“Balut, penoy! Mani at sitsaron!” ang paulit-ulit na hiyaw ni Steve sa maghapon, hanggang sa siya ay abutin na ng dilim sa puwesto niyang iyon sa gilid ng kalsada. Isang masipag na padre de pamilya ang lalaking si Steve na nagtatrabaho, araw man o gabi, upang mabuhay ang kaniyang dalawang anak at ang asawa niyang umi-extra din naman ng paglalabada. Araw-araw ay tinitiis niya ang init, lamig, usok at alikabok na hindi birong kaniyang nalalanghap para lamang kumita ng pera. Ganoon pa man ay hindi nawawalan ng ngiti sa labi ni Steve habang siya ay nagtitinda sa bangketa. Kaya naman giliw na giliw ang kaniyang mga suki sa pagbili sa kaniya, lalo paʼt hinahaluan niya ng mga nakakatuwang biro ang kaniyang pagtitinda upang pagaanin na rin, kahit papaano, ang kaniyang trabaho.
Araw-araw ay nagbabaon ng pagkain si Steve at doon na siya sa kaniyang puwesto nanananghalian at naghahapunan. Ngunit may isang matandang lalaki na halos araw-araw ay hinahatian niya pa ng pagkain, kahit halos hindi pa sapat sa kaniya ang kaniyang baon.
“Kain po, lolo!” masayang alok na naman ni Steve sa matanda nang maupo na ito sa kadalasan nitong pinupuwestuhan, pagsapit ng alas singko ng hapon sa lugar na iyon.
“Naku, maraming salamat, apo,” ang nakangiti at palagi namang sagot ng naturang matanda kay Steve sa tuwing aalukin niya ito.
Ang gagawin ni Steve ay hahatiin niya ang baon niyang pagkain at ihihiwalay ang iba sa plastic. Pagkatapos ay ibibigay niya ang isang plato sa matanda at doon ito hahayaang kumain.
“Lolo, lagi ko pong napapansin na halos araw-araw din kayong dumadalaw sa lugar na ito simula pa po noong isang buwan. Sino po ba lagi ang hinihintay nʼyo? O mas tamang itanong na, may hinihintay po ba kayo?” takang pang-uusisa ni Steve sa matanda habang siya ay naghihintay ng susunod na bibili sa kaniyang mga paninda at kumakaing kasalo ito.
“Tama ka, apo. May hinihintay nga ako.” Magiliw naman ang naging sagot ni lolo habang sunod-unod na sumusubo ng ibinigay niyang pagkain dito.
“Sino naman po, ʼlo? ʼDi kaya, girlfriend nʼyo?” panunukso pa ni Steve dito na hindi naman niya akalaing sasang-ayunan din naman ng matanda.
“Tama ka na naman, apo. Girlfriend ko nga ang hinihintay ko,” sagot nito na bigla na lamang nalungkot ang tinig. “Sa totoo lang, limampung taon ko na siyang hinihintay sa puwestong ito mismo. Limampung taon na akong nangungulila sa kaniya,” ang maramdamin pang wika ng matanda sa kaniya.
“Po? Ang tagal-tagal na po, lolo!” bulalas ni Steve na napatigil pa sa pagkain.
Tumango-tango ang matanda. “Kasing edad mo ako noon, bente otso anyos, nang kami ay magkahiwalay ng aking nobya. Pinaghiwalay kasi kami ng aking mama at papa noon dahil siyaʼy galing lang sa mahirap na pamilya. Mayroon kaming usapang magtatanan kami at dito, sa mismong lugar na ito dapat kami magkikita sa eksaktong alas singko ng hapon… ngunit hindi siya sumipot. Doon ay nabalitaan ko na lang na siya pala ay binantaan ng aking mama na ipaliligpit kapag itinuloy ang pakikipagkita niya sa akin. Matapos iyon ay tinalikuran ko ang sarili kong pamilya at nagpakalayu-layo. Patuloy kong hinanap noon ang aking nobya, ngunit hindi ko na siya nakita pa. Kayaʼt ibinubos ko ang lahat ng aking oras sa pagpapayaman. Hindi na ako nag-asawa pa ng iba.”
“Wow! Mala-telenovela po pala ang kuwento ninyo ng girlfriend mo, lolo? Sana po, magkita kayong muli…” malungkot na nahiling ni Steve.
“Hindi na kami magkikita pa ritong muli, apo. Dahil sa huling balita ko ay matagal na rin pala siyang namayapa. Naghihintay lamang naman ako rito, dahil umaasa akong dito na rin ako aabutan ng kam*tayan. Ang hiling ko lang, sana ay makita ko ang anak namin at ang aking mga apo sa kaniya, dahil nabalitaan kong buntis pala siya nang mangyari ang mga bagay na iyon at walang dudang ako ang ama,” sagot pa ng matanda sabay dukot ng isang litrato ng isang babae sa bulsa ng kaniyang polo. Agad namang napatingin doon si Steve.
“S-siya po na ang girlfriend mo, lolo?” tila pinamutlaan si Steve nang mukha nang makilala ang babaeng nasa litrato.
“Oo, apo. Bakit?”
“S-siya po kasi ang lola ko, si Lodia Bonifacio,” pagpapatuloy pa ni Steve.
“I-ikaw ang apo ko?!” halos hindi makapaniwalang bulalas ng matanda. “Kaya pala magaan ang loob ko sa ʼyo!” biglang sumigla pang sabi nito sabay yapos nito sa kaniya.
Doon ay nagkaalamanan ang dalawa. Dinala ni Steve sa puntod ng kaniyang ina at lolang namayapa na ang matandang tinutulungan niya na kalaunan ay nalaman niyang sarili niya palang lolo.
Tila sila pinaglaruan ng tadhana dahil doon pa sila nagkita sa dating tagpuan ng kaniyang mga lola at lolo. Labis-labis ang tuwang kanilang naramdaman sa sobrang pagkasabik sa isaʼt isa.
Eksakto ang naging pagdating ni Steve sa buhay ni Lolo dahil balak na nitong ipamigay ang lahat ng kaniyang mga kayaman sa iba, dahil wala naman itong pamilya. Ngayon, ay siya tuloy ang magmamana ng lahat!
Ngunit bukod doon ay labis pa rin nag tuwa ni Steve, dahil nagkasama sila ng kaniyang lolo, kahit sa mga huling sandali sa buhay nito. Hinding-hindi malilimutan ni Steve ang pinakamagandang bahaging iyon ng kaniyang buhay. Hindi niya akalaing ang matandang kaniyang tinutulungan lang pala ang magbibigay ng swerte sa kaniya. Hindi lang sa aspetong pera, kundi pati na rin ang maranasan na magkaroon ng buong pamilya.