Malalim ang iniisip ni Jessica habang nakatitig siya sa bintana ng kanilang bahay. Nalalapit na kasi ang araw ng reunion ng kanilang batch noong hayskul. Hindi niya alam kung pupunta siya sapagkat nakikita niya ang kalagayan ng kaniyang pamumuhay.
Asawa ng isang sekyu si Jessica. Masaya naman ang kanilang pagsasama kahit na madalas ay sakto lamang ang pamumuhay nila. Sa loob ng ilang taong pagsasama ay hindi pa rin sila binibiyayaan ng anak ngunit hindi sila nawawalan ng pag-asa. Hindi naging hadlang sa mga ito ang kakulangan ng anak upang maging maligaya.
“Mukhang malalim ang iniisip mo, mahal,” pansin ni Rudy sa asawa. “Pwede bang malaman ko kung ano ang laman ng isip mo?” wika pa niya.
‘Wala ito, mahal. Napapaisip lang ako sa kung pupunta ako sa reunion ng batch namin,” tugon ng ginang.
“Huwag mong sabihing hindi ka pupunta, mahal? Pag-asa mo nang makita ang mga dati mong kaklase. Simula ng nagsama tayo ay kinulong mo na lang ang sarili mo dito sa bahay. Siguro naman ay pagkakataon mo na ito para lumabas,” pagkumbinsi ni Rudy
“At saka magiging masaya ang gabi na ‘yon. Isipin mo, muli mong mararamdaman ang pagiging hayskul mo. Hindi ba sabi nila ang pinakamasayang bahagi daw ng ating kabataan ay noong hayskul, kaya pumunta ka na,” dagdag pa ng mister.
“Pag-iisipan ko, mahal. Napipigilan kasi ako. Ano naman ang isusuot ko sa pagtitipon na iyon. Saka nahihiya ako baka mamaya ay magmukha lamang ang t*nga doon,” sambit ni Jessica.
“Huwag kang mag-alala, mahal. Kahit ano ang suotin mo ay babagay sa iyo,” saad ng ginoo.
Hindi maamin ni Jessica na nahihiya siyang pumunta sa reunion sapagkat wala siyang narating sa kaniyang buhay. Ikinahihiya rin niya na isa lamang siyang asawa ng isang security guard samantalang alam niya na ang iba niyang mga kaklase ay magaganda na ang buhay at nagsipangasawa ng mga mayayaman.
Hindi na sana niya nais na pumunta sa piging, ngunit pinilit siya ng kaniyang asawa. Binilhan siya ng magarang damit nito upang kaniyang maisuot sa pagtitipon. Namangha si Rudy nang makita niya ang misis na suot ang binili niyang bestida.
“Napakaganda mo talaga, mahal,” paghanga ng mister.
“Parang mahal ang damit na ito, mahal? Saan ka naman kumuha ng pinangbili mo dito?” pagtataka ni Jessica.
“Bumale ako sa boss ko, mahal. Huwag kang mag-alala at sabi naman niya ay unti-unti ko daw bayadan kaya hindi natin gaano mararamdaman ang pagbawas nito sa sahod ko,” sambit ng mister. Inihatid ni Rudy si Jessica sa pagtitipon bago siya pumasok ng trabaho.
“Kalahating gabi lang ako ngayon, mahal. Mamaya pagkarating ng karelyebo ko ay agad kitang susunduin. Mag enjoy ka dito. Tawagan mo ako kapag handa ka nang sunduin kita,” saad ni Rudy.
Nang makapasok si Jessica sa piging ay namangha ito sa laki at ganda ng lugar. Saka niya nakita ang dati niyang mga kaklase.
“Jessica, ikaw na ba ‘yan? Napakaganda mo naman ngayong gabi. Mukhang hindi ka tumatanda, ah,” bati ng dati niyang kamag-aral. “Kumusta ka na? Siguro ay nakapangasawa ka ng mayaman, ano?” tanong sa kanya.
Napangisi na lamang ang ginang. “Ikaw, kumusta ka na?” tanong ni Jessica.
“Ito, pinalad sa buhay. Nakapangasawa ako ng may kaya. Nagtayo ako ng isang negosyo. Sa ibang bansa na kami nakatira ngayon,” wika ng babae.
Dahil sa kwento ng iba pang mga kaklase niyang nagsipag-angatan na ang buhay ay nahiya si Jessica na ibahagi ang kaniyang buhay. Nang tanungin siya ng mga ito tungkol sa kaniyang buhay ay gumawa na lamang ito ng kwento.
