Nagipit ang Binatang Ito dahil sa Pandemya, Natukso Siya ng Matabang Wallet na Naiwan ng Kaniyang Propesor sa Lamesa

Nagipit ang Binatang Ito dahil sa Pandemya, Natukso Siya ng Matabang Wallet na Naiwan ng Kaniyang Propesor sa Lamesa

InspiringStoriesSuccess

Kulang ang bente kwarto oras kada araw para sa binatang si Bong. Hindi lang kasi siya isang simpleng binata na ang prayoridad lang ay ang maghanap ng nobya o kaya ang makipag-inuman araw-araw kasama ang kaniyang mga kaibigan. Siya ang klase ng binata na uhaw sa tagumpay na walang ibang inisip kung hindi mapabuti at umalwan ang lagay ng kaniyang mga magulang na pawang matatanda’t mahihina na. 

Sa katunayan, ngayong dalawangpung taong gulang lamang siya, pinagsasabay niya ang pag-aaral sa kolehiyo pati ang pagtatrabaho. Bukod pa roon, hindi lang isa ang kaniyang pinapasukang trabaho. 

Pagkatapos niyang pumasok sa eskwela, agad na siyang didiretso sa bahay ng isa niyang propesor kung saan siya nagtatrabaho bilang taga-linis ng bahay. Kapag natapos na niyang magawa ang lahat ng trabaho niya roon, magtutungo naman siya sa pinagtatrababuhang lugawan hanggang hating gabi upang madagdagan ang kaniyang kita. 

Tuwing wala naman siyang trabaho sa bahay ng propesor niya at sa naturang lugawan, naglilinis naman siya ng mga ginupit na buhok sa isang kilalang barbershop sa kanilang lugar at kung hindi naman, siya’y sumasama sa mga kaibigan niyang waiter tuwing may catering service para lamang matugunan ang pangangailangan ng kaniyang buong pamilya at ng kaniyang pag-aaral. 

Umuuwi man siyang lanta sa pagod, hindi ito nagiging hadlang sa kaniya para magawa ang lahat ng kaniyang mga takdang-aralin, aktibidad, o kahit ano pang proyekto sa takdang oras dahilan para labis na matuwa at humanga ang kaniyang mga magulang. 

Kaya lang, ngayong may pinagdadaanang krisis ang buong mundo dahil sa pandemya, nabawasan ang mga raket niyang ito. Nagsara na dahil sa pagkalugi ang lugawang pinagtatrababuhan niya tuwing gabi, nagbawas na ng empleyado ang barbershop, at pinagbawal pansamantala ang catering service na sinasamahan niya. 

Ito ang rason para ganoon na lamang siya mag-alala kung paano niya bubuhayin ang kaniyang mga magulang sa pamamagitan lamang ng isang trabaho. 

“Ayos lang ‘yan, anak, huwag mo masyadong dibdibin! Kapag naman nakapagtapos ka na ng pag-aaral, makakakuha ka na ng magandang trabaho! Hindi mo na kailangang magtriple kayod para lang kumita ng sapat na pera!” pagbibigay lakas loob ng kaniyang ina, isang araw nang makita siya nitong malalim ang iniisip habang siya’y nakikinig sa klase sa pamamagitan ng selpon. 

“Hihintayin pa nating makapagtapos ako ng pag-aaral bago tayo makakain?” tanong niya rito na ikinalugmok ng mukha nito. 

“Pagkakasiyahin natin, anak, kung anong kikitain mo sa paglilinis ng bahay ng propesor mo,” mahina nitong sabi na ikinabuntong-hininga niya. 

“Kakasya ba sa atin, mama, ‘yong dalawang daang piso kada araw?” sabi niya pa rito na lalo nitong ikinatungo. 

Pagkatapos ng klase niya noong araw na iyon, hindi man siya pinatatawag ng propesor upang maglinis ng bahay, nagpunta pa rin siya roon para magbakasaling may ipagawa sa kaniya.

Ngunit pagdating niya, bunsong anak lang ng kaniyang propesor ang naroon. Sabi pa nito, “Malinis pa ang bahay, kuya, eh, baka hindi muna magpalinis si mama,” na talagang ikinalingid ng luha niya.

Bago siya tuluyang makaalis ng naturang bahay, nakita niyang may nakahayang matabang wallet sa lamesang malapit sa kinauupuan niya. Doon na siya nakapag-isip nang masama. 

“Pasensya na po, kailangang-kailangan ko lang talaga,” sabi niya sa hangin saka binulsa ang naturang wallet at agad nang nagpaalam sa batang naroon. 

Pagkauwi niya, agad siyang dumiretso sa kanilang palikuran at doon binuksan ang naturang wallet. Buong akala niya, libo-libong pera ang makukuha niya roon. Kaya lang, pagkabukas niya, sandamakmak na papel ang bumungad sa kaniya. 

“Kailangan pa naging imbakan ng resibo ang pitaka, ha?” galit niyang tanong dahil sa pagkadismaya. 

Kaya lang, napansin niyang hindi lang basta mga resibo ang narito dahilan para kaniyang bulatlatin at basahin ang nakasulat sa lahat ng mga ito.

“Magipit ka man, hindi pa katapusan ng buhay mo.”

“Hanggang may bukas, may pag-asa!” 

“Manalangin ka, siguradong masosolusyunan ang lahat ng problema mo. Tungkol man ‘yan sa kalusugan o salapi, masasagot ‘yan ng Panginoon!” 

“Alam kong hindi ka masamang tao, hindi pa huli ang lahat!”

Ilan lamang ito sa mga nabasa niyang kataga na talagang nagpaluha sa kaniya dahil napagtanto niyang mali ang ginawa niyang paraan para matugunan ang lahat ng pangangailangan ng kaniyang mga magulang. 

“Kung pera siguro ang laman nito, baka tuluyan na akong naging masamang tao,” sabi niya sa sarili saka sinunod ang payong nabasa. Siya’y agad na nanalangin at humingi ng tawad sa kaniyang ginawang kasalanan. 

Pagkatapos na pagkatapos niyang magdasal, siya’y agad na kinatok ng kaniyang ina. 

“Bong! Bong! Nariyan ang propesor mo! May nahanap daw siyang pwede mong pagtrabahuhan kahit nag-aaral ka!” sigaw nito na talagang ikinataranta niya. 

Paglabas niya, naroon na sa loob ng bahay nila ang propesor niyang ito. Sabi pa nito, “May bagong bukas na botika sa palengke, hijo, pinasok na kita bilang tagabantay doon. Kaya mo naman ‘yon, hindi ba?” na agad niyang ikinaiyak. 

Agad niyang sinabi rito ang ginawa niyang kasalanan. Imbis na magalit, ngumiti lamang ito at sinabing, “Alam kong darating ang puntong matutukso ka, pero alam ko ring mabuting tao ka, hijo. Huwag mo nang gagawin ‘yon, ha? Dahil hindi kita pababayaan, aalalayan kita hanggang dulo.” 

Nangako nga siya sa ginang na hindi na niya iyon uulitin at katulad ng sabi nito, tinulungan nga siya nito. Bukod sa trabaho niya sa botika, nakahanap pa ito ng trabaho sa isang pabrika na talagang nakasagot ng lahat ng pangangailangan ng kaniyang buong pamilya. 

“Salamat po, Panginoon, alam kong Ikaw ang may gawa ng lahat ng ito!” iyak niya nang makabili siya ng pang-isang buwang grocery para sa kaniyang mga magulang dahil sa kaniyang trabaho.

More Stories