“Puny*ta kang bata ka! Ilang beses ko bang sasabihin sa’yo na huwag na huwag mong gagalawin itong mga papel sa mesa ko! Napakaliit ng kokote mo talaga. Anim na taon ka na bakit hindi mo maintindihan ang sinasabi ko?” galit na sigaw ni Jackie sa kaniyang anak na si Angela.
“Kailangan ko po kasi ng papel, mommy. May ginagawa po kasi ako,” paliwanag ng bata.
“Wala akong pakialam sa ginagawa mo. Importante ang mga papel na ito. Kailangan ko ‘to sa trabaho ko. Hindi ka nga nakakatulong, puro perwisyo pa ang dala mo sa akin. Umalis ka sa harap ko. Ayokong makita muna ang pagmumukha mo!” halos malatid ang litid ni Jackie sa pagsigaw sa anak.
Mag-isa lamang na itinataguyod ni Jackie ang nag-iisa niyang anak na si Angela. Isang real estate agent ang babae at kasama nila sa kanilang bahay ang kaniyang inang si Aling Linda na nag-aalaga sa anak sa tuwing siya ay wala. Nang marinig ng matanda ang sigaw ni Jackie ay agad itong nagtungo sa silid ni Jackie.
“Anak, ano na naman ang problema mo at nagsisigaw ka na naman riyan? Pinagalitan mo na naman ba ang anak mo?” pag-aalala ni Aling Linda.
“Siya kasi, nay. Ginalaw niya ang mga importanteng papel sa mesa ko. Lahat ‘yon ay kailangan ko sa trabaho. Paano ‘yan ngayon?” nagagalit niyang tugon sa ina.
“Anak, alam mong importante ang mga iyan, bakit hindi mo itinabi? Bata pa si Angela. Huwag kang umasa na parehas kayo ng pag-iisip. Ipaintindi mo sa kaniya ang kaniyang mga pagkakamali,” paliwanag ni Aling Linda.
“Bakit ba hindi mo magawang mahalin ang anak mo, Jackie? Hindi porket bunga siya ng nangyari sa iyo noon ay ganiyan na ang itatrato mo sa kaniya. Wala siyang kasalanan sa iyo,” wika ng ina.
“Puwede ba, nay. Kahit na pilitin kong ibaon sa limot ang panggagahasa sa akin ng ama niyang bata na ‘yan ay sa tuwing nakikita ko siya ay naaalala ko ang bawat hapdi ng sinapit ko sa salbaheng lalaking ‘yon! Masisisi niyo ba ako, nay? Masaya ang buhay namin noon ng kasintahan ko. Sa kaniya ko gustong magkaanak. Kung hindi ako ginawan ng masama ng lalaking ‘yon, e di sana kami ang nagkatuluyan,” pahayag ni Jackie sa ina.
Samantalang walang tigil sa pag-iyak si Angela sa kaniyang silid. Sa lakas ng pag-uusap kasi ng kaniyang ina at lola ay narinig niya ng katotohanan sa likod ng kaniyang pagkatao. Hindi niya akalain na isa lamang pala siyang bunga ng pagkakamali. At ang kaniyang ama mismo ang taong kinamumuhian ng kaniyang ina.
“Bakit hindi mo subukang mahalin ang iyong anak, Jackie,” payo ng ina niya. “Hindi naman nais ng bata na isilang na ikaw ang kaniyang maging ina. Sana ay huwag mong iparamdaman sa kanya na hindi mo siya gusto at nagsisisi ka na anak mo siya. Kung makakapili rin siya ng magulang ay baka hindi rin ikaw ang naisin niya. Mahal ka ng anak mo at responsibilidad mo bilang ina na ipakita at iparamdam sa kaniya ang pagmamahal mo,” dagdag pa ni Aling Linda. Napaisip ng matindi si Jackie sa tinuran ng ina.
Matapos makipag-usap sa kaniyang anak ay nagtungo si Aling Linda upang tignan ang kaniyang apo. Nagulat ito ng hindi niya ito natagpuan sa kaniyang silid.
