Inday TrendingInday Trending
Bakit Ka Nandito?

Bakit Ka Nandito?

Lugmok na lugmok na umupo sa isang convenience store si Audrey. Galing siya ngayon sa isang job interview at sa kasamaang palad, napangunahan siya ng kaba at wala man lang ni isang salitang lumabas sa kaniyang bibig upang sagutin ang isang tanong ng lalaking istrikong nag-interbyu sa kaniya.

“Bakit ka nandito?” pag-ulit ng dalaga sa tanong na itinanong sa kaniya kanina, “Hanep ka naman, Audrey! Ang dali-dali lang ng tanong! Hindi mo pa nasagot? Nginitian mo lang yung nag-iinterbyu! Ano akala mo, close kayo? Ngingiti rin siya sa’yo tapos tanggap ka na? Naku! Napaka-engot mo talaga, Audrey!” ika niya sa sarili habang bahagyang hinihila-hila ang kaniyang buhok at nagpapadyak.

Dismayadong-dismayado siya sa kaniyang ginawa dahil sa isang iglap lang, nawala ang lahat ng kaniyang pinaghirapan.

“Mantakin mo, Audrey, isang buwan kang nag-ayos ng mga requirements, ilang libong piso ang naubos mo sa kakapamasahe, ilang oras ang ginugol mo sa pagpila, ilang kalam ng tiyan ang tiniis mo, tapos noong tanungin ka na, “Bakit ka andito?” ngingiti ka lang? Kundi ka ba naman isang daang porsyentong engot! Nakakainis!” ika niya pa sa sarili habang nilalagyan ng ketchup at mustard ang hotdog sandwich na binili niya.

Halos dalawang buwan pa lang ang nakalipas nang makapagtapos ang dalaga sa kolehiyo. Ngunit dahil nga sa siya ang panganay sa kanilang magkakapatid, wala siyang dapat sayanging oras para makatulong na sa kaniyang mga magulang.

Desidido naman talaga ang dalagang makapasa sa interbyu na ‘yon. Sa katunayan nga, labis niya itong pinaghandan. Halos gabi-gabi siyang nagbababad sa kompyuter upang maghanap ng mga tanong na maaaring ibato sa kaniya, maayos niya itong nasasagot ngunit tila napangunahan talaga siya ng kaba nang humarap na siya sa istrikong lalaking nag-interbyu sa kaniya.

Napabuntong hininga na lamang ang dalaga matapos sermunan ang kaniyang sarili. Kakagat na sana siya sa hawak niyang hotdog sandwich nang biglang may lumapit sa kaniyang batang pulubi.

“Ate, akin na lang po ‘yan, hindi pa po ako kumakain eh,” daing nito, lalo pang lumalim ang pagbuntong hininga ng dalaga dahil nga kumakalam na rin ang kaniyang tiyan at saktong pamasahe na lamang pauwi ang kaniyang pera, ngunit kahit ganoon, iniabot niya pa rin ang tinapay sa bata at ang kaniyang biniling inumin. Papalabasin na sana ito ng isang empleyado sa convenience store ngunit pinigilan niya ito.

Masaya niyang pinagmasdan kumain ang batang pulubi. Kada nanguya ito, nangiti ito sa kaniya. Bigla niyang naisip na tanungin dito ang tinanong sa kaniya kanina sa interbyu.

“Bakit ka nandito?” tanong niya, binitawan ng bata ang kaniyang kinakain saka sumagot.

“Sabi kasi sa akin ng tatay ko, dadalhin niya raw ako sa parke kaya sumama ako. Ang saya-saya ko nga no’n kasi hindi pa ako nakakapunta doon, pero alam mo ba, bigla na lang siyang nawala pagkababa namin ng jeep.

Simula noon, hindi na ako nakauwi sa amin. Baka intensyon talaga ni papa na iwan ako, hirap na kasi siyang pakainin kaming lahat,” kwento ng bata na talaga nga namang nakapagpa tunaw sa kaniyang puso, naisip niya, maswerte pa pala talaga siya kasi may uuwian pa siyang pamilya mamaya, “Ikaw, bakit ka nandito?” nabigla naman siya nang magtanong ito.

Nilinis niya ang kaniyang lalamunan at saka ikinuwento ang nangyari sa kaniyang interbyu sa bata.

“Kaya pala malungkot yung mga mata mo. Huwag ka mag-alala dadating rin yung pagkakataong makakakuha ka ng trabaho at tatawanan mo na lang ‘tong pagkakataon na ito. Ako nga hindi nawawalan ng pag-asa kahit napakaimposible nang makita ko pa ang pamilya ko, dapat ikaw rin, huwag ka mawalan ng pag-asa,” sambit nito sabay kindat tila nawindang naman ang dalaga sa mga sinabi ng bata, hindi niya lubos akalaing isang bata ang makakapagpa-isip sa kaniya na hindi dito nagtatapos ang laban niya sa buhay.

Hanggang sa kaniyang pag-uwi, bitbit niya ang mga pangaral ng bata. Nangako siya sa sarli niyang muling susubok maghanap ng trabaho at tutulungang makauwi ang batang iyon.

Muling nag-apply ang dalaga sa isa pang kumpanya. Sa kabutihang palad naman, sa pagkatataong ito, nakuha na siya. Tuwang-tuwa ang dalaga at halos yakapin niya ang nag-interbyu sa kaniya sa sobrang tuwa.

Hindi naman nagtagal, sumahod na ang dalaga at ang una niyang ginawa, hinanap niya ang batang nakausap niya saka ito tinulungang makauwi sa kaniyang pamilya.

Sa kabutihang palad, natagpuan nila ang pamilya nito sa Tondo. Nagulat ang bata nang masaya siyang salubungin ng kaniyang ama, matagal na pala siyang hinahanap nito, hindi pala intensyon nito na iligaw siya. Ganoon na lamang napaluha ang dalaga nang makita kung gaano kasaya ang batang naging inspirasyon niya. Inabutan niya nang kaunting tulong ang pamilya nito. Labis naman ang pasasalamat ng bata sa kaniya saka siya niyakap.

Simula noon, tila naging positibo ang dalaga sa lahat ng pagsubok na kinakaharap niya. Bumagsak man siya, alam niyang may bukas pa para sa bagong pag-asa.

Advertisement