Panay ang Pagpapaayos ng Parte ng Katawan ng Dalaga, Kumagat pa Siya sa Murang Dentista para Magpa-brace ng Ngipin

Panay ang Pagpapaayos ng Parte ng Katawan ng Dalaga, Kumagat pa Siya sa Murang Dentista para Magpa-brace ng Ngipin

InspiringKarmaStories

Hindi makuntento sa kaniyang itsura ang dalagang si Kaye. Hangga’t may nakikita siyang hindi kaaya-aya sa kaniyang buong katawan, mapamatabang pisngi man o bilbil sa tiyan, gustong-gusto niya iyong ipaayos. 

Sa katunayan, lahat ng kinikita niya sa kaniyang trabaho bilang isang casino dealer sa isang kilalang hotel sa Maynila, nilaan niya lahat sa pagpapaayos ng kaniyang mukha. 

Una niyang pinaayos ang kaniyang ilong kahit na hindi naman talaga siya pango. Gusto niya lang makuha ang matangos na ilong na mayroon ang kaniyang ama. Lingid man sa kagustuhan ng kaniyang mga magulang ang pagpapaayos niyang ito dahil nga maganda naman ang kaniyang ilong kahit hindi gaano katangos, sinunod niya pa rin ang gusto niya at gumastos ng ilang libong piso. 

Ang pagpapaoperang niyang ito ay nasundan na nang nasundan. Pati kaniyang mata, tiyan, braso, at labi, kaniya na ring pinayos kahit wala namang problema sa mga ito. Kapag siya’y pinagagalitan ng mga magulang sa ginagawa niyang ito, palagi niyang sinasabi, “Magalit kayo kung pera niyo ang ginagastos ko! Ipon ko naman ang ginagastos ko, eh, tapos magagalit kayo?” dahilan para siya’y pabayaan na ng mga ito. 

Ngunit, pagsapit ng pandemya, isa siya sa mga natanggal na empleyado sa hotel na pinagtatrababuhan niya at dahil panay ang gastos niya sa pagpapaopera, wala pang limang libong piso ang natira sa kaniyang bulsa. 

Sakto namang may napanuod siyang artista sa telebisyon na nakasuot ng braces sa ngipin kaya siya’y nainggit na naman.”Siguradong aangat lalo ang kagandahan ko kapag nagpalagay ako ng braces!” sabi niya sa sarili saka agad na naghanap sa internet ng murang pagawaan ng braces sa kanilang lugar.

Wala pang isang oras, nakatagpo siya ng isang klinik na mababa ang singil. 

“Totoo ba ‘to? Sa halagang dalawang libong piso magkakaroon na ako ng braces sa ngipin? Mura lang pala talaga ‘to, eh! Matawagan nga para makasiguro ako!” wika niya pa sa sarili saka agad na tinawagan ang numerong nakita. 

Doon niya nakumpirma na totoo ngang mura ang singil ng dentista roon. Sabi pa nito sa kaniya, “Naka-promo po lahat ang services namin, ma’am, ngayong linggo. Sa susunod na linggo po, babalik na po sa dating presyo ang pagpapagawa ng braces sa amin. Kung gusto niyo pong makuha ‘tong promo namin, magpalista na po ako ngayon dahil dinudumog po kami ng mga tao tuwing may promo kami.” 

Dahil sa sinabing ito ng dentista, siya’y agad-agad na nagpalista at nagmadaling pumunta sa klinik nito. 

“Hindi ko dapat palampasin ang promo nila! Gustong-gusto talaga ng Diyos na gumanda ako lalo!” sabi niya habang nagmamadaling sumakay ng bus papunta sa naturang klinik. 

Pagpunta niya roon, walang siyang naabutan ni isang kustomer na pinagtaka niya. Katwiran ng dentista, kakaalis lang daw ng isang batalyon ng mga guro na nagpagawa rin ng braces dito dahilan para siya’y maniwala at agad na ipagkatiwala ang kaniyang ngipin. 

Isang oras mahigit lang ang nakalipas, tuluyan na ngang nakabitan ng braces ang kaniyang ngipin. Sobrang sakit man ng kaniyang nararamdaman dahil tila napakasikip ng pagkakalagay sa kaniya, tiniis niya ang lahat ng ito upang maging maganda ang itsura niya. 

Pagkauwi niya, wala siyang ibang nakain kung hindi sabaw ng nilutong ulam ng kaniyang ina. Katakot-takot na sermon man ang muli niyang natanggap, muli niyang singhal sa magulang, “Pera ko naman ang ginastos ko, eh!” 

Habang lumilipas ang mga araw, pasakit man nang pasakit ang kaniyang ngipin, gustong-gusto naman niya ang gandang nabibigay nito sa kaniyang mga ngipin. 

Panay ang kuha niya ng litrato sa sarili habang ngiting-ngiti upang ipakita ang kaniyang braces hanggang sa dumating na ang araw na napansin niyang tila nakapatong na ang isa niyang ngipin sa isa niya pang ngipin. 

“Diyos ko, hindi naman ganito ang ngipin ko dati!” pag-aalala niya, muli niyang tinawagan ang dentistang gumawa nito ngunit hindi na ito matawagan. Nagpunta rin siya sa klinik nito pero ito’y sarado na. 

Mangiyakngiyak siyang humingi ng tulong sa kaniyang mga magulang pagkauwing-pagkauwi niya at dahil alalang-alala na rin ang mga ito sa kung anong pupwedeng mangyari sa kaniya, agad siyang dinala ng mga ito sa isang kilalang dentista gamit ang ipon ng kaniyang ama pangbili sana ng kanilang mga pagkain para sa isang buwan. 

Doon niya napag-alamanang mali ang pagkakagawa ng braces sa kaniya at nakakalason pa ang mga materyales na ginamit. 

“Kaya naman pala sobrang mura!” inis niyang sabi. 

Nang tuluyang maayos ang kaniyang mga ngipin pagkatapos ng ilang gamutan, kaniyang napagtantong kailangan na niyang itigil ang pagpapaopera o pagpapaayos ng kahit anong parte ng kaniyang katawan dahil kung ito’y itutuloy niya ngayong wala siyang pera, malalagay na siya sa alanganin, mapeperwisyo pa ang kaniyang mga magulang. 

“Maganda naman pala ako kahit dati pa,” sabi niya sa sarili nang makita ang dati niyang litrato sa kanilang sala.

More Stories