Inis na inis na sa kaniyang trabaho si Celine. Napagalitan na naman siya ng kaniyang boss dahil sa kaniyang kapalpakan bilang isang bank teller. Hindi na rin maintindihan ni Celine ang sarili. Nakakaramdam siya ng kakaibang pagkapagod sa buhay.
Bukod sa pagtatrabaho sa umaga, siya rin ang nag-aalaga sa lola niyang may Alzheimer’s disease. Bukod dito, sa kaniya rin umaasa ang kaniyang mga kapatid. Nakaatang sa balikat ni Celine ang kaniyang buong pamilya kaya iniingatan niyang huwag siyang mawalan ng trabaho.
Upang makahinga-hinga, nagtungo si Celine sa paborito niyang tambayan sa Roxas Boulevard. Tinitigan niya ang mga humahagibis na sasakyan. Ang mga nagkikislapang mga ilaw ng lungsod. Pinapanalangin niya, sana ay hindi na lamang komplikado ang buhay.
Sa tabi ng kaniyang inuupuan, may poste ng ilaw. Inilabas niya ang kaniyang baong pentel pen. Luminga-linga siya sa paligid. Wala namang taong malapit sa kaniya. Sinulatan niya ang semento na nagsisilbing stand ng poste.
“Ayoko na sa earth!” sulat niya.
Mabilis niyang isinilid sa loob ng kaniyang shoulder bag ang pentel pan at umuwi. Mahirap na’t baka may makakita pa sa kaniya.
Nang sumunod na araw, bumalik si Celine sa naturang lugar upang magnilay-nilay. Bago siya umuwi, napansin niyang may nakasulat na tugon sa isinulat niya kahapon.
“Bakit? Problema mo?”
Natawa si Celine. May pumatol talaga sa kaniyang isinulat. Muli niyang inilabas ang kaniyang pentel pen at tinugunan ang nakasulat na tanong.
“Marami.”
Sa tuwing babalik siya sa naturang lugar, napapangiti si Celine dahil laging may tugon ang kung sinumang estranghero sa kaniyang vandal. Hanggang sa isang gabi, numero na ng cellphone ang isinulat nito. Kinuhanan niya ito ng larawan at nagdudumali siyang umalis. Mga tatlong araw niyang pinag-isipan kung itetext niya ang numero.
Isang gabing umuulan, hindi siya nakadaan sa naturang bahagi ng Roxas Boulevard na paborito niyang tambayan. Ipinasya niyang i-text ang numero ng estranghero na tumutugon sa kaniyang mga sinusulat sa semento. Maya-maya, mabilis pa sa kidlat na tumugon ito at nag-aayang makipagkita. Nagpaunlak naman si Celine. Magkikita sila sa isang ice cream shop.
Dumating na nga ang estranghero. Nagulat si Celine dahil gwapo pala ito. Renz ang pangalan nito, 32 taong gulang. Call center agent.
“Hindi naman halata sa iyo na marami kang problema,” nakangiting sabi ni Renz.
“Talaga? Salamat. Mabuti naman at hindi halata. Marami akong isipin. Marami akong dalahin,” sabi ni Celine. Dumating ang kanilang order na strawberry ice cream.
“Bakit kasi sinosolo mo? Dapat may kasama ka sa pagpasan nito. Boyfriend? Asawa? Karelasyon?”
“I’m single,” tugon ni Celine.
“Baka kaya ka nabibigatan kasi kailangan mo ng katuwang sa buhay,” sabi ni Renz at tinitigan siya sa kaniyang mga mata.
“Sayang lang sa oras ang pakikipagrelasyon. No time for love,” pahalakhak na sabi ni Celine. Ikinuwento ni Celine ang kaniyang pinagdaraanan.
Tinapos nila ang pagkain ng ice cream at pinasya nilang umuwi na. Inihatid ni Renz si Celine sa tinutuluyan nitong apartment. Nagpasya silang magkita ulit kinabukasan.
Kinabukasan nga ay nagkita sila sa bahagi ng Roxas Boulevard kung saan sila unang nagkakilala sa pamamagitan ng pagsusulatan sa semento. Pareho silang natawa dahil malinis na ang mga iyon. Bagong pintura na.
“Ikaw naman ang magkuwento. Bakit ka nagpupunta rito?” tanong ni Celine kay Renz.
“Wala naman. Gusto ko lang ding makahinga. Toxic ang buhay ko. Kakahiwalay lang namin ng asawa ko,” sabi ni Renz.
Napasulyap si Celine kay Renz. “So annulled ka na?”
“Hindi pa. On the process pa lang. Wala eh. She’s toxic. Hindi naging maganda ang relasyon namin.”
Isinalaysay ni Renz kay Celine ang kaniyang buhay. Nakinig lamang si Celine. Batay sa kuwento ni Renz, napakaselosa ng kaniyang dating asawa. Lahat ng kibot niya ay laging may hinala. Mabuti na lamang daw at hindi pa sila biniyayaan ng supling.
Nagkapalagayan ng loob sina Renz at Celine. Natiyak nilang gusto nila ang isa’t isa. Subalit mahigpit ang paniniwala ni Celine na ayaw niyang makipagrelasyon sa isang may asawa.
“Makakapaghintay ka ba?” tanong ni Renz kay Celine.
“Handa akong maghintay,” sabi ni Celine.
Tumagal ng halos dalawang taon bago tuluyang napawalang-bisa ang kasal ni Renz sa asawa nito. Nang mga sandaling iyon ay namayapa na ang lola ni Celine at naitalaga ito sa ibang branch ng bangko. Agad na pinuntahan ni Renz si Celine at ipinamalita rito ang matagumpay na annulment.
Ipinasya nina Renz at Celine na magkaroon ng relasyon. Tumagal ng dalawang taon ang kanilang pagsasama bilang magkasintahan. Inayang magpakasal ni Renz si Celine at pumayag naman ito. Biniyayaan sila ng tatlong anak at nagsama sila nang masaya.