“Taho! Taho! Baka gusto niyo ng taho!” sigaw ni Mang Jose habang nagpepedal sa isang baranggay bitbit-bitbit ang kaniyang mga naglalakihang lalagyang lulan ng isang maliit na pedicab.
Maya-maya pa, nagsilabasan na ang mga bata. May kani-kaniyang dalang mga baso at nag-uunahan sa pag-abot sa matanda.”Aba, isa-isa lang at lahat ay mabibigyan. Pumila kayo upang ako’y magsimula na sa pagtatakal,” sambit nito dahilan upang pumila ang mga bata habang hinahanda ang kanilang bayad na tatlong piso.
Ngiting-ngiting nagtatakal ang matanda nang may aleng napadaan kasama ang kaniyang apo na tila nais rin ng taho. Nagtanong ito sa kaniya kung magkano ang kaniyang paninda. “Tres lamang po, murang-mura,” magiliw na sagot ng matanda.
“Malinis ba ‘yan? Baka naman kaya mura kasi sa marumi kinukuha. Naku, anak, magkakasakit ka d’yan! Halika na!” ika ni Aling Toyang sa kaniyang apo, nalungkot ang mukha nito at maluha-luhang nakatitig sa mga batang humihigop ng mainit na taho. Napailing na lamang ang matanda sa sinabi ng ale saka habang nagpapatuloy sa pagtatakal.
Palaging laman ng nasabing baranggay na ito ang matandang nagtitinda ng taho na si Mang Jose tuwing umaga. Sa dinami-dami niyang suking bata dito dahil nga sa mura niyang paninda, ganon rin ang dami ng mga taong tila kinukwestiyon ang kaniyang paninda.
Napakamura kasi nito. Sa halagang tatlong piso, may isang baso ka ng taho na may maraming arnibal at sago. Depende pa sa laki ng iyong baso ang dami ng tahong maibibigay sayo, kapalit ng tatlong piso mo. Kaya naman, ganoon na lamang siya tumpukin ng tsismisan kapag nagsimula na siyang maglako sa baranggay na ito.
May pagkakataon pa ngang ipinahiya siya ng isang matandang babae. Tinapon nito ang kaniyang mga paninda at isinigaw na dahil daw sa paninda ng matanda, nasa ospital daw ang kaniyang apo. Ngunit nakakamanghang kahit isa sa mga pambibintang ng mga tao, hindi ito pinapatulan ng matanda. Nakangiti lamang siya sa mga ito at madalas, umiiling-iling lamang.
Hanggang ngayon, nanatiling misteryoso pa rin kung saan kinukuha ng matanda ang kaniyang paninda. Marami nang sumubok na sundan siya ngunit palagi silang bigong umuuwi ng bahay. Palagi lang kasi nila itong nakikitang pumapasok sa isang malaking bahay, na ang usap-usapan, doon daw matagal nang naninilbihan ang matanda.
Minsang napadaan sa naturang bahay si Aling Toyang, papunta sana siyang palengke noon. Ngunit bigla siyang napatigil at nagtago sa isang puno nang makitang may isang trak na may mga lamang sako-sakong hindi malamang sangkap na binababa mula dito.
Hindi naman kalayuan nakita niyang nakatanaw sa mga nagbubuhat ang matandang nagbebenta. Halos hindi pa siya makapaniwala at kinusot-kusot pa nang todo ang kaniyang mga mata nang makitang nakadesenteng damit ang matanda, mayamang-mayaman ang dating. Ika niya, “Naku, baka nagpapanggap na may-ari ng bahay yung magtatahong ‘yon. Pambihira talaga ang misteryosong matandang ‘yan! Ang daming tinatago!”
Hindi na nakatiis ang ale at dali-dali niyang kinausap ang drayber ng trak nang minsang isara ang malaking gate ng naturang bahay. Noong una’y inusisa niya kung saan nanggagaling ang mga sangkap na ito at nagulat siya nang magbanggit ng isang sikat na pangalan ng kumpanya ang lalaki. Sinulit niya na ang pang-uusisa hanggang sa nakaabot siya sa pagkatao ng matanda.
“Ah, si Mr. Jose po ba? Siya po yung may ari ng bahay na ‘yan. Sa katunayan nga po, gumagawa siya ng taho at binebenta sa murang halaga. Bukod kasi sa gusto niyang makatulong sa mga kumakalam na sikmura kapalit nang maliit na halaga, gusto niya rin makapaglibang. Nakakalungkot nga lang po na may mga taong binababa pa siya. Buti na lamang napakabait ni Mr. Jose. Kung hindi, baka lahat ng nanghahamak sa kaniya, nakakulong na ngayon,” kwento ng drayber sa kaniya, halos hindi siya makapaniwala sa kaniyang mga nalaman, “O, sige po, kailangan na po naming umalis,” paalam ng lalaki saka tuluyang sumakay sa trak at umalis.
Magkahalong konsensya at paghanga ang naramdaman ng ale nang marinig lahat ng ‘yon. Malinis naman pala ang paninda nito, kaya lang mura dahil gusto nitong makatulong. Naalala niya tuloy ang ginawa niyang pamamahiya dito, dahilan upang naisin niyang bumawi at makatulong sa matanda.
Naikwento niya sa kaniyang mga kumare ang kaniyang natuklasan. Noong una’y hindi makapaniwala ang mga ito kaya naman, lakas loob na siyang lumapit sa matanda isang araw nang mapadaan ito sa kaniyang bahay at sinabi lahat ng kaniyang natuklasan. Sa harap ng kaniyang mga kumare umamin ito na lahat ng sinasabi ni Aling Toyang ay totoo.
Halos hindi pa rin makapaniwala ang magkukumare kasama na ang matandang nagtapon ng kaniyang mga taho noon. Lubos itong humingi ng tawad sa kaniya. Patawa-tawa lang naman ang matanda saka sila inabutan ng tig-iisang baso ng tahong kaniyang binebenta.
“Libre na ‘yan, para sa mga bago kong tagpong kaibigan,” ika ng matanda sabay kindat.
Simula noon, nawalang parang bula ang mga taong humahamak sa matanda at napalitan na ito ng mga taong labis na lamang ang paghanga sa kaniya.
Hindi na nga talaga siguro maaalis sa tao ang pagiging mapanghusga. Ngunit bilang hinuhusgahan, mangyari lamang na kapag alam nating hindi totoo ang kanilang hinuhusga, manatili tayong kalmado at nakangiti.