Inday TrendingInday Trending
Palaging Maga ang Mata ng Kapatid ng Dalaga Dahilan Upang Palagi Niyang Sermunan, May Tinatago pala itong Masakit na Balita

Palaging Maga ang Mata ng Kapatid ng Dalaga Dahilan Upang Palagi Niyang Sermunan, May Tinatago pala itong Masakit na Balita

“O, Janine, magang-maga na naman ang mata mo, ha? Anong insekto naman ang kumagat sa’yo ngayon? Maglinis ka kaya ng kwarto mo, ano? Para naman hindi ganyan ang mata mo kada umaga!” bungad ni Laila sa kaniyang bunsong kapatid, isang umaga nang saluhan siya nito sa hapag-kainan.

“Ah, eh, hindi ko rin alam, ate, eh,” uutal-utal na sagot nito habang nagsasandok ng kanin.

“Kasi nga, kailangan mo nang maglinis ng kwarto mo! Wala ka namang ginagawa rito sa bahay, eh, bakit hindi mo pa rin magawang maglinis?” sambit niya pa rito saka humigop ng kape.

“Naglilinis naman ako, ate, eh,” tipid na sagot nito saka nagsimula nang kumain.

“Kung naglilinis ka, walang insekto d’yan sa kwarto mo! Baka mamaya, kumalat ‘yang mga insekto sa buong bahay, pati ako, makagat niyan! Diyos ko, malilintikan ka talaga sa akin!” galit na galit niyang sambit dahilan upang mapatayo ang kaniyang kapatid at siya’y pakalmahin.

“Pasensiya ka na, ate, maglilinis na ako ulit, huwag ka nang sumigaw, sumisilip-silip na naman ang mga kapitbahay natin,” malumanay na wika nito.

“Wala akong pakialam! Ang gusto ko lang, maglinis ka ng kwarto mo dahil kung hindi, papalayasin na kita rito!” sigaw niya pa rito saka nilayasan ang kapatid.

Simula nang tumuntong sa legal na edad ang dalagang si Laila hanggang ngayong ang edad niya’y mawawala na sa kalendaryo, siya ang tumataguyod sa nag-iisa niyang kapatid.

Pagkatapos na pagkatapos kasi ng selebrasyon ng kaniyang ikalabing-walong kaarawan, bigla na lang silang iniwan ng kanilang ina habang ang kanilang ama nama’y nambabae na hindi kalaunan at sila’y tuluyang nilimot.

Hindi man niya alam kung saan magsisimula dahil siya’y nag-aaral pa noong mga panahong iyon, nilaksan niya ang kaniyang loob para sa kapatid na wala pang muwang noon.

Ang mga regalo’t perang natanggap niya noong kaarawan niya, ginamit niya upang siya’y makapag-umpisa ng isang maliit na negosyo na siyang nagtustos sa pangangailangan nilang dalawa.

Tila sumang-ayon naman ang tadhana dahil ilang buwan lang ang lumipas, lumago ito dahilan upang mapag-aral niya ang kaniyang kapatid.

Ngunit kahit pa sinusuportahan niya ng pera ang kapatid, hindi niya ito magawang pakitunguhan nang ayos. Ganoon na lang kasi ang galit na nararamdaman niya sa kaniyang mga magulang lalo na’t iniwanan pa siya ng isang pabigat na kapatid dahilan upang hanggang ngayon, siya’y dalaga pa rin.

Noong araw na ‘yon, pagkatapos niyang sermunan ang kapatid, agad na siyang umalis patungo sa kaniyang tinayong kapehan, bunga ito ng maliit niyang negosyo noon na ngayo’y kilala na sa kanilang lugar.

Ngunit tila iniinis talaga siya ng tadhana noong araw na ‘yon dahil noong malapit na siya sa naturang kapehan, napansin niyang siya’y nakapangbahay na tsinelas pa rin dahilan upang bumalik siya sa kanilang bahay.

Kukuha lang sana siya ng sapatos at aalis na kaagad ngunit naagaw nang tumutunog na selpon ng kaniyang kapatid ang atensyon niya.

“Nasaan na ba ang babaeng iyon? Bukas na ang bahay, iniwan pa ang selpon niya rito sa sala!” galit niyang sambit saka sinagot ang tumatawag, ngunit labis siyang nanlamig sa narinig mula sa kabilang linya, “Janine, huwag ka nang pumunta, wala ka namang magagawa, baka masaktan ka lang!” dahilan upang agad niyang ibaba ang tawag at basahin ang mga mensaheng nasa selpon ng kaniyang kapatid.

Doon niya nalamang nakita pala nito ang kanilang ina sa isang mall noong nakaraang buwan, may kasamang dalawang bata at isang amerikano dahilan upang labis itong magalit. Nakuha pa nito ang address ng tinutuluyang bahay ng kanilang ina ngayon kaya ganoon na lang ang kabang naramdaman niya dahil alam niyang papauwiin nito ang kanilang ina.

“Kaya pala halos isang buwan nang palaging maga ang mata ng kapatid ko,” sambit niya.

Agad niyang sinundan ang kapatid at saktong pagdating niya, kitang-kita niya kung paano ipagtabuyan ng kanilang ina ang kaniyang kapatid.

Narinig niya pa mula sa kaniyang sasakyan ang masasakit na salitang sinasabi nito sa kanilang dalawa dahilan upang bumaba na siya ng kaniyang sasakyan.

“Janine! Pasok sa kotse!” sigaw niya sa kapatid dahilan upang magulat ito pati ang kaniyang ina, “Pasensiya na po kayo sa abala, ma’am, limutin niyo na lang po ang pangyayaring ito katulad ng paglimot mo sa amin, labing-tatlong taon na ang nakalilipas,” nakangiti niyang sambit saka agad na sumakay sa kaniyang kotse. Kitang-kita niya kung paano mapahiya ang kaniyang ina sa harap ng mga anak nito at asawa dahilan upang mapangisi na lang siya kahit pa nais na niyang sumabog sa galit.

Pagkauwi nila, agad niyang niyakap ang kaniyang kapatid saka siya humingi ng tawad dito sa kaniyang mga pagkukulang. “Hindi natin siya kailangan, ha? Kahit si papa, pangako, babaguhin ko ang pakikitungo ko sa’yo,” hikbi niya.

Advertisement