Inday TrendingInday Trending
Ang Bato

Ang Bato

Halos anim na taong gulang na noon si Divine nang mag-asawang muli ang kaniyang nanay. Kahit ilang beses na pinaliwanag ito sa kaniya ng ina ay hindi niya matangap na may bago sa kanilang pamilya.

“Anak, this is Jewell, anak siya ni Tito Rico mo at magiging little sister mo na siya,” pakilala ni Amanda, ang nanay ni Divine.

“Hello,” maiksing bati ni Jewell sa kaniya na noon ay nasa tatlong taong gulang lamang.

Hindi sumagot ang batang si Divine sa kaniyang ina at umakyat na lamang siya sa kwarto. Doon nagmukmok at umiyak sa kaniyang mga unat at kumot.

“Hinding-hindi ko sila ituturing na pamilya. Hinding-hindi kita papalitan, papa,” hagulgol niya sa litrato ng kanyang ama. Pumanaw ang kaniyang tatay noong siya ay nasa tatlong taong gulang pa lamang. Sakit sa atay ang naging sanhi ng pagkawala nito ng maaga. Hindi man niya naiitindihan ang lahat ngunit alam niyang hindi na niya makakasama pa ang ama lalo na noong inilibing na ang katawan nito sa ilalim ng lupa.

Naging mapusok si Divine sa bagong asawa ng kaniyang nanay na si Rico. Puro pagdadabog at galit ang pinapakita niya.

“Ate, manika ko ‘yan,” saad ni Jewell saka ito umiyak ng umiyak.

“Walang iyo sa bahay na ‘to. Sampid lang kayo ng tatay mo! Kaya wag na wag mo akong matawag-tawag na ate!” sigaw pa ni Divine sa bata saka nito binali ang leeg ng manikang laruan ni Jewell at tinapak-tapakan ito.

Hindi na nagbago pa ang turing ni Divine kay Jewell hanggang sa lumaki sila at nakapagpakasal sina Amanda at Rico. Mas lalo lang tumindi ang galit niya sa kaniyang ina at kay Rico kaya naman binabaling niya ang lahat ng ito kay Jewell.

Parehas na sila noong pumapasok ng elementarya, katulad ng dati ay palagi niyang tinutulak ang kapatid para madapa ito.

“Ate, tinulak mo na naman ako. Pagagalitan na naman ako ni mama sa maduming uniform ko,” reklamo ni Jewell na noon ay nasa grade 4 na rin.

“Lampa at b*bo ka kasi! Bakit ba hindi na lang kayo mawala sa buhay namin? Bakit kaya hindi kayo mamat*y? Mamat*y ka na, Jewell!” baling naman ni Divine sa kaniya.

“Ate, bakit ba galit na galit ka na naman sa’kin? Wala naman akong ginagawa sa’yo,” naiiyak na saad ni Jewell.

“Ikaw ba, Jewell, hindi ka nagagalit sa akin? Na inagaw ko ang papa mo, na mas love na niya ang mama ko kaysa sa’yo? Hindi ka ba nagagalit sa tuwing aawayin at sasaktan kita, ha!?” sigaw ni Divine sa kapatid.

“Hindi ate, kasi mahal kita. Masaya ako na may bagong family kami ni papa at kayo ‘yun,” sagot ni Jewell sa kaniya.

“Pwes ako hindi!” bulyaw pang muli ni Divine at malakas na itinulak ang kapatid sa lupa. Sa hindi naman inaasahang pagkakataon ay tumama ang ulo ni Jewell sa isang bato na siyang naging sanhi nang pagkawala ng malay nito.

Mabilis na isinugod sa ospital ang bata.

“Masaya ka na ba, Divine? Ngayon na napahamak na ang kapatid mo, masaya ka na ba?” galit na saad ni Amanda sa kaniyang anak habang mahigpit ang hawak nito sa kaniyang braso. Nakaramdam ng sakit si Divine at mabilis na pumatak ang kaniyang luha.

“Mommy, tama na. Alam kong hindi sinasadya ni Divine na mapahamak si Jewell. Huwag mong saktan ang anak natin,” pahayag naman ni Rico at mabilis na pinunasan ang mga luha ni Divine.

Hindi maintindihan ni Divine ang mararamdaman ng mga oras na ‘yun. Hindi tumitigil ang patak ng mga luha sa kaniyang mga mata, parang sasabog ang kaniyang dibdib. Hindi siya nagsalita kahit saglit, hinayaan lamang niya ang kaniyang mga luha na pumatak sa mga braso ni Rico. Binuhat siya ng amain katulad nga paano siya binubuhat ng kaniyang tunay na ama rati.

“Ibaba niyo na po ako,” pahayag ni Divine sa kaniya. Hinatid siya ni Rico sa bahay.

“Dito ka na muna, Divine, ha. Kami na ang bahala magbantay kay Jewell. Magpahinga ka na lang muna,” wika ni Rico sa kaniya.

Hindi na sumagot pa ang bata at tumango na lamang ito. Magkahalong lungkot at kaba ang nararamdaman ngayon ni Divine. Malala kasi ang pagkabagok ni Jewell at wala pa rin daw malay ang kapatid niya.

Naiwan siyang mag-isa ngayon sa bahay kaya naman naisipan niyang tignan ang kwarto ni Jewell. Naagaw ang atensyon niya sa isang garapon na puno ng bato. Binuksan niya ito at napaiyak na lamang sa kaniyang nakita.

“Binigyan ako ni ate ngayon ng ice candy. Mahal ko si ate,” nakasulat sa isang bato at marami pang iba na hindi naman niya akalain na tumatak pala sa bunsong kapatid.

Dinala niya ito sa ospital nang mabalitaan na nagkamalay na raw ang kapatid.

“Jewell, bakit sinulat mo ang lahat ng ito sa mga bato? Saka bakit hindi mo sinusulat ‘yung mga pang-aaway ko sa’yo?” tanong ni Divine sa kapatid.

“Sinusulat ko naman, ate, pero sa lupa ko lang sinusulat para kapag umulan ay mawawala rin tapos makakalimutan ko na kapag wala na. Pero ‘yung mga good deeds mo ay hindi ko makakalimutan kasi sa stone ko na isinulat. Habang buhay na siyang nakatatak sa isip at sa puso ko,” sagot sa kaniya ni Jewell.

“Bakit ka ganyan? Hindi ka ba nagagalit sa akin? Sa dami ng ginawa ko sa’yong masasama ay mabait ka pa rin sa’kin,” naiiyak na wika ni Divine.

“Hindi, ate, kasi love kita. Love na love ko kayo ni mama, super happy ako na magkaroon ng mama ulit at may bonus pang ate na katulad mo. Hindi ka naman laging bad sa akin, kaya nga sinusulat ko siya sa stone para kapag inaaway mo ako o magtatampo ako sa’yo kukuhanin ko lang po ‘yan para maalalang love mo rin naman ako,” sagot ni Jewell.

Dito na tuluyang bumagsak ang mga luha ni Divine at nakapagpatawad ang kaniyang puso. Ngayon niya nakita na ginagawa ng lahat ang kanilang makakaya para mahalin siya ngunit siya ang naging matigas kaya siya ang nasasaktan. Ngayon lamang din niya nakita na hindi naman pala pilit pinapalitan ni Rico ang namayapa niyang ama kung ‘di minamahal din siya nito na parang totoong anak niya. Walang kinuha sa kaniya, walang inagaw. Humingi siya ng tawad at ngayon ay mas naging maayos ang pagsasama nilang lahat.

Advertisement