
Pinagtanggol ng Isang Pulubi mula sa Bruskong Lalaki ang Isang Matanda, Ito pala ang Magpapaalwan ng Kaniyang Buhay
“Hoy, ano ba itong tinitinda mo, ha? Sampung piso tapos lasang dumi ng kambing? Hindi porque may niyog ‘to, pagkain na ‘to!” sigaw ng isang bruskong lalaki sa isang matandang nagtitinda ng binatog dahilan upang maagaw nito ang atensyon ng isang pulubing namamalimos doon.
“Binatog po ‘yan, sir, hindi po dumi ng kambing,” nakatungong sagot ng matanda, imbis na tumigil, lalo pang nag-init ang ulo ng naturang lalaki.
“Ah, sumasagot ka pang matanda ka? Gusto mong itaob ko ‘yang bisikleta mo, ha? Hindi ka ba natatakot? Nasa lugar ka namin, isang sitsit ko lang, titirahin ka ng mga kapitbahay ko!” pagyayabang nito saka bahagyang tinadyakan ang gulong ng bisikleta ng matanda dahilan upang bahagya itong matumba, pati ang timbang naglalaman ng paninda nito, tumaob na.
“Kuya, ito, sa’yo na lang ‘tong nalimos kong sampung piso, para huwag ka nang umiyak. Hayaan mo na si lolo, matanda na nga, pagtitripan mo pa,” awat ng pulubing si Toyo, matapos niyang tulungang tumayo ang naturang matandang nanlulumo sa natapong paninda.
“Naku, mukhang gusto ng batang ‘to na makatikim,” sambit ng naturang lalaki saka siya hinila sa kwelyo, sumitsit ito at naglabasan na ang mga tropa nitong may bitbit-bitbit na kahoy saka siya hinataw.
“Lolo, takbo na po! Magkita po tayo sa tapat ng simbahan mamaya!” sigaw niya sa matanda sa kagustuhan niyang matulungan ito sa natapong paninda, matapos niyang sabihin ‘yon, malalakas na hataw na ang dumampi sa kaniyang katawan.
Nasa lansangan na ang binatang si Toyo noong siya’y magkamuwang sa buhay. Ni hindi niya kilala kung sino ang kaniyang mga magulang o kung mayroon mang siyang mga kapatid. Ang tanging alam lang niya, siya’y isang pulubing nakikipagsapalaran sa lansangan.
Sa katunayan, ni hindi niya nga alam ang kaniyang pangalan. Ang mga kapwa niya pulubi lamang ang nagbigay sa kaniya ng pangalang Toyo dahil kada may makikita silang pagkain, palagi siyang bumibili ng tig-pipisong toyo upang pampalasa rito. Simula noon, iyon na ang nakagisnan niyang pangalan.
Ngunit kahit na ganoon ang sitwasyon ng kaniyang buhay, hindi sumagi sa kaniyang isip na magdamot sa kaniyang kapwa. May pagkakataon pa ngang siya’y nabigyan ng mga pagkain dahil sa pinapakita niyang kabaitan sa mga taong nakakasalamuha niya, pulubi man o hindi, basta’t napansin niyang kinakailangan nito ng tulong, agad siyang tutulong.
Ito rin ang dahilan upang malagay siya sa kapahamakan katulad na lang nitong araw, kung saan pinagtanggol niya ang isang matandang tindero ng balaw sa kamay ng isang bruskong lalaki.
Nagtamo siya ng hindi bababa sa sampung pasa sa katawan. Mabuti na lang talaga at may umawat na tanod dahilan upang siya’y makatakbo at magtungo sa simbahan upang makipagkita sa naturang matanda.
Kahit pa iika-ika siya dahil sa sakit ng katawang inabot sa naturang pangbubugb*g sa kaniya, binuhos niya pa rin ang lahat ng lakas upang mapuntahan ang matanda.
Napangiti naman siya nang makita niyang andoon ang matanda habang binebenta ang natirang paninda nito. Nilapitan niya ito at binigay ang singkwenta pesos niyang ipon bilang pangbayad sa natapong paninda dahilan upang mapangiti rin ito.
“Napakabuti talaga ng kalooban mo, ano? Bakit kaya kung sino pa ang mga kapos palad, sila pa ang handang magsakripisyo ng sarili para sa mga naagrabyado?” nakangiting tanong nito sa kaniya dahilan upang siya’y mapakamot, “Gusto mo bang sumama sa akin? Ubos na rin naman ang paninda ko, ro’n ka na sa bahay magtanghalian,” yaya nito sa kaniya, noong una’y todo tanggi pa siya dahil sa kahihiyang nararamdaman, ngunit hindi kalaunan, napilit din siya ng naturang matanda.
Habang nasa daan sila, kwento nang kwento ang naturang matanda tungkol sa kasaysayan ng kanilang lalawigan dahilan upang siya’y mawili at laking pagtataka niya nang bigla itong tumigil sa harap ng isang malaking gate. Bago pa man niya tanungin kung bakit ito tumigil, nakita niyang nabuksan na nito ang naturang gate dahilan upang lalo siyang magtaka.
“Dito ako nakatira, hijo, nagbebenta ako ng binatog para may libangan ako. Alam mo, gusto kitang ampunin at pag-aralin, basta huwag mo akong iiwan katulad ng mga anak ko, ha? Ano, payag ka ba?” tanong nito dahilan upang mapayakap siya rito sa tuwa habang umiiyak.
Simula noon, naging maalwan na ang buhay niya ngunit kahit pa ganoon, hindi siya nakalimot sa mga kapwa niya pulubi noon at buong puso niyang inaalagaan ang naturang matandang simula noong siya’y manirahan sa piling nito, naging masaya sa buhay.