
Ginamit ng Dalagang ito ang Pirma ng Isang Artista upang Magkatrabaho, Kahihiyan ang Naidulot Nito sa Kaniya
“Lydia, totoo bang isa ka ng designer ng isang sikat na artista? Paano mo nagawa ‘yon, eh, wala ka pang nagagawang mga damit, hindi ba?” pang-uusisa ni Love sa kaniyang kaibigan, isang umaga nang umingay sa kanilang dormitoryo ang balitang ito.
“Daig ng madiskarte ang magaling!” kumpiyansadong tugon ni Lydia habang naglalagay ng make-up sa mukha.
“Anong ibig mong sabihin?” pagtataka nito saka naupo sa kaniyang kama habang tinitingnan ang mensaheng pinadala ng ahensiyang papasukan niya.
“Nagsiyasat ako para malaman ko kung saan nakatira ang idolo kong artista, kumatok ako sa bahay niya at binigay ang papel na naglalaman ng aplikasyon ko. Pagkatapos noon, agad niyang pinirmahan ang dokumento at ito na, may trabaho na ako!” kwento niya habang kumakandirit pa buhat ng kasiyahan.
“Ano? Ganoon lang ang ginawa mo, pinirmahan niya kaagad?” hindi makapaniwalang tugon nito.
“Oo, akala niya yata, tagahanga niya ako at nais ko lang ng pirma!” patawa-tawang niyang sambit.
“Diyos ko, Lydia, mukhang hindi tama ‘yan,” sagot ng kaniyang kaibigan saka napailing.
“Anong hindi tama? Kasalanan ko bang basta pirma na lang siya?” taas-kilay niyang wika saka agad na isinukbit ang kaniyang bag, “O, siya, mauna na ako sa’yo, libre na lang kita ng pizza sa unang sweldo ko!” sabik na sabik niyang paalam niya rito saka mabilis na lumabas ng kanilang inuupahang silid.
Simula noong matuklasan ng dalagang si Lydia ang galing niya sa pagguhit ng mga damit noong siya’y nasa elementarya pa lamang, pinangako na niya sa sarili na balang araw, magiging isa siyang sikat na designer ng mga damit.
Upang mas mapalawak ang kaniyang kagalingan at kaalaman sa pagguguhit ng iba’t ibang klase ng mga damit, pinursigi niyang kumuha ng kurso sa kolehiyo na batay dito.
Naghanap siya ng mga iskolarsyip upang makapagkolehiyo at bukod pa roon, pumasok pa siya sa isang restawran upang makapag-ipon at bahagyang makatulong sa kaniyang mga magulang.
Sa katunayan, tila naging milagro nga ang pagtatapos niya sa kolehiyo dahil sa kabila ng kahirapang pinagdaanan niya, nagawa niya pang masungkit ang pinakamataas na karangalan.
Ngunit kahit pa ganoon, nahirapan pa rin siyang maabot ang pangarap niyang maging isang sikay na designer dahil kahit isang kliyente, wala siyang mahagilap.
Sakto naman noong araw na siya’y nag-iisip-isip sa isang coffee shop sa tapat ng kanilang dormitoryo, nakita niya ang isang sikat na artistang basta na lamang pumipirma sa mga papel na binibigay ng mga tagahanga nito at doon na siya nakakuha ng ideya na maaari siyang maging isang sikat na designer kung magagawa niya itong papirmahin sa kaniyang mga dokumento.
Ginawa niya nga ang kaniyang binabalak at nagtagumpay na makuha ang pirma ng naturang artista. Agad niya itong pinasa sa manager ng naturang artista at agad itong inaprubahan dahilan upang kinabukasan, agad na siyang magsimulang magtrabaho na labis niyang ikinatuwa.
Noong araw na ‘yon, agad siyang binigyan ng lugar na pagtatrabahuhan ng manager ng naturang artista, binigyan pa siya nito ng kompyuter at ilang mga telang maaari niyang gamitin sa paggawa ng damit.
Ngunit, habang siya’y abala sa pagtatrabaho, nagulat na lang siya nang umupo sa tabi niya ang naturang artista.
“Hindi ba’t ikaw ‘yong kumuha ng autograph ko kahapon?” tanong nito sa kaniya dahilan upang makaramdam siya ng kaba habang tumatango-tango, “Kung autograph ko lang ang pakay mo, bakit nandito ka? Huwag mong sabihing aplikasyon mo ang pinirmahan ko nang hindi mo sinasabi sa akin?” tanong pa nito dahilan upang mapatigil siya sa ginagawa niya.
Nang makumpirma nitong aplikasyon nga ang napirmahan, agad nitong tinawag ang manager at agad siyang pinalabas ng naturang gusali.
“Alam kong mali na pirma lamang ako nang pirma, kaya papalampasin ko ito, pero kahit saan mo tingnan mali rin ang ginawa mo. Kung nais mo talagang maging isang designer, lumaban ka ng patas sa buhay,” bilin nito sa kaniya saka ngumiti sa kaniya.
“Pasensiya na po, sir,” tanging sambit niya habang iniipon ang mga luhang kanina pa nais pumatak dahil sa kahihiyang nagawa niya sa harap ng mga empleyado ng naturang artistang iyon. Labis siyang nagpasalamat dahil sa kabaitang pinakita nito na kung sa ibang artista, baka kinasuhan pa siya.
Doon niya napagtantong kapag talaga mali ang prosesong tinahak kahit pa maganda naman ang iyong layunin, babagsak ka pa rin. Kaya naman, noong araw na ‘yon, pinangako niya sa sariling mas magsusumikap pa. Hindi man niya agarang maabot ang pangarap, malinis naman ang proseso at daang kaniyang tatahakin.