Inday TrendingInday Trending
Panalanging Nasagot Sa Tamang Oras

Panalanging Nasagot Sa Tamang Oras

“Mahal, may surpresa ako sa’yo!” masayang bati ni Jane sa kaniyang bagong gising na asawa.

“A-ano ‘yon, mahal? Mukhang ang saya-saya mo, ha?” sagot ni Victor habang nagkukusot ng kaniyang mata. Nagulat naman siya nang may iabot na maliit na kahon ang kaniyang asawa, “Para sa akin, to? Anong laman nito?” patawa-tawang tanong niya.

“Buksan mo para malaman mo!” tugon ng babae habang kinukuhanan ng bidyo ang asawa. Ngumiti lamang ito sa kaniya saka tuluyang binuksan ang kahon. Halos lumuwa ang mata nito sa tuwa nang makita ang laman ng kahon.

“P-pregnancy test? Po-positive? B-buntis ka, mahal? Daddy na ako?” hindi makapaniwalang tanong nito, tumango-tango lang ang babae dahilan upang magtatatalon siya sa tuwa. “Daddy na ako! Daddy na ako!” sigaw pa niya sa tapat ng camera saka niyakap ang kaniyang asawa. Labis ang tuwa ng mag-asawa sa biyayang matagal na nilang pinapanalangin.

Limang taon nang kasal ang mag-asawang Jane at Victor. Halos lahat na ng bagay na inaasam ng mag-asawa ay mayroon na sila. Bahay, negosyo, mga sasakyan at marami pang ibang bagay ngunit kahit pa ganoon, hindi pa rin makuha ng mag-asawa ang saya ng kanilang pagsasama dahil nga hanggang ngayon, wala pa rin silang anak.

Sa iba’t-ibang doktor na sila nagpatingin upang malaman kung may komplikasyon ba sa ari ang isa sa kanila, ngunit ni isa sa mga doktor na ito, walang nakitang komplikasyon sa isa sa kanila. Kaya wala na silang ibang magawa, kundi manalangin na lamang. Naisip nilang mag-ampon noon, ngunit hindi kalaunan, napag-isip-isip nila na mas maiging galing mismo sa kanilang dugo ang anak nila, dahilan upang ganoon sila puspusang mahintay sa biyayang iyon.

Kaya naman, nang malaman ni Jane na buntis na siya sa wakas, hindi siya nag-atubiling sabihin ito kaagad sa asawa. Ganoon na lamang ang saya ng mag-asawa.

Lubos nilang inalagaan pareho ang munting anghel unti-unting nabubuo sa kaniyang sinapupunan. Pawang masusustansiyang pagkain lamang ang kinakain ng babae, gatas, gulay at prutas. Walang softdrinks o alak. Sa katunayan nga, sa sobrang sabik ng mag-asawa bumili na kaagad sila ng mga gamit ng kanilang anghel.

Halos lingguhan rin silang magpatingin sa doktor lalo na nang magkaroon ng umbok ang puson ng babae. Ngunit tila pinagtaka nila nang bigla itong mawala. Halos naging patag ang puson ng babae dahilan upang ganoon na lamang sila mag-alala. Biglaan naman dinugo ang babae kaya’t agad na nagtungo ang mag-asawa sa kanilang doktor at doon nila nalamang, nakunan ang babae.

Ganoon na lamang napaluhod ang babae sa pagkadismaya’t lungkot na bumabalot sa kaniyang puso. Mangiyakngiyak niyang tinanong ang doktor, “Doc, bakit, bakit ganoon?”

“Mahina po ang pagkapit ng bata sa inyo, humiga na po kayo at baka malason pa ang inyong bahay bata,” paliwanag nito saka pilit nang pinahiga ang babae.

Ganoon na lamang ang pagpigil ng lalaki sa kaniyang luha habang yakap-yakap ang humagulgol na asawa. “Huwag kayong mawalan ng pag-asang sumubok,” sambit ng doktor kay Victor saka siya tinapik-tapik sa balikat.

Mahirap man tanggapin pilit na pinaintindi ng lalaki sa kaniyang asawa na hindi pa doon natatapos ang kanilang pag-asang magkaanak.

Isang taon niyang pinagpahinga ang asawa saka sila muling sumubok. Kasama ang pananalangin, sa wakas, muli silang nakabuo.

Labis ang kasiyahan ng mag-asawa dahil dito. Dinoble nila ang pag-aalaga’t pag-iingat sa kanilang munting anghel. Ika pa ni Jane, “Kapag nawala ka pa, baka hindi ko na kayanin,” dahilan upang mangamba ang kaniyang asawa at yakapin siya ng mahigpit.

Linggo-linggo pa rin silang bumibisita sa doktor at labis ang tuwa nito dahil malusog ang pagbubuntis ng babae ngayon. “Wala ka ng dapat ikapag-alala, para sa inyo na ito,” sambit nito habang inuusisa ang ultrasound ng babae.

Ilang buwan ang nakalipas, tuluyan nang naisilang ng babae ang kaniyang sanggol. Halos humagulgol ang kaniyang asawa nang marinig na umiyak na ang kaniyang munting anghel.

Isang araw ang nakalipas, nakapiling na nila ang kanilang anak. Bintog na bintog ang mga pisngi’t hita nito, dahilan upang ganoon na lamang maiyak ang mag-asawa habang yakap-yakap ang isa’t-isa.

“Sabi sa inyo, eh. Huwag kayong mawalan ng pag-asang sumubok. Siguro noong una, hindi pa kayo handa talaga sa paningin ng Diyos, ngayong pinagkalooban na niya kayo, alagaan niyo siya nang higit sa makakaya niyo,” sambit ng doktor saka kinulsulta ang kalagayan ng babae at tuluyan nang umalis.

Ginawa nga ng mag-asawa ang lahat para sa kanilang munting anghel at sa kabutihang palad, lumaki itong bibo at puno ng kagalakan.

Hindi lahat ng panalangin natin, agad na sasagutin ng Diyos. Maaaring hindi muna o hindi talaga. Ang tangi lang na magagawa natin ay magtiwala na lahat ng Kaniyang plano ay para sa ikabubuti natin.

Advertisement