Inday TrendingInday Trending
Ang Babaeng Mahilig sa Mamahaling Gamit

Ang Babaeng Mahilig sa Mamahaling Gamit

Halos mabali ang braso ni Abby habang ipinangangalandakan niya sa kaniyang mga kaopisina ang bago niyang biling cellphone, isang umaga.

“Napakaganda talaga ng features ng bago kong cellphone,” pagpaparinig niya.

“Wow! Ang ganda naman ng bagong cellphone mo,” wika ng isa sa kaniyang kaopisina.

“Talagang maganda. Hindi lahat ay makakabili nito. At saka take note, binayaran ko ‘yan ng cash!” wika niya.

“Iba ka talaga! Ang galante mo!” bati ng isa pa niyang kasamahan.

Mahilig kasi sa mga mamahaling gamit itong si Abby. Kailangan ay lagi siyang nasa uso at kailangan ay sa mall siya bibili. Pakiramdam niya kasi kapag mamahalin ang kaniyang mga kagamitan ay madali siyang mapapansin ng kanilang boss na si Adrian. Matagal na rin kasing may gusto sa binata itong si Abby.

Patuloy sa pagmamalaki si Abby sa kaniyang bagong cellphone hanggang makarating siya sa mesa ng kaniyang kasamahang si Lorna. Malaki ang inis ni Abby sa dalaga sapagkat malapit ito sa kanilang boss. Palaging napupuri ni Adrian si Lorna sa kaniyang pagiging magaling sa opisina.

“Lorna, nakita mo na ba itong bago kong cellphone? Napakaganda, ano? Tiyak ako hindi mo kayang bumili ng ganito. Kasi tignan mo nga ‘yang damit mo, parang sa palengke mo lang binili,” pagmamayabang ni Abby.

“Sa tiangge sa Taytay ko binili ang damit ko, ano namang masama?” tugon ni Lorna.

“Kaya pala mukhang cheap. Hindi katulad ng damit ko, branded lahat,” pagmamalaki muli ni Abby.

“Nasa nagdadala lang naman iyan, Abby. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan mo pang pumunta rito para lang ipangalandakan sa akin ang mga mamahalin mong gamit. Kung binebenta mo ‘yan sa akin ay wala akong pambili,” panunupalpal ni Lorna. Malaki na rin ang inis ng dalaga kay Abby sapagkat lagi na lamang siyang pinasisikatan nito. Palagi ring ipinamumukha sa kaniya ni Abby ang estado niya sa buhay.

Isang araw habang namimili si Abby sa mall ay nakasalubong niya ang boss niyang si Adrian.

“Wow, Abby, sa’yo ang lahat ng ‘yan? Napakarami mo namang pinamili,” wika ng binata.

“Siyempre, sir. Sa trabaho po kasi natin kailangan palagi tayong presentable hindi ba?” tugon ni Abby. Nalugod si Adrian sa narinig sa dalaga sapagkat malaki pala ang pagpapahalaga ni Abby sa kaniyang trabaho.

Saka siya umalis upang mamili rin. Ilang sandali pa ay pauwi na ang binata. Lumabas siya sa mall upang pumunta sa parking lot kung saan nakaparada ang kaniyang sasakyan. Nakita niya si Abby na bumibili ng lanzones sa isang matandang lalaki. Lalapitan sana niya itong muli ngunit nang papalapit na siya ay narinig niya ang pakikipagtalo ng dalaga.

“Napakamahal naman po ng tinda ninyo sa lanzones na ito. Baka mamaya ay hindi pa ito matamis,” pasigaw na wika ni Abby sa matanda. “Sisenta na lang lahat ng ‘to, manong, parang maasim naman, eh,” tawad ng dalaga.

“Mura na ‘yan, binibini. Tumikim ka ng isa para malaman mong matamis. Hindi pa ako nakakabawi sa puhunan ko, pasyensa ka na at isang daaan talaga ang isang kilo niyan. Kung gusto mo ay dadagdagan ko na lamang,” pakiusap ng matanda.

“Ito na po ang idagdag ninyo,” sambit ni Abby sabay kuha ng isang tanggay na lanzones.

“Marami masyado, ‘yan, ineng. Malulugi na ako,” tugon ng matanda.

“Napakahirap tumawad sa inyo. Kung hindi ko lang paborito ito ay hindi ako bibili,” wika niya sabay padabog na abot ng kaniyang bayad. Agad niyang tinalikuran ang matanda nang hindi man lamang ito nagpasalamat.

Nadismaya si Adrian sa kaniyang nakita.

