
Dahil sa Itim ng Kilikili ng Dalagang ito, Maraming Oportunidad Siyang Nasayang, Ito pala ang Makapagbibigay ng Korona sa Kaniya
“Hoy, Eve, tiningnan mo na ba ang sarili mo sa salamin? Tingnan mo ‘yang kilikili mo, nanggigitata sa itim! Sana hindi ka na lang nagsleeveless kung ganyan ang kilikili mo!” nandidiring wika ni Julia sa kakompetensyang kandidata, isang gabi bago ang patimpalak na sinalihan nila.
“Ah, eh, ganyan talaga ang kilikili ko, eh, kahit anong hilod ko, kahit anong pampaputi ang ginamit ko, wala pa rin talaga. Kaya ayan, hinayaan ko na lang. Naisin ko mang magsuot ng may manggas na damit, hindi ako magiging kapansin-pansin sa entablado mamaya,” nakangiting sagot ni Eve habang siya’y inaayusan ng kaniyang kaibigan.
“Diyos ko, mapapansin ka nga, pagtatawanan at pandidirihan ka naman ng mga tao! Gamitin mo nga ‘yang utak mo, Eve!” sambit pa nito dahilan upang bahagya siyang mabawasan ng tiwala sa sarili.
“Wala namang mali rito, eh, ito ang katawang bigay ng Diyos sa akin,” nakangiti niyang depensa upang huwag matuluyan ang pagbagsak ng tiwala niya sa sarili.
“Ewan ko ba sa’yo, ang halay nang tignan, mataas pa rin ang kumpiyansa mo sa sarili mo! D’yan ka na nga, magbibihis na rin ako. Mabuti na lang talaga at maputi ako,” sambit pa nito na labis na ikinasama ng loob niya ngunit imbis na sirain ang gabing pinakahihintay niya, pinili niyang ngumiti upang maiuwi ang pangarap niyang korona.
Ang pagkakaroon ng maitim na kilikili ang siyang pumipigil sa dalagang si Eve upang maabot ang pangarap niyang maging isang beauty queen.
Matalino man siya, magaling rumampa at magdala ng damit at maganda ang proposiyon ng mukha, hindi niya pa ring magawang sumali sa mga patimpalak kahit sa kaniyang eskwelahan lamang noon dahil takot siya sa sasabihin ng mga taong makakakita sa pinakatatago niyang insekuridad sa katawan.
Kumbinsihin man siya ng kaniyang mga kaibigan na maaari namang takpan ng make-up ang itim ng kaniyang kilikili, natatakot pa rin siyang mapahiya.
Ngunit nitong mga nakaraang buwan, nang makarating sa kaniya ang balitang may gaganaping patimpalak sa kanilang lugar at ang mananalo’y siyang magrerepresenta sa kanilang lalawigan sa gaganaping pambansang patimpalak ng kagandahan, bigla niyang naisipang sumali pero katulad ng dati, siya’y nag-aalinlangan pa rin.
“Anak, walang perpektong tao. Normal sa isang tao na magkaroon ng maitim na kilikili, lalo na’t Pilipino ka na may kayumangging kulay ng balat. Hindi mababawasan ang kagandahan at katalinuhang taglay mo dahil lamang sa kulay ng kilikili mo,” nakangiting payo ng kaniyang ina, isang umaga nang maglabas siya ng saloobin dito dahilan upang mabuo niya ang kumpiyansa sa sarili’t agad na nag-asikaso ng mga dokumentong kailangan para naturang patimpalak.
Dumating na nga ang araw ng naturang patimpalak, ngunit hindi pa man ito nag-uumpisa, marami na siyang masasakit na salitang naririnig mula sa kapwa niya kandidata. Mabuti na lamang at andoon ang kaniyang mga kaibigan at ina upang palakasin ang loob niya.
Sa kabila ng tagos pusong mga salitang naririnig, ginawa niya pa rin ang lahat ng makakaya upang maibida ang sarili sa entablado.
Pagtinginan man ng mga manunuod ang kaniyang kilikili, nginingitian niya lamang ang mga ito hanggang siya’y makapasok sa top 5 ng naturang patimpalak kung saan siya sasagot ng isang tanong na maaaring makapabigay sa kaniya ng korona.
Tila umayon naman ang tanong na napunta sa kaniya sa kasalukuyan niyang pinagdaraanan.
“Anong masasabi mo sa mga taong may mga komplikasyon sa katawang hindi pasok sa mata ng komunidad?” tanong ng isang hurado sa kaniya dahilan upang siya’y malalim na huminga at ngumiti sa madla.
“Bilang isang babaeng may komplikasyon sa kulay ng kilikili, maraming oportunidad ang nasayang ko dahil sa takot kong mahusgahan ng mga tao. Ngunit napagtanto kong ang pagkakaroon ng komplikasyon sa katawan ay normal lamang dahilan upang tumayo ako sa inyong harapan sa kabila ng masasakit na salitang natatanggap ko. Isa lamang ang iiwan kong salita sa inyong lahat, walang perpekto, lalo na sa isang tunay na dalagang Pilipina,” nakangiti niyang sagot dahilan upang maghiyawan ang mga tao’t mapatayo ang ilang hurado.
Ito ang naging dahilan upang maiuwi niya ang korona at lumaban sa pangbansang patimpalak. Umingay pa sa media ang kaniyang sagot at kumpiyansa sa sarili dahilan upang kahit wala pa ang pambansang patimpalak tila mag-uwi na siya ng koronang pambansa sa dami ng taong humanga sa kaniya at sa dami ng mga proyektong nais kumuha sa kaniya bilang modelo na labis niyang ikinatuwa pati na ng kaniyang mga magulang at kaibigan.