
Sasali Ka sa Frat?
Nasa huling taon na ng kolehiyo si Carl. Kumukuha siya ng kursong Engineering. Sa totoo lang ay di niya alam kung paano siya nakaabot pa sa ganito dahil puro siya bulakbol. Ang daddy niya ay seaman habang ang mommy niya naman ay isang housewife. Mayroon siyang isang kapatid na lalaki, si Lembert.
Close sila noon pero nang tumungtong siya ng highschool ay lumayo na ang loob niya rito. Nagkaroon na kasi siya ng barkada na halos lahat ay di magandang impluwensya. Pero syempre, bulag siya sa katotohanang iyon. Ang nasa isip niya ay napaka-pakialamero ni Lembert dahil lahat ng malaman nito tungkol sa kanya ay nakakarating sa kanilang magulang.
“Hoy, tandaan mo. Kuya mo pa rin ako. Wag na wag kang gagawa ng ikagagalit ko, itahimik mo nalang yang bibig mo at pakialaman mo ang buhay mo.” banta niya rito isang umaga.
Iisa lang kasi ang kwarto nilang dalawa bagamat magkahiwalay ang kama.
“Kuya, ayaw ko lang namang mapasama ka sa mga-“
“Hindi ikaw ang magsasabi ng ayaw at gusto mo sa buhay ko. Gusto mo basagin ko ‘tong salamin mo?!” naaasar nang wika niya.
Tinabig niya pa ang suot nitong salamin sa mata. Tapos noon ay padabog na lumabas na siya ng kwarto. Naiwan ang kanyang kapatid na hirap na hirap kapain ang salamin sa sahig, malabo kasi ang paningin nito. Kabaligtaran kasi niya, pala-aral si Lembert at masunurin sa kanilang magulang.
“Sabi ko naman sayo ‘tol. Ituloy na natin yung plano. Kilala tayo rito sa campus.. maraming natatakot sa atin. Bakit di pa natin gawing opisyal diba?” sabi ng kaibigan niyang si Jim isang hapon. Nakatambay sila sa bilyaran at abalang naghihithit ng sigarilyo. Nag-cut sila ng klase kasi nakakatamad namang pumasok.
“Ano na naman ba?” asik niya rito. Talo kasi siya sa pustahan sa bilyar kaya mainit ang ulo niya.
“Yo..chill ka lang. Tingnan mo, kung bubuo tayo ng samahan edi opisyal na tayo. Marami kayang gustong sumali satin kasi pag tayo raw ang kasama ay siguradong di sila maaapi. Parang brotherhood ganyan, kapatiran.”
“Fr*t ba yang tinutukoy mo?” tanong niya.
“Oo.. parang ganoon na nga. Kumbaga may initiation, yung may pagsubok muna sa mga gustong sumali para matingnan kung gaano sila ka-determinadong maging miyembro. Pag chicks, pwede nating utusan ng kahit na ano. Pag naman lalaki, edi pwede nating saktan.. bugbugin. Ilabas mo sa kanila iyang galit mo. Init ng ulo mo lagi eh,” natatawang sabi nito.
Tiningnan lamang ni Carl pero sa totoo lang ay parang gusto niya ang ideyang iyon. Kinabukasan ay agad nilang ipinakalat sa unibersidad, bukod syempre sa mga guro, na mayroon na silang samahan at kausapin lamang sila kung may nais sumali.
Di nagtagal ay dumami nang dumami ang kasapi. Masaya si Carl, feeling niya kasi ay boss siya dahil mas lalo siyang nirespeto ngayon ng mga kapwa estudyante. Alam ng mga ito na di siya pwedeng kantiin dahil may mga ‘brothers’ siyang baback-up sa kanya kung sakali.
Makalipas ang ilan pang Linggo, masaya silang nakatambay ng kanyang mga kasama nang bulungan siya ng isa.
“Bro, mamayang 6pm may initiation tayo.”
“Meron pa ba?” kunot noong tanong niya. Akala niya ay natapos na ang initiation noon isang Linggo. Bale ba ay wala siya sa mood ngayon dahil di dinagdagan ng mommy niya ang kanyang allowance.
“Oo bro. Mga bago ‘to, mga freshmen eh. Natatawa nga ako kasi nangangatog pa yung isa.”
