Nagkakilala ang mga tatlong magkakaibigan na sina Tommy, Alice at Sandra sa dinarayong tapsilugan sa Kanto ng Kwatro Singko. Kahit si Tommy ang nag-iisang lalaki sa grupo ay nakakasundo naman niya ang dalawang babae. Una niyang nakilala si Alice sa nasabing kainan, sumunod naman ang matalik nitong kaibigan na si Sandra. Malapit na ang loob nila sa isa’t isa ni Alice bago pa nito ipinakilala sa kanya ang kaibigang si Sandra, kaya naman masasabing si Alice ang natipuhan niya sa dalawa. Isa rin ang paborito nilang tapsilog na masasabing naglapit sa kanilang tatlo dahil sa kakaibang lasa at sarap niyon.
“Ano, nabusog ba kayo? Wala talagang kupas ang tapsilog dito kay Aling Nena di ba?” tanong ni Tommy sa dalawang kasama.
“Sinabi mo pa! Dito na yata matatagpuan ang pinakamasarap na tapsilog na natikman ko sa buong buhay ko,” tugon ni Sandra.
“Kaya nga gusto kong araw-araw na kumakain dito e. Kahit araw-arawin ko ang silog ayos lang basta luto ni Manang,” saad naman ni Alice.
Paborito talaga nilang gawing tambayan ang tapsilugan ni Aling Nena ngunit isang araw nang yayain ni Tommy ang mga kaibigan roon ay hindi niya inasahan na hindi makakarating si Alice, dahil may trangkaso raw ito. Nakaramdam ng lungkot ang binata nang mabasa ang text ng dalaga na hindi ito makakasama ngunit alam niya na darating pa rin si Sandra upang samahan siya. Habang naghihintay sa waiting shed kung saan sila dapat magkikitang tatlo ay hindi niya namalayan na ubos na pala ang iniinom niyang kape. Nabitin siya sa sarap ng biniling kape sa katapat na coffee shop kaya tumayo siya at akmang bibili ulit nang biglang may dumating at binati siya.
“Pasensya, na traffic lang.” nakangiting sabi ni Sandra at tila hapong-hapo pa. “Kumain ka na ba? tara na sa tapsilugan ni Aling Nena at ginutom ako sa biyahe,” sabi pa nito.
Ngumiti lang ang binata at sinabihan ang dalaga na humigop muna ng mainit na kape.
“Magkape ka muna, Sandra. Ako ang taya kaya pumili ka na. Anong klaseng kape ang gusto mong inumin?” tanong ni Tommy.
“Naku, kakatapos ko lang uminom ng kape sa bahay. Huwag ka na mag-abala. Halika na at nagugutom na ako,” nagmamadaling yaya nito.
Ilang minuto lang ay narating din nila ang tapsilugan. Agad silang umorder ng paborito nilang tapsilog at sabay na kumain. Habang kumakain ay napansin ni Tommy ang kaliwang pulso ni Sandra. Isang bagay na katulad din ng sa kanya. Mayroon din itong hiwa sa pulso. Palagi kasing nakasuot ng mahabang manggas ang dalaga kaya noon ay hindi niya ito napapansin ngunit ngayon ay hindi nakaligtas sa kanyang paningin dahil nakasuot si Sandra ng bestida na walang manggas.
“‘T-teka ano iyang nasa pulso mo, bakit? Bakit mo ginawa?” tanong ni Tommy sa dalaga.
Napatigil si Sandra sa pagkain at tiningnan siya, sabay ngumiti at sinimulan ang kwento. Sa pag ku-kwento ng dalaga, hindi niya inakala na tatamaan siya. Narinig niya ang kwentong katulad din ng sa kanya, kwentong hindi hindi niya akalain na pareho sila. Pareho silang nagkaroon noon ng matinding problema na halos lamunin sila ng buo, na akala nila ay wala nang pag-asa kaya pareho nilang pinagtangkaang wakasan ang sariling buhay ngunit napagtanto nila na may mga dahilan pa pala para mabuhay sa mundo. Sa kanilang paglalabas ng kanilang mga nasa loob ay saglit na bumalik sa kanilang alaala ang mga kamaliang nagawa nila noon pero sa pagkakataong iyon ay sabay rin nilang isinara ang parte ng nakaraan na minsan na sila ay naging marupok at sa halip ay nagkasundo na tuluyan ng kalimutan ang madilim nilang pinagdaanan.
Matapos ang masinsinang pag-uusap ay nagbalik sina Tommy at Sandra sa kanilang kulitan at harutan pagkatapos malaman ang mga hinanakit ng bawa’t isa.
“Mangako tayo sa isa’t isa na hindi mangyayari ang ginawa nating iyon. Tuloy ang buhay pa rin sa atin,” masayang sabi ni Tommy.
“Tama ka diyan kaya ikain na lang natin iyan,” sagot naman ni Sandra.
Pagkatapos nilang kumain ay hindi nila napansin na magkahawak na pala ang kanilang mga kamay. Hinayaan ng dalawa na dalhin sila ng kanilang mga paa kung saan nito gustong pumunta, at lahat ng iyon ay nangyari lang ng isang araw. Ngunit ang isang araw ay naging araw-araw dahil mula ng makilala ng lubos nina Tommy at Sandra ang isa’t isa ay mas lalo silang naging malapit na magkaibigan hanggang sa nagtulu-tuloy sa pag-iibigan.
Hindi inasahan ni Tommy na ang kanya palang makakatuluyan ay ang kaibigan ng kanyang unang babaeng hinangaan. Nang malaman ni Alice ang tungkol sa relasyon ng dalawang kaibigan ay naging masaya ito para sa kanila. Ang dalaga pa ang naging maid of honor sa kanilang pag-iisang dibdib.
“Binabati ko kayo Tommy, Sandra! Mahal ko kayong mga kaibigan ko. Hangad ko ang inyong kaligayahan!” masayang wika ni Alice sa bagong kasal.
Ang pag-ibig ay sadyang makapangyarihan. Pinaglapit nito ang dalawang puso na may madilim na pinagdaanan na naging tulay para pag-isahin ng tadhana na magsama habang buhay.