Inday TrendingInday Trending
Nakaw Na Pagkatao

Nakaw Na Pagkatao

Kilig na kilig si Tiara habang tutok na tutok sa kaniyang cellphone. Break time nila sa kaniyang part time job nang mga oras na iyon at ka-chat niya na naman ang kaniyang virtual boyfriend na si Ace. Nakilala niya ang binata sa facebook nang minsan ay naisipan mag-chat sa kaniyang mga suggested friends. Pagkatapos ay nag-reply ito at doon na nag-umpisa ang kanilang pag-uusap. Hindi na nagtagal pa ang ligawan ng dalawa, dahil matagal nang curious noon si Tiara kung ano ang pakiramdam na magkaroon ng nobyo. Ngayon nga ay magtatatlong buwan na sila.

“Babe, kailan ba tayo magkikita? Gusto na talaga kitang makita, e,” tanong ni Tiara noon habang nakangiti sa tapat ng kaniyang cellphone.

“Babe, alam mo namang malayo ako sa ʼyo ngayon, ʼdi ba? Pero kapag naka-graduate na ako, pupuntahan talaga kaagad kita. Ikaw ang unang-una kong hahanapin,” reply naman ni Ace sa kaniya na agad pang sinundan ng isa pang chat message. “Alam mo namang ikaw ang buhay ko, ʼdi ba? Sa ʼyo lang umiikot ang mundo ko.”

Halos mangisay naman sa sobrang kilig si Tiara sa kaniyang kinauupuan nang mga sandaling iyon. Alam na alam talaga ni Ace kung paano siya pakiligin nang husto, kaya mahal na mahal niya ito.

“Kaya mahal na mahal kita, babe, e! I love you!” sabi pa niya kay Ace.

“Siya nga pala, babe, may sahod mo na ngayon ʼdi ba? Babe, wala na kasi akong budget, e. Alam mo namang mahirap ang sitwasyon ko rito sa probinsya,” maya-maya ay pagsisingit ni Ace sa usapan nila.

“Oo, babe. Nakahanda na ang ipadadala kong pera diyan pang-allowance mo. Donʼt worry,” sagot naman ni Tiara. Medyo nadismaya pa siya nang hindi nito sagutin ang pagsasabi niya ng ‘I love you.’

“Talaga ba, babe? Salamat talaga nang marami, ha? I love you too!”

Napangiti na si Tiara nang mabasa ang reply ni Ace. Nagpatuloy sila sa pagcha-chat hanggang sa natapos na ang break time ni Tiara sa kaniyang part time job.

“Tiara, anong oras ang pasok mo sa school mamaya?” tanong ng manager ni Tiara sa kaniya.

“Mga three oʼclock po, maʼam, bakit po?”

“Hindi ka ba pʼwedeng mag-absent kahit ngayong araw? Balak kasi sana kitang i-extend ng eight hours imbes na four hours lang,” sabi pa ng kaniyang manager. Isa kasi siyang grade twelve student sa senior high school.

Hindi naman makatanggi si Tiara kaya naman um-oo na siya. Inabot na siya ng alas-otso ng gabi bago nakauwi at sarado na ang mga remittance centers kayaʼt hindi na niya naipadala pa kay Ace ang perang inilaan niya bilang pang-allowance sana nito.

Pag-uwi niya sa bahay ay kaagad niyang binuksan ang kaniyang cellphone upang tingnan ang mga chat ni Ace sa kaniya, at ganoon na lang ang naramdaman niyang panlulumo, nang mabasa na ang sunod-sunod na chat ni Ace sa kaniya.

“Babe, wait ko ʼyong padala mo, ha?”

“Babe, anong oras ka magpapadala sa akin ng pera?”

“Babe, bakit hindi ka nagre-reply? Out mo na sa work kanina pa.”

“Naiinis na ʼko!”

“Kanina pa ako hintay nang hintay sa ʼyo! Kung ayaw mong magpadala ng pera, dapat sinabi mo na kanina pa para naman hindi ako umaasa rito!”

“Bwisit! Sa ʼyo na ʼyang pera mo! Hindi naman kita totoong mahal, e. Marami akong babaeng pʼwedeng ligawan na hindi ako paaasahin!”

Ganoon na lamang ang hagulgol ni Tiara sa mga nabasang masasakit na salita mula sa nobyong minahal niya nang halos tatlong buwan. Pinadadalhan niya pa nga ito lagi ng pera, kalahati sa kaniyang kinikita!

Ngayon nga ay hindi na makapag-reply pa si Tiara kay Ace dahil naka-block na siya sa account nito. Sinubukan din niyang tawagan ang number nito ngunit hindi na ito sumasagot pa at nakapatay na ang telepono.

Sa kaniyang pagkadesperado ay naisipan niyang gumamit ng ibang account upang hanapin ang online boyfriend niyang si Ace—ngunit isang masakit na katotohanan pa ang mas lalong nakapagpalumo sa dalaga…

Natuklasan niya kasing hindi pala si Ace ang may-ari ng mga pictures na ginagamit nito sa fb kundi isang lalaking kasal na sa iba. Sa kaniya pang pag-iimbestiga ay isang babae ang tunay na may-ari ng account na iyon na ginawa lang nito upang manghuthot sa kapwa nitong babaeng madaling sasakay sa pang-uuto nito.

Isang malaking leksyon ang natutunan ni Tiara sa nangyaring iyon sa kaniya. Isang leksyon na alam niyang hindi lang siya ang unang nakaranas!

Nagkalat na ang mga manloloko ngayon kaya dapat ay mag-ingat ang lahat. Matuto munang mahalin ang sarili bago natin mahalin ang iba.

Advertisement