“Isang seaman ang asawa ko. Hindi pa kami nagkakaanak kasi abala pa kaming dalawa, lalo na ako sa mga negosyong naitayo namin sa probinsya. Wala kasing mag-aasikaso. Sa katunayan nga sa sobrang abala namin ay may flight pa kami papunta sa ibang bansa sa susunod na linggo,” sambit niya.
Napahanga ang mga dating kaklase sa kwento ni Jessica. “Aba, donya ka na pala ngayon, ah? Minsan kapag hindi ka abala ay lumabas tayo. Masarap magshopping lalo na kapag miss natin ang mga asawa natin, hindi ba?” wika niya.
Labag man sa kalooban ang pagsisinungaling ay wala nang magawa pa si Jessica dahil nahihiya siyang sabihin ang tunay na trabaho ng kaniyang mister.
Kinakabahan si Jessica sapagkat alam niyang mamaya ay nariyan na ang asawa at susunduin siya. Mabibisto na siya ng mga kaibigan na hindi totoo ang kaniyang mga sinasabi.
Ilang sandali nga ay dumating na si Rudy. Hindi na alam ni Jessica ang gagawin upang iwasan ang asawa.
“Mahal, nandito na ako sa labas. Hihintayin kita rito,” sambit ng asawa.
“Sige, mahal. Maya-maya ay lalabas na ako. Sa likod mo na lang kaya ako hintayin?” wika ng ginang. Ngunit pilit na sa harap na lang daw ng nasabing lugar siya hihintayin ng asawa.
Magkakasabay na lumabas anag magkakaibigan sa piging. Kahit na kinakawayan na ni Rudy ang asawa ay hindi siya pinapansin nito.
“Jessica, ikaw ba ang kinakawayan ng sekyu na ‘yon?” pagtataka ng isa nilang kasama.
“Oo nga, Jessica, kilala mo ba ang security guard na ‘yon?” tanong pa ng isa.
“Hindi ko kilala ‘yan,” pagtanggi ni Jessica.
Nakutuban na ni Rudy ang nangyayari sapagkat iba na ang ikinikilos ng asawa.
Ilang sandali pa ay bigla na lamang may nagpaputok ng baril sa lugar. Nagkagulo ang mga tao. Isang lasing na lalaki na may dala palang baril ang naghahamon ng away.
Agad lumapit si Rudy sa kanila at iniligtas ang asawa at ang kaniyang mga kaibigan. Inialis niya ng ligtas sa lugar ang mga babae.
Laking pasalamat nila ng walang nagyaring masama sa kanilang lahat.
“Maraming salamat, ginoo. Utang namin sa iyo ang aming buhay,” wika ng kaklase ni Jessica. “Buti na lamang ay naroon kayo sa lugar na ‘yon kung hindi ay baka nasaktan na rin kami,” dagdag pa ng babae.
Dito na inamin ni Jessica ang lahat.
“Patawarin ninyo ako sa nagawa kong pagsisinungaling. Nahiya kasi ako sapagkat lahat kayo ay nakaangat na sa buhay. Samantalang ako ay…” hindi na natuloy ni Jessica ang sasabihin.
“Asawa lamang ng isang security guard?” dugtong ni Rudy.
“Tama nga ang hinala ko at ikinahihiya mo ang trabaho ko,” dagdag pa ng mister.
“Patawarin mo ako, mahal. Hindi ko dapat ginawa ‘yon. Sana ay mapatawad mo ako sa nagawa ko,” umiiyak na sambit ni Jessica.
“Hindi mo kailangang ikahiya ang pagiging sekyu ng asawa mo, Jessica. Mahirap at marangal ang kaniyang trabaho. Tignan mo nga at nailigtas niya tayo pare-pareho. Isa siyang bayani,” wika ng dating kamag-aral.
“Tama siya, Jessica,” sambit pa ng isang ginang. “Hindi naman nasusukat ang isang tao sa narating nito sa buhay ang importante ay maligaya ka,” dagdag pa nito.
Nahiya si Jessica sa kaniyang nagawang pagsisinungaling. Hindi niya dapat ikinahiya ang asawa sapagkat alam niyang mahal na mahal siya nito. Lubusan ang paghingi niya ng tawad sa kaniyang asawa at sa dati niyang kaklase. Naging isang malaking aral sa kaniya ang nangyari.
Napatawad naman siya ng mga ito. Muli silang nagsimula at sa pagkakataong ito ay ipinaalam na niya sa mga dating kamag-aral ang totoong estado ng kaniyang buhay at tungkol sa kaniyang asawang si Rudy. Mula noon ay hindi na niya ikinahiya ang kaniyang naging buhay sapagkat masaya siya sa piling kaniyang mapagmahal na asawang isang security guard.