Inday TrendingInday Trending
Anong Nangyari Kay Olga?

Anong Nangyari Kay Olga?

Bumaba sa loob ng bus si Cesar matapos ang ilang oras na paglalakbay. Lumuwas siya sa Maynila mula sa Iloilo upang hanapin ang kaniyang kasintahang si Olga. Isang buwan na kasing hindi ito nagpaparamdam sa kanila.

Isang nagngangalang Mrs. Aspacio ang biglang nagtungo sa kanilang baryo noong nakaraang buwan at naghahanap umano ng mga babaeng madadala sa Maynila upang mabigyan ng magandang trabaho. Isa sa mga narecruit nito si Olga, dala ng kahirapan nito sa buhay.

Subalit makalipas ang isang buwan, hindi man lamang nagtext, nagchat o tumawag sa kaniya si Olga, ni sa mga magulang nito. Sabi ni Mrs. Aspacio, tumakas daw si Olga at kasama nito sa pagtakas ang isa niyang alahas. Pinaratangan nitong magnanakaw si Olga bagay na hindi mapaniwalaan ni Cesar.

Kailangan niyang matuklasan kung ano ang tunay na kinahantungan ni Olga. Hindi niya alam kung paano magsisimula. Gusto niyang manawagan sa radyo at mga programang pantelebisyon upang matulungan siyang mahanap ang nawawalang kasintahan.

Nakarating si Cesar sa Quiapo. Nais niyang manalangin sa simbahan. Subalit isang pamilyar na babae ang nahagip ng kaniyang paningin. Hindi siya maaaring magkamali. Nakita niya ang bulto ng katawan ni Olga. Naglalakad. May bag sa likuran nito. Hinabol niya ito sa kakapalan ng mga tao. Hindi niya inilalayo ang tingin niya rito.

“Olga! Olga!”

Subalit hindi siya nito naririnig. Tumatakbo at lumalakad ito nang mabilis. Makapal ang tao kaya hindi niya mahabol at malapitan nang tuluyan si Olga. Hindi na niya alintana kung sino ang mga nakakabangga niyang mga tao. Ang mahalaga sa kaniya, mahabol si Olga.

Sa wakas ay narinig din siya ni Olga at lumingon sa kaniya. Nagliwanag ang mukha nito nang masilayan siya subalit biglang napalitan ito ng pagkabahala. Tumakbo ito. Hinabol ni Cesar. Parang pinagtataguan siya. Parang sinasadyang lumayo.

“Olga! Sandali lang!”

Patuloy na tumatakbo si Olga hanggang sa madapa ito. Naabutan siya ni Cesar.

“Salamat sa Diyos at natagpuan din kita. Anong nangyari sa iyo?” niyakap ni Cesar si Olga.

Subalit nagulat si Cesar nang bigla siyang sipain ni Olga. Napatimbuwang si Cesar sa kalsada. Naiiba ang lakas ni Olga. Malayo sa babaeng kilala niya na mahinhin. Malayo sa kasintahan niyang hindi makabasag-pinggan. Muli na namang tumakbo ito. Tumayo si Cesar at hinabol si Olga.

Nakarating na pala sila sa Jones Bridge nang hindi namamalayan. Humihingal si Olga. Humihingal din si Cesar. Nang tangkain lapitan ni Cesar si Olga, pinahinto siya nito.

“Huwag kang lalapit Cesar. Lumayo ka. Lumayo ka sa akin!” hintakot na sabi ni Olga.

“Anong problema Olga? Sabihin mo sa akin? Anong problema?”

“Gusto kong sabihin sa iyo Cesar na mahal na mahal kita. Hindi aksidente ang pagkakapunta ko rito sa Maynila. Nakatakda itong mangyari. Alam ni itay ang kahihinatnan ko,” umiiyak na sabi ni Olga.

Hindi maintindihan ni Cesar ang sinasabi ni Olga. “Ano bang ibig mong sabihin?”

“Umalis ka na Cesar! Pabayaan mo na ako. Kailangan kong gawin ang aking tungkulin,” lumuluhang sabi ni Olga. Gulong-gulo si Cesar sa tinutukoy ng kaniyang kasintahan na tungkulin nito.

Walang ano-ano’y tatlong lalaking nakatalukbong ang mga mukha ang dumaluhong kay Cesar. Hinawakan nila sa magkabilang kamay si Cesar upang hindi ako makapalag. Isa sa mga lalaki ang lumapit kay Olga at sinapok ito sa mukha.

“Bakit nandito ka? Hindi ka dapat dito. Doon ka sa mataong lugar.”

Sinapo ni Olga ang kaniyang pisngi. Ngumisi ito na parang nakakaloko.

“Hindi ko ipapahintulot ang gusto ninyong mangyari. Hindi baleng ako na lang ang mawala, huwag lamang ang mga inosenteng tao,” sabi ni Olga. Tumalon ito sa Jones Bridge at bago siya lumapat sa tubig, biglang sumabog ang katawan ni Olga. Sumambulat ang katawan nitong nagkalasog-lasog.

Nagulat sa kaniyang nasaksihan si Cesar. Gusto niyang humiyaw subalit walang tinig na lumabas sa kaniyang lalamunan. Binugbog siya ng tatlong lalaking humawak sa kaniya hanggang sa mawalan siya ng ulirat.

Nagising na lamang si Cesar na siya ay nasa ospital. Maraming pulis ang nasa kaniyang tabi. Tinanong siya kung ano ang kaniyang nasaksihan sa naganap na pagsabog.

Napag-alaman ni Cesar na ang tatay ni Olga ay isa palang kasapi ng terorista na binigyan ng malaking pera para lamang maging kasapi. Nang malaman ni Olga ang ginawa ng ama, siya ang sumama sa grupo upang ipagsanggalang ang ama. Naging suic*de bomber si Olga at ang misyon niya ay maghasik ng lagim sa Quiapo subalit nanaig ang sundot ng konsensya kay Olga kaya minabuti na lamang nito na lumayo sa maraming tao upang walang mapahamak sa pagsabog.

Samantala, nahuli naman ang tatlong lalaking kasapi ng mga terorista na pumigil kay Cesar na makalapit kay Olga. Sa tulong ng pinagsanib na puwersa ng pulis at sundalo, nahuli at napasuko ang mga grupong naghahasik ng panggugulo sa Maynila.

Advertisement