Kinabukasan pagpasok sa opisina ay nakita niya si Lorna na bumibili ng turon sa isang matandang babae sa gilid ng kanilang opisina.

“Magkano po ang turon na ito, nay?” tanong ni Lorna sa matanda.

“Siyete ang isa, ineng,” tugon ng matanda.

“Sige po, kukuhain ko na po lahat iyang sampu. Para mabigyan ko rin ang mga kasamahan ko,” wika niya.

“Sitenta ang lahat ng nabili mo,” wika ng matanda. Nag-abot si Lorna ng isang daan. Kinuha ito ng matanda saka nag-abot ng trentang sukli. “Naku, hindi na po, nay. Sa inyo na po ‘yan. Idagdag ninyo na lang po sa kita ninyo ngayong araw. Ipamasahe niyo po para hindi na mabawasan ang kita niyo” wika ng dalaga.

Humanga si Adrian sa ipinamalas ni Lorna.

Nang makarating silang lahat sa opisina ay nariyan na naman si Abby na ipinagmamalaki ang bago niyang biling damit. Nang makita niya ang kaniyang boss ay agad itong nagpapansin.

“Sir, ito po ang mga binili kong damit kahapon, bagay po ba?” wika niya sa binata.

“Bagay na bagay sa iyo ang damit mong ‘yan,” wika ng boss. Nagpasalamat si Abby sa natanggap niyang papuri sa amo. Napadaan si Lorna sa kanilang harapan habang naimigay ng kaniyang baong turon.

“Mahal kasi ang damit na ito, hindi katulad ng iba riyan na turon lamang ang kayang bilhin. Ano ba ‘yang suot mo, Lorna, parang hindi ka pumapasok sa opisina. Hindi kaaya-aya ang dating mo. Saang palengke mo na naman nabili ‘yang suot mo ngayon?” natatawang wika ni Abby sa dalaga.

Nang marinig ito ni Adrian ay agad siyang umalma. “Maganda at mamahalin nga ang kasuotan mo, Abby, ngunit iba sa panlabas mong anyo ang iyong ugali,” sambit ng boss. “Mas nanaisin kong magkaroon ng mga empleyadong may mabuting kalooban kaysa sa kaaya-aya nga, bulok naman ang ugali,” pahayag pa niya.

“Nakita kita kahapon habang bumibili ng lanzones sa isang matandang sa labas ng mall. Hindi ko maintindihan na kaya mong bumili ng mahal na mga gamit, ngunit kung makatawad ka sa maliliit na nagtitinda ay halos hingiin mo na ang mga ito. Kakarampot lamang ang tinutubo ng mga iyon upang may pantawid gutom. Tapos ikaw na kayang bumili ng tig-isang libong damit sa malalaking kumpanya sa mall ay hindi kayang magbayad ng isang daan para sa prutas na itinitinda ng isang matanda?” saad ni Adrian.

Lubusang napahiya si Abby sa kaniyang narinig. Hindi niya akalain na nakita pala ng kaniyang boss ang lahat ng pangyayari.

“Pinahanga mo ako sa pinamalas mo kaninang umaga, Lorna. Hindi ka man kasing garbo ng iba na manamit ay bukal naman ang kabutihan sa iyong puso. Ang mga kagaya mo ang kailangan ko sa aking opisina,” wika niya sa dalaga.

“Nagtitinda din po kasi ang mga magulang ko noon sa palengke kaya alam ko po kung anong hirap ang kanilang pinagdadaaanan upang magkaroon lamang ng ekstrang panggastos. Maliit lamang po ang tinutubo ng mga iyon. Naaawa kasi ako dahil hindi nila iniinda ang init at pagod upang magtinda ng patas. Mas parokyano po ako ng mga ganoong kaysa sa mall sapagkat alam kong nakakatulong ako sa kanila kahit sa maliit na paraan,” paliwanag ni Lorna.

Hindi na nakaimik pa si Abby. Sa kahihiyan ay nais na lamang nitong maglaho na parang bula. Wala siyang mukhang maiharap sa kanila.

“May turon pa ba, Lorna? Gusto ko kasi ng turon,” tanong ni Adrian. Ngumiti ang dalaga at inialok ang natirang turon. “May dalawa pa pong turon, sir. Ito po,” sabay abot ng pagkain sa binata.

Masayang pinagsaluhan ng lahat ang turon na binili ni Lorna sa matandang babae.

Minsan ay nabubulagan tayo sa luho at karangyaan. Hindi naman masama na paminsan-minsan ay iparanas natin ito sa ating sarili. Ngunit isipin natin lagi ang pagtulong s sa ating kapwa kahit sa maliit na paraang hindi tayo tumawad.

Advertisement