Natawa rin si Carl, mukhang magiging masaya ito. Karamihan kasi sa mga kasapi ay higher year na. Ngayon lang nangyari na may sumaling first year- sa pagkakaalam niya kasi ay duwag pa ang mga ito.
“Ihanda mo yung baseball bat ko.” utos niya sa isa.
Ilang oras ang mabilis na lumipas. Dinala nila sa apartment ng isa sa mga kasapi ang mga nais sumali. Wala ang magulang kaya sila lamang ang tao.
Huli nang dumating si Carl dahil marami pang seremonyas, final blow pa naman siya eh. Ibig sabihin, siya ang pinaka-last na pagsubok at siya ang magdedesisyon kung magiging kasapi o hindi.
“Piniringan ninyo na?” tanong niya sa isa pagdating niya sa apartment.
“Yes boss. Nasa kwarto po, pinaharap ko sa pader at mga nakaluhod.”
“Good.” wika niya. Pumasok na siya, patay ang ilaw.
Di pa man din siya nangangalahati ay sumuko na ang tatlo. Pinagpapaltukan na lamang ng mga kasapi ang mga ito tapos ay pinauwi na.
Napangisi si Carl dahil isa na lamang ang natira at mukhang matibay ito.
Nararamdaman niyang napapaigik ito bawat suntok niya pero pilit na tinitigasan ang sikmura.
Ewan ba niya, pakiramdam niya ay hinahamon siya nito dahil kahit na anong gawin niya ay di talaga tumutumba. Kinuha niya ang baseball bat at pinaghahampas ang likod nito.
“B-Boss parang sobra na yata.” pigil sa kanya ng isang member.
“Wag mo kong pakialaman.” matapang na sabi niya. Kahit na madilim ay naramdaman nito ang mapanganib niyang tingin kaya di na ito kumibo pa.
Sa wakas, tumumba rin ang lalaki.
“Congratulations, you passed the initiation.” hinihingal na sabi niya. “Buksan ninyo na ang ilaw. Welcome to the family bro-” hindi niya na natapos ang sasabihin nang mamukhaan ang duguang lalaki na nakahandusay.
“L-Lembert?!”
Dali-dali niya itong nilapitan, ang lakas lakas ng tibok ng puso niya. Put*ang ina!
“Kuya..” wika nito. Hirap na hirap magsalita dahil sumusuka ng dugo. Maga ang mga mata at halos di na makadilat pa. Kulay ube na rin ang buong katawan nito dahil sa sobrang bugbog.
Tinapik niya ang pisngi ng kapatid, “Wag kang matutulog! Gising ka lang Lembert!” binalingan niya ang mga kasama na noon ay tulala na, “Mga k*pal kayo bakit hindi ninyo sinabi sa akin na kapatid ko ang sasali?!”
“B-Bro sabi niya kasi alam mo na eh. At ito raw ang paraan niya para magkalapit ulit kayo. Mahal ka raw niya, akala namin matutuwa ka-”
“Ta*ngina ninyong lahat!” umiiyak nang sabi niya.
Ilang sandali lang ay hinigit ni Lembert ang hininga.. tapos lumupaypay na ito. Nang kapain ni Carl ay di na tumitibok ang puso ng kapatid.
“Lembert! Gising! Tumawag kayo ng ambulansya!” hiyaw niya.
Kumilos ang mga kasapi pero hindi upang tumawag ng ambulansya kundi para tumakas. Alam nilang nalagutan na ng hininga ang binata at ayaw nilang makulong.
Tuliro si Carl na binitbit sa labas si Lembert pero wala na, di na ito inabot pa sa ospital.
Makalipas ang isang Linggo ay inilibing na rin ito. Habang lumulubog ang ataul nito sa lupa ay napaluhod siya. Kasalanan niya lahat.
Umiiyak ang kanyang mga magulang at nahimatay pa ang mommy niya. Nang humupa na ang lahat ay nilingon ni Carl ang pulis, kusa niya nang iniabot ang braso rito upang ma-posasan.
Umamin siya sa lahat ng kasalanan. Makuha man ni Lembert ang katarungan- hindi na maibabalik pa ang buhay nito. At hindi mapapatawad ni Carl ang kanyang sarili,dahil alam niyang ginawa ni Lembert iyon para lang mapalapit sa kanya.