Matagal nang May Tampuhan ang Ginang at ang Kaniyang Kapatid, Dapat nga ba Siyang Makinig sa Sumbong ng Kapitbahay?

Mahigit isang buwan nang may hindi pagkakaintindihan si Malou pati ang kaniyang nakababatang kapatid na pinalala pa ng mga tsismosa sa kanilang lugar.

Araw ng Lunes noon, unang araw ng kaniyang pagpasok sa bagong trabahong natagpuan niya sa Maynila at dahil ilang kilometro ang layo nito sa kanilang bahay, maaga siyang nagising upang ihanda ang lahat ng kakailanganing gamit ng kaniyang dalawang taong gulang na anak na iiwan niya sa kaniyang bunsong kapatid na wala namang ginagawa kung hindi ang magselpon maghapon.

Hinanda niya ang mga damit na susuotin at pamalit ng kaniyang anak para sa buong araw, mga gatas, tubig, at bote nito, at kung ano pa mang gamit nito upang hindi na mahirapang mag-alaga ang kaniyang kapatid.

Bago siya tuluyang umalis ng bahay, ginising na niya ang kaniyang kapatid para ibilin ang anak niyang tulog sa tabi nito. “Oo na, ate, ako na’ng bahala sa kaniya. Mag-ingat ka na lang at uwian mo kami ng pasalubong,” aantok-antok nitong sagot saka niya hinalikan ang anak at agad nang umalis. 

Maayos na dumaan ang araw niya noon. Madaki lang ang ginagawa niyang trabaho sa opisina at may libre pang pagkain na talagang ikinasaya niya. Maaga rin siyang pinauwi ng kaniyang boss dahilan para siya’y makadaan pa sa kalapit na mall upang bumili ng pasalubong bago siya makauwi.

Kaya lang, hindi pa man siya nakapapasok sa eskinita ng kanilang barangay, agad na siyang sinalubong ng kanilang kapitbahay.

“Naku, Malou, maling-mali ang desisyon mo na iwan ang anak mo sa kapatid mong maldita! Walang oras ngayong maghapon na hindi umalingawngaw ang iyak ng anak mo! Noong sumilip ako sa bahay niyo, nakita kong pinagagalitan ng kapatid mo ang anak mo! Anong laban ng anak mo roon, ‘di ba? Parang hindi pa pinapainom ng gatas! Kahit naiyak na ang anak mo, nagseselpon pa!” balita nito na kaagad na ikinataas ng dugo niya.

Pagkauwi niya, agad niyang hinablot sa kapatid ang kaniyang anak na umiiyak pa rin. Magsasalita pa lang sana ito, agad na niya itong sinigawan.

Advertisement

“Huwag na huwag ka nang lalapit sa anak ko, ha? Kung sasaktan mo siya, umalis ka na rito sa bahay namin!” sigaw niya rito na ikinagulat ng kapatid niya ngunit imbis na sumagot, sinunod nga nito ang sabi niya at agad na lumayas.

Ngayong wala na siyang kasama sa bahay bukod sa kaniyang anak, hindi niya alam kung paano hahatiin ang katawan at oras niya para makapagtrabaho at makapag-ayos ng bahay.

Dito na siya humingi ng tulong sa kaniyang ina na nasa kabilang barangay lang naman nakatira.

“Bakit kasi hindi na lang kayo mag-ayos ng kapatid mo?” tanong nito sa kaniya.

“Bakit ako makikipag-ayos doon? Ako ba ang may kasalanan sa nangyari? Pinabayaan at minalditahan niya ang anak ko, mama! Umiiyak na ‘tong bata, nagseselpon pa siya!” inis niyang kwento rito. 

“Diyos ko! Alam mo namang hindi sanay mag-alaga ng bata ‘yon kaya siguro iyak nang iyak ang anak mo. Nagseselpon siya dahil tinatanong niya ako kung ano at paano ang pupwede niyang gawin para mapatulog ang anak mong antok na antok na,” paliwanag nito sa kaniya na ikinagulat niya.

“Bakit sabi ng kapitbahay…” sabi niya na agad nitong pinutol.

“Bakit ka kasi naniniwala sa mga tsimsosang ‘yan? D’yan sila tuwang-tuwa kapag nakakasira sila ng pamilya at relasyon!” pangaral nito saka kinarga ang anak niyang naiyak.

Advertisement

“Kung mali ang nasumbong sa akin, bakit hindi siya nagpaliwanag sa akin? Dapat humingi siya ng tawad kahit papaano!” pagmamatigas niya pa saka binuksan ang kanilang bintana.

“Paano makakapagpaliwanag ang kapatid mo, anak, pinalayas mo na? Saka, hindi importante kung sino ang unang humingi ng tawad. Ang mahalaga, maayos ang relasyon niyong magkapatid dahil nasa iisang pamilya lang tayo. Huwag niyong hayaaang pumalakpak ang tainga ng mga tsismosang iyan!” sagot nito na tila ba pinaririnig sa mga kapitbahay nilang nakatambay sa harapan ng bahay niya.

Doon niya napagtantong tama nga ang payo ng kaniyang ina. Napaisip niya ring hindi niya nga nakausap nang maayos ang kaniyang kapatid at siya’y nakinig lamang sa balita ng kaniyang kapitbahay.

Kaya naman, nang matanggap na niya ang kaniyang kamalian, agad niyang tinawagan ang kaniyang kapatid. Humingi siya ng tawad dito kahit pa siya ang matanda rito. Wala siyang ibang natanggap na sagot bukod sa hagulgol nito.

“Ilang linggo na ‘yang naiyak tuwing gabi dahil sa pag-aaway niyo,” sabi pa ng kaniyang ina kaya kaniya itong pinapunta sa bahay niya.

Nang magkita sila, sabi nito, “Wala namang katotohanan ang mga sinumbong sa’yo, ate, wala akong ibang ginawa noong araw na ‘yon kung hindi ang alagaan ang nag-iisa kong pamangkin,” dahilan para muli siyang humingi ng tawad dito at patuluyin ulit ito sa bahay niya.

Simula noon, gumaan muli ang buhay niya. Hindi man natuldukan ang mga paninirang ginagawa ng kaniyang mga kapitbahay tuwing wala sa kanilang bahay, mas pinili niyang pagkatiwalaan at paniwalaan ang kapatid niyang mas kilala niya kaysa kanino man.