandamakmak nitong order. 

Sinundan niya ng tingin kung saan dadalhin ang mga pagkaing iyon at laking gulat niya nang makitang sa isang malaking sasakyang may nakasulat na “New Hope Orphanage” pinasok ang lahat ng in-order nito. 

“Ibig ba nitong sabihin, sa isang bahay-ampunan niya dinadaos ang kaarawan niya taon-taon?” tanong niya sa sarili. 

“Oo, dati rin kasi siyang nakatira roon kasama ang mga bata at matatandang walang pamilya,” sabat ng isang ginang na nasa likod niya saka sobrang pagkagulat niya, nakuha niya ang atensyon ng kaniyang kaibigan. 

“Sabi na nga ba ikaw ‘yong sisilip-silip d’yan, eh!” sabi nito na ikinakamot niya na lang ng ulo. 

Doon din, agad na siyang pinaliwaganan ng kaniyang kaibigan. Umamin na rin ito sa dating buhay na mayroon nito na talagang ikinabiyak ng puso niya. 

“Pasensya ka na, ha? Ayaw kasi ipaalam ng mga magulang ko na ampon lang ako dahil simula noon pa man, tinuring nila akong sariling dugo’t laman. Bilang kabayaran sa mga madreng kumupkop sa akin, pangako kong pagtuloy akong magdidiwang ng kaarawan kasama silang lahat,” sabi pa nito dahilan para yakapin niya ito nang mahigpit. 

“Sobrang swerte kong magkaroon ng kaibigang kasing bait mo!” tangi niyang sabi na ikinangiti nito. 

Noon din, sinama siya ng dalaga sa ampunang dating tinitirhan at ganoon na lang tumaba ang puso niya nang makita ang ngiti ng mga bata’t matatanda pagkatanggap ng mga pasalubong ng kaniyang kaibigan. 

“Ngayon, naiintindihan ko na talaga bakit taon-taon kang nagdidiwang ng kaarawan kasama sila. Parang sa susunod kong kaarawan, gusto kong dito rin magdiwang,” masaya niyang sambit sa kaibigan na labis nitong ikinatuwa. 

Simula noon, madalas na siyang sumama sa kaibigan sa naturang ampunan. Espesyal man o pangkaraniwang araw, sila’y nagpupunta rito upang magbahagi ng biyaya na talagang ikinasasaya nilang dalawa.

More Stories