Inday TrendingInday Trending
Labag sa Loob ng Dalaga ang Pagtulong sa Pagsusurpresa sa Kaniyang Ama, Isang Matanda ang Nagtuwid sa Kaniyang mga Prayoridad

Labag sa Loob ng Dalaga ang Pagtulong sa Pagsusurpresa sa Kaniyang Ama, Isang Matanda ang Nagtuwid sa Kaniyang mga Prayoridad

“Terry, saan ka magpupunta? Huwag ka nang umalis ngayon, ha?” sambit ni Aling Unica sa kaniyang anak, isang hapon nang mapansin niya itong nag-aayos ng sarili.

“Bakit na naman, mama? Hindi ba’t nagpaalam na ako sa inyo ni papa kagabi na may kailangan akong lakaring papeles? Huli na nga ako, eh, alas tres na ng hapon!” nagmamadaling sagot ni Terry habang abala sa pag-aayos ng kaniyang make-up.

“Oo nga, eh, naisip ko kasing isurpresa ang tatay mo mamayang gabi, nakalimutan mo na yatang kaarawan niya ngayon. Sinang-ayunan lang kita para kunyari, nakalimutan kong kaarawan niya, akala ko naman nakaramdam ka sa agarang pagpayag ko kagabi,” tugon nito habang inaayos ang kanilang hapag-kainan.

“Kailangan ba talagang kasama ako? And’yan naman si bunso, eh, kayong dalawa na lang ang magsurpresa kay papa!” sagot niya habang nagmamadaling magsintas ng sapatos.

“Anak, isang beses lang naman ito sa isang taon, baka pwede mong pagbigyan ang tatay mo,” sambit ng kaniyang ina saka tinanggal sa kaniyang paa ang sapatos dahilan upang siya’y magalit at magdabog, “Tulungan mo na lang ako ro’n sa paggagayat, magluluto ako ng pansit ngayon,” dagdag pa nito dahilan upang lalo siyang magdabog at maiyak na lang sa inis.

Madalas wala sa bahay ang dalagang si Terry. Bukod sa abala na siya ngayon sa paghahanap ng trabaho dahil isang buwan na simula noong siya’y makapagtapos ng kolehiyo, sinusulit niya pa ang panahong siya’y wala pang trabaho upang makasama sa mga gala at selebrasyon ng kaniyang barkada dahilan upang madalas din silang magtalo ng kaniyang ina.

Pahirapan kasi kung magpaalam dito. Laging sinasabi nito, “Imbis na sulitin mo ang mga araw na wala kang ginagawa kasama ang barkada mo, bakit hindi mo na lang sulitin ang mga araw na ‘yon kasama ang pamilya mo?” na labis niyang kinaiinis dahil sa loob-loob niya, “Simula nga noong nagkamulat ako, sila na ang kasama ko, bakit ayaw na lang nila akong payagang maging masaya kasama ang barkada ko?”

Noong araw na ‘yon, kahit lingid sa kagustuhan niyang tumulong sa preparasyon para sa surpresang ibibigay sa kaniyang ama, wala siyang nagawa kung hindi ang tumulong. Padabog niyang ginagayat ang mga gulay na isasahog sa lulutuing pansit ng kaniyang ina habang abala naman sa paghahangin ng lobo at pagdidisenyo ang kaniyang bunso kapatid at ang kaniyang ina, abala naman sa paghahalo ng ube na paborito ng kaniyang ama.

Simangot na simangot siyang naggagayat, ang masayang tugtog sa kanilang bahay para sa kaarawan ng kaniyang ama ay ikinakasakit ng kaniyang mga tainga dahilan upang lalo siyang maalibadbaran.

Ngunit, maya maya, nakuha ng atensyon nilang mag-iina ang isang matandang sumisilip sa kanilang bintana dahilan upang hinaan ng kapatid niya ang tugtog at lapitan ito ng kaniyang ina, habang siya, nakatingin lamang sa naturang matanda.

Pagbukas ng pintuan, tumambad sa kanila ang mga pagkaing dala nito at ang naturang matandang kapitbahay nila na nagkakamot ng ulo dahil sa kahihiyang nararamdaman.

“Ah, eh, rinig kasi sa bahay ko ‘yong tugtog niyo. Naisip kong baka pupwedeng dito na lang din ako magdaos ng kaarawan ko, ayos lang ba sa inyo? Ang dami ko kasing niluto, eh. Sa katunayan, inabot ako ng madaling araw para maihanda lahat ‘yan para sa panghalian naming buong pamilya, kaso hapon na, wala pa rin ang mga anak ko. Tinawagan ko sila, at lahat sila, nakalimutan daw na kaarawan ko ngayon,” patawa-tawang sambit nito ngunit bakas sa mga mata nito ang sakit at lungkot na nararamdaman dahilan upang lumapit siya sa kaniyang kapatid na naroon din sa tapat ng pintuan, “Mahal pa kaya nila ako?” dagdag pa nito dahilan upang makaramdam ng kirot sa dibdib.

“Mahal kayo ng mga ‘yon, nanay, baka marami lang silang pinagkakaabalahan ngayon. Kahit kailan, hindi magagawa ng mga anak natin na hindi tayo mahalin, hindi ba mga anak?” sambit ng kaniyang ina dahilan upang siya’y mapatungo habang pinipigil ang kaniyang luha dahil sa awang nararamdaman para sa matanda.

Doon niya napagtantong ayaw niyang maranasan iyon ng kaniyang mga magulang. Nangako siya sa sariling kahit anong mangyari, kahit anong lakad na mayroon siya, kakanselahin niya alang-alang sa kaniyang mga magulang na umaasa sa presensya at pagmamahal niya.

Nang maayos na nila ang hapag-kainan kasama ang mga putaheng dala ng naturang matanda, sakto namang dating ng kaniyang ama. Kitang-kita niya ang saya sa mga mata ng kaniyang buong pamilya pati na sa naturang matanda. ‘Ika niya, “Nais ko itong makita at maramdaman sa araw-araw kasama ang aking buong pamilya.”

Advertisement