Nagmamadali na si Anna sa kaniyang appointment subalit inis na inis siya dahil sa labis na bigat ng daloy ng trapiko. Maaga siyang umalis kanina. Alas kuwatro pa lamang ng madaling-araw ay naghahanda na siya. Alas singko y media ay nakaalis na siya upang iwas-trapiko. Subalit hindi naman niya akalaing may malawakang transport strike pala. Tigil-pasada ang mga jeepney at bus.
Sinubukan niyang kumuha ng sasakyan sa Grab subalit walang mahanap para sa kaniya. Hindi niya alam kung ano ang gagawin. Hanggang sa maisipan niya ang Angkas. Noong una ay nagdalawang-isip siya dahil natatakot siyang sumakay sa motorsiklo. Pero wala na siyang pamimilian kaya sinunggaban na niya ito.
Mabuti na lamang at may Wi-Fi siya kaya’t nakapag-download agad siya ng app na ito. Matapos makapag-register, agad siyang kumuha ng motorsiklo. Isang Fred Daylisan ang naka-book sa kaniya. Dalawang minuto lamang at nakarating na ito sa kaniyang kinaroroonan.
Napabuntong-hininga si Anna nang magtanggal ng helmet ang Angkas driver. Gwapo ito. Maganda rin ang katawan at lalaking-lalaki. Kinuha nito ang isang helmet at ibinigay sa kaniya.
“Ma’am, sakay na po. Pakisuot po ang helmet,” utos ng drayber.
Inalis muna ni Anna ang kaniyang salamin sa mata upang masuot niya nang tuluyan ang helmet. Naamoy niya ang mabangong amoy ng lalaki. Gustong-gusto pa naman niya ang mga mababango.
“Ma’am, hawak po kayo sa balikat ko. Pero kung gusto ninyo po, sa beywang ko,” sabi ng drayber. Pinili ni Anna ang unang opsyon. Maya-maya, umandar at nagpaharurot na ito.
“Kuya, konting bilis pa ah, male-late na kasi ako sa appointment ko,” bulong ni Anna sa driver.
“Ganun po ba? Sige po, hawak po kayo sa beywang ko.” utos nito. Tumalima naman si Anna at nagulat siya dahil pinaharurot nga nito ang motor. Napayakap tuloy siya sa beywang nito nang hindi niya namamalayan.
Ilang sandali lamang at nakarating na rin siya sa gusaling kailangan niyang babaan.
“Nakakatakot ka naman kuya! Sabi ko bilisan mo, hindi paharurutin mong parang wala nang bukas! Paano na ako kapag naaksidente tayo? Hindi pa ako nakakapag-asawa,” sabi ni Anna sa lalaki. Hindi niya alam kung bakit nasabi niya ang huling pangungusap.
“Wala ka pang asawa ma’am?” nakangiting tanong ng driver.
Hindi sinagot ni Anna ang tanong ng drayber. Ibinigay niya rito ang bayad. Tumalikod na siya upang pumasok sa loob ng gusali.
“Ma’am sandali!” tawag sa kaniya ng driver.
Lumingon si Anna. “O…?”
“Yung helmet po pakihubad,” natatawang sabi nito.
Namula ang mga pisngi ni Anna. Inatake na naman siya ng kat*ngahan. Hindi pa nga pala niya nahuhubad ang helmet sa kaniyang ulo. Mabilis niya itong inalis at iniabot sa driver. Nagmamadali na siya.
Habang naglalakad sa loob ng gusali patungo sa kaniyang appointment, may nagtext sa kaniyang numero. Ito ang numero ng drayber.
“Ma’am, text ninyo lang po ako kapag pauwi na kayo. Willing po akong sunduin kayo,” nagpadala pa ng heart emoticon ito. Hindi ito pinansin ni Anna.
Bandang hapon, natapos na rin ang appointment ni Anna. Nasa labas na siya ng gusali at naghihintay ng masasakyan. Biglang nagtext sa kaniya si Fred.
“Nasaan ka na ma’am? Sunduin na kita?”
Nakaramdam ng pagkakilig si Anna subalit hindi siya nagpahalata. Sabi ng guwardiya, madalang daw ang dumaraang taxi o sasakyan sa lugar na iyon. Kaya wala siyang magagawa kundi paunlakan ang alok ng drayber.
“Sige puntahan mo ako sa dati,” tugon ni Anna.
Ilang minuto lamang at nasa harapan na niya ang Angkas driver.
“Angkas na po ma’am,” nakangiting sabi sa kaniya nito.
Sumakay na nga si Anna at nagsimula nang magpatakbo ito ng motorsiklo. Naging banayad lamang ang pagpapatakbo nito hanggang makarating sa tapat ng kanilang bahay. Hindi na siya pinabayaran nito. Mukhang alam na ni Anna ang pakay nito.
At hindi nga siya nagkamali. Halos araw-araw nagtetext sa kaniya si Fred. Nagkapalagayan ang kanilang loob. Lagi siya nitong inihahatid at sinusundo mula sa mga business transaction niya bilang isang insurance plan agent. Minsan ay nagkakuwentuhan sila sa isang coffee shop. Bukod sa pagiging Angkas driver ay may sariling kainan si Fred na pinamamahalaan ng kaniyang kapatid na babae.
Niligawan ni Fred si Anna at ilang buwan lamang, sinagot niya ito. Tumagal ng halos dalawang taon ang kanilang relasyon bilang magkasintahan hanggang sa magpasya silang ikasal. Pagkatapos ng kasalan, sa halip na kotse ang kanilang ginamit, sa motorsiklo ni Fred sumakay si Anna, dahil doon sila unang nagkakilala.