Sabay na naglalakad noon ang magkumareng Melanie at Glenda. Bitbit nila ang kanilang mga kinolektang pera mula sa paglalabada sa ibaʼt ibang kliyenteng tagaroon sa subdibisyong iyon. Nagyayabangan at nagpapataasan ng ihi ang dalawa tungkol sa kanilang mga kinita at kung gaano ka-satisfied ang kani-kanila ring mga kliyente sa trabaho, ngunit wala nga talaga yatang tatalo sa kayabangan ni Melanie.
“Aba ay malaki nga ang tip na nakuha ko ngayon. Doon sa isaʼy isang libo, doon naman sa kabila, limang daan. Sobrang ganda kasi talaga ng pagkakalaba ko,” sabi niya kay Glenda, kahit ang totoo ay wala naman siyang nakuhang tip. Ang pera kasing iniyayabang niya ay ang mga perang nakulimbat niya sa naiiwan sa mga pantalong pinalalabhan sa kaniya at hindi na niya isinauli pa.
“Ang lalaki namang mag-tip ng kliyente mo! Baka naman pʼwedeng makahingi ako ng isang kliyente, tutal, malaki ka naman kung kumita,” manghang pakiusap tuloy ni Glenda sa kaniya.
“Ay, hindi pwede. Ayaw ng mga iyon ng ibang labandera kundi ako lang. Baka magtampo pa sa akin kapag nag-refer ako ng iba.” May katarayan sa tinig ni Melanie.
Sa isip-isip tuloy ni Glenda… “Napakadamot naman nito!” na kulang na lamang ay harap-harapan niyang irapan.
Nanahimik na lamang si Glenda at nagpatuloy sa paglalakad sa tahimik na kalsada ng subdibisyong iyon para mabilis na siyang makauwi. Magluluto pa naman siya ng hapunan.
Habang naglalakad ang magkumareng Melanie at Glenda ay tila may napansin si Glenda sa gilid ng kalsadang dinadaanan nila. Isa iyong bag na itim na animo bago pa!
“Melanie, tingnan mo may bag, oh! Puntahan natin?” hiyaw ni Glenda.
Tila naman nanlaki ang mga mata ni Melanie. Kung puwede nga lang tumibok ang bulsa sa tuwing makakakita ng bago nitong makakasama ay baka nangyari na.
Agad na tinakbo ni Melanie ang naturang bag kayaʼt siya ang naunang humawak niyon!
“Melanie, buksan natin! Baka pera ang laman niyan!” excited na bulalas noon ni Glenda na agad namang inismiran ni Melanie.
“Ako na ang bahalang magbukas nito, tutal ako naman ang unang nakakuha, e,” sabi ni Melanie.
“Pero ako naman ang unang nakakita niyan!” hiyaw naman ni Glenda.
“E, kasalanan ko ba namang babagal-bagal ka? Basta, ako ang unang nakakuha nito, kaya sa akin na ito!” sabi pa ng sugapang si Melanie sabay karipas ng takbo at iniwan pa si Glenda sa kalsada.
Napailing na lang si Glenda at napasigaw ng… “Makarma ka sana!”
Kilalang suwapang at sugapa talaga si Melanie sa kanilang lugar. Sa kahit saang aspeto ay ganoon ang ugali nito. Kaya naman hindi na rin ipinagtaka ni Glenda ang inasal ng kaniyang kumare. Wala na rin siyang nagawa kundi ang pabayaan na lamang ang bag na iyon sa kamay nito.
Samantala, animo nasisiraan na ng bait si Melanie nang makauwi na siya ng bahay. Ini-lock niya pa ang pintuan bago niya inilapag sa mesa ang may kabigatan ding bag na nakuha niya sa kalsada. Ganoon na lamang ang pagmamadali niyang buksan ang naturang bag na sigurado siyang naglalaman ng swerte at mga pera.
“Beh, baka naman may may-ari niyan at dito sa atin hanapin, ha?” paalala ng mister ni Melanie sa kaniya.
“Wala ʼyan. Napakaduwag naman nito,” sagot naman ni Melanie habang patuloy sa pagbubukas ng naturang bag.
Lumipas pa ang ilang saglit at sa wakas ay nabuksan din ni Melanie ang naturang itim na bag!
Ngunit ganoon na lamang ang panlalaki ng kaniyang mga mata nang malaman kung ano talaga ang laman ng bag na kanilyang kinuha!
“Beh, bomba!” Sigaw ni Melanie sabay takbo sa kanilang pintuan! Ilang minuto na lang pala ang natitira at sasabog na ang bombang naiuwi niya sa kanilang tahanan!
Dali-daling lumabas ng bahay ang mag-asawa na medyo nahirapan pa sa pagbubukas ng pintuan dahil ini-lock pa iyon ni Melanie kanina pagkapasok niya!
Eksaktong nakalayo na sila ng bahay nang bigla na lamang silang makarinig ng napakalakas na pagsabog… at nang lingunin nila ang kanilang tahanan ay ganoon na lamang ang kanilang panlulumo! Giba ang kanilang tahanan!
Labis na pagsisisi ang naramdaman ni Melanie. Sinisisi rin niya ang sarili sa nangyari. Isang napakalaking leksyon ang kaniyang natutunan matapos ang nangyaring pagsabog ng bombang na naging dahilan kung bakit natutulog muna sila ngayon sa gibang bahay nila!