Inday TrendingInday Trending
Bitter Sa Pag-Ibig

Bitter Sa Pag-Ibig

Araw na naman ng mga puso, ang pinaka ayaw na araw ni Venice sa buong taon. Nagkalat na naman kasi ang mga mag-jowa sa paligid at para bang sa bawat sulok at kahit saan man siya tumingin ay may naghaharutan. Napangingiti na lamang siya ng mapakla at iiling-iling.

“Maghihiwalay din kayo!” sambit niya sa sarili habang nakatingin sa mga masasayang mag jojowa na naghaharutan sa kanyang paligid.

Nagpatuloy siya sa paglalakad hanggang sa umabot siya sa isang café kung saan sila magkikita ng kanyang kaibigang si Mikko. Habang naghihintay siya ay may nakita siyang isang babae na nakaupo malapit sa kanyang inuupuan. Hindi ito mapakali at maya-maya’t tinitingnan ang sarili sa kanyang maliit na salamin at todo kung makapag-ayos, hindi man lang nito naisip na sa CR nalang gawin iyon, isip-isip niya sa sarili.

“Todo ayos pa si ate, late naman boyfriend niya. Tsk tsk! Hay, pag-ibig. Daming nababaliw dahil sa walang kwentang pag-ibig na yan. Sa huli naman maghihiwalay at iiyak lang kayo pareho. Hindi na nadala ‘tong mga ‘to. Hay nako,” bitter na bitter na saad ni Venice.

“Hoy! Umaatake na naman ‘yang pagiging bitter mo! Pabayaan mo nga ‘yang mga magkasintahan sa paligid. Hayaan mo silang maging masaya. Choice naman nila yan eh. Wag mo na silang idamay sa pagiging bitter mo sa pag-ibig,” natatawa pang sabi ng kaibigang kararating lang. Medyo na late pala ito dahil na-traffic raw.

Valentine’s Day ngayon pero heto sila at piniling gumawa ng proyekto nila na sa susunod na linggo pa naman ipapasa. Mas mabuting maaga na nilang matapos raw ito para wala na silang masyadong iisipin sa susunod na linggo, at para may oras din daw silang baguhin kung sakaling may kinakailangang baguhin rito.

Nasa ikatlong taon na kasi sila ni Mikko sa kolehiyo. Magkaklase sila sa iisang subject kaya naman naging malapit sila sa isa’t isa mula noon. Laging naririyan ang binata para sa dalaga sa tuwing kailangan nito ng kaibigan, kaya naman matalik na kaibigan na kung ituring siya ni Venice.

“Kasi naman bes, tingnan mo yang mga babaeng yan, halos hindi mapakali sa kakaayos para lang sa mga ka-date o mga jowa nilang todo porma nga pero mga late naman kung dumating. May mga pa bigay-bigay pa nang flowers, eh malalanta lang naman yang mga yan,

“Parang yung mga nararamdaman nilang pag-ibig kuno, isang araw bigla rin namang malalanta at mamamatay yang mga feelings na yan. Naglolokohan lang siya,” dire-diretsong sabi ni Venice, “tsaka tingnan mo yung dalawang yun, kung magtitigan naman akala mo wala nang bukas eh sigurado namang hindi din sila magtatagal. Eh mas makapal pa nga foundation nung lalaki kay ate eh!”

Magsasalita na sana si Mikko ng biglang may pumasok na lalaking may dalang naparaming chocolates at isang tangkay ng mga bulaklak. Napatawa naman ng mapakla si Venice at sarkastikong sinabing, “May pa-chocolates pa si kuya, lolokohin din niya naman si ate. Kaya ako talaga hindi na ako naniniwala dyan sa lintik na pag-ibig nay an eh. Kalokohan at aksaya lang yan sa oras.”

Napa-iling nalang ang binata at tinignan ng seryoso si Venice na nakabusangot ang mukha at halos hindi na maipinta sa sobrang pagiging bitter sa paligid niya.

“Talaga? Eh minsan ka rin namang naging gaya nila di ba? Minsan ka rin na hindi napakali sa kakaayos sa sarili mo habang hinihintay yung ex mong todo porma nga pero late din namang dumating. Minsan ka ring nakipagtitigan sa kanya at inakalang kayo na habangbuhay. Minsan ka ring tumanggap ng mga bulaklak at tsokolateng nalanta at nabolok lang din gaya ng pagmamahalan niyo. Minsan ka ring naniwala sa pag-ibig,” tiningnan ng masama ni Venice si Mikko.

“Kaya nga tigilan mo na yang pagiging bitter mo at pabayaan mo na yung mga taong nagmamahalan sa paligid natin. Bigyan mo na ang sarili mo ng pagkakataong sumaya ulit. Hindi naman lahat ng lalaki ay gaya ng ex mo na lolokohin at iiwan ka lang. Marami pa namang matitino at handa kang mahalin ng lubos at magpakailanman. Tumingin-tingin ka kasi sa paligid mo at huwag mong isarado yang puso mo, malay mo nasa harapan mo na pala siya at nagbubulag-bulagan ka lang,” makabuluhang saad ni Mikko sa dalaga.

Hindi naman kasi lingid sa kaalaman ng dalaga na may nararamdaman si Mikko sa kanya. Hindi rin naman ito tinatago ng binata. Simula pa lamang sa umpisa ay naririyan na ang binata at hindi siya iniwan kahit kailan. Hinawakan ni Mikko ang kanyang kamay at ngumiti sabay sabing, “Bigyan mo na kasi ako ng pagkakataon.”

Napatingin siya sa mga mata ni Mikko na tila ba may hinahanap. Hindi pa rin naman nagbabago ang mga mata nang binata na para bang sa tuwing tumitingin ito sa kanya ay siya lamang ang nakikita. Matagal-tagal niya na rin namang pinag-isipan ito nang mabuti.

“Sige. Bibigyan na kita ng pagkakataon,” nakangiting sagot niya sa binata.

“Talaga?!” halos pasigaw na sagot ni Mikko, hindi makapaniwala sa sinabi ng dalagang kaytagal ng iniibig. “Pangakong hindi kita sasaktan. Hindi ko sasayangin ang pagkakataong binigay mo sakin,” pangako niya kay Venice na nagpangiti naman sa dalaga.

“Aasahan ko yan,” sagot niya sa pangakong binitawan ng matalik na kaibigan sabay panalangin na sana nga ay ito na ang nakalaan para sa kanya. Ayaw niya na ulit masaktan at maiwan kaya naman sana ay matupad ng binata ang pangako nito sa kanya. Sana ay hindi rin nito sirain ang kanyang tiwala.

Pormal siyang niligawan ni Mikko hanggang sa sinagot niya na ang binata matapos lamang ang ilang buwang panliligaw nito. Pinatunayan ni Mikko ang kanyang pag-ibig sa dalaga at hindi binali ang kanyang mga pangakong binitawan rito. Hindi na ulit naging bitter si Venice dahil sa araw-araw ay tumatamis na ang kanyang mundo dahil sa pagmamahal na binibigay sa kanya ni Mikko, sa huli ay nagawang muli ng dalaga na magtiwala at maniwala sa tunay na pag-ibig.

Advertisement