“Napansin mo ba si Angela, Jackie?” kinakabahang tanong ni Aling Linda. “Kanina ko pa kasi siya hinahanap. Wala siya sa kaniyang silid at maging sa buong bahay. Saan naman kaya pupunta ang batang iyon,” humahangos na wika ng matanda.
Dagling nagtungo si Jackie sa silid ni Angela. Marahil ay narinig nito ang pag-uusap nilang mag-ina at naisipan nitong umalis sa pag-aakalang hindi siya mahal ng ina. Sandaling naghalughog siya sa silid ng bata at nakita niya ang mga papel na kinuha ng bata sa kaniyang mesa.
“Mama, mahal kita. Sana ay dumating na ang araw na mahalin mo rin po ako. Pero kahit hindi po ninyo ako mahal ay hindi pa rin po magbabago ang pagmamahal ko sa inyo.”
Iyan ang nakasaad sa sulat ng bata.
Hindi naiwasan ni Jackie ang maluha. Habang dala niya ang sulat ng ni Angela ay agad lumabas si Jackie ng bahay at sumakay ng kaniyang kotse upang hanapin ang anak. Hindi inaasahan din ng babae na ganitong pag-aalala ang kaniyang nararamdaman. Ilang oras pa ang nakalipas at hindi niya natagpuan si Angela kaya minarapat na niyang hingin ang tulong ng pulisya. Lahat ay naghalughog sa kanilang subdibisyon.
Ilang sandali pa ay isang tinig mula sa malalim na kanal ang narinig ng isang lalaki. Agad niyang siniyasat ang butas ng kanal at doon nga ay natagpuan ang isang bata.
Nagtulungan ang lahat upang masagip ang bata mula sa malalim na kanal. Hindi naging madali ang pagsagip sa bata. Nagtataka rin ang mga ito dahil sa liit ng butas ay nagkasiya doon ang bata. Makalipas ang ilang oras ay tuluyan nang naialis ang bata sa kanal. Agad naman siyang niyakap ng ina.
Halos mawalan na ng malay si Angela. Napakrumi ng bata dahil sa mga burak na dumikit sa kaniyang katawan. Nilalamig na rin ito sa ginaw. Agad siyang dinala sa ospital upang mabigyan ng lunas.
Nang magising ang bata ay agad niyang hinanap ang ina.
“Mommy, patawarin ninyo po ako. Hindi ko po sinsadya na maging sanhi po ng kalungkutan at pagdurusa ninyo. Kung pwede ko lang pong tanggalin ang sakit na nararamdaman ninyo ay gagawin ko po. Umalis po ako sapagkat ang gusto ko pong mawalan na kayo ng problema,” umiiyak na sambit ng bata.
Kahit na nasa malubha itong kalagayan ay ang ina pa rin niya ang kaniyang iniisip. Hindi naiwasan ni Jackie na yakapin na lamang ang anak.
“Mahal kita, anak. Hindi mo kasalanan ang lahat. Nagkamali ako. Hindi ko alam na sobrang pasakit na pala ang dinadala ko sa iyo. Patawarin mo ang, mommy,” patuloy sa paghagulgol si Jackie habang yakap ang kaniyang anak.
“Wala pong araw na hindi ko kayo minahal, mommy. Kahit ang mga araw na sobrang galit kayo sa akin, mahal na mahal ko pa rin po kayo,” sambit ng anak.
Sa puntong iyon ay hindi na pinigilan pa ni Jackie na tuluyang mahalin ang kaniyang anak. Hindi na niya ininda ang pait nang kaniyang nakaraan. Wala na siyang pakielam kung si Angela man ay bunga ng isang masamang pinagdaanan. Naging masaya ang pagsasama ng mag-ina. Nagsimulang magpaka-ina si Jackie kay Angela.
Sa kabila ng mapait na sinapit ng ginang ay naging paalala si Angela sa kaniyang ina na may magandang bukas pa ang inilaan ng Diyos para sa kaniya.