Inday TrendingInday Trending
Ayoko Sa’yo Mommy

Ayoko Sa’yo Mommy

Bago lumabas ng kwarto ay muling humarap sa salamin si Chel. Dinoble niya ang lagay ng pulang-pulang lipstick sa kanyang mga labi. Hinila niya pababa ang suot na sando para siguradong kita ang kanyang cleavage, sobra rin ang iksi ng suot niyang palda. Iyong tipong kapag yumuko siya ay makikita na ang kanyang kaluluwa.

Hindi aakalaing disi-otso anyos pa lamang siya. Binasa niya ang text ng kaibigang si Janine, kanina pa raw nasa tapat ng gate nila ang kotse nito. Tinawagan niya ang dalaga.

“Hello? Ano na girl? Tutubuan na ako ng ugat rito! Nasaan kana ba?” naiinip nang wika nito.

“Eto na palabas na. Hinintay ko pa kasing matulog si Mommy para wala nang pali-paliwanag. Alam mo namang epal ‘yun diba?” sabi niya. Bitbit niya na ang maliit na bag, nakalabas siya sa kwarto nang hindi nakakagawa ng ingay.

Masaya siyang bumaba ng hagdan at akmang bubuksan niya na ang pinto sa salas nang maramdaman niyang may tao sa likod niya.

“Sh*t.” nasambit niya nalang.

“Why? Ano ang nangyari?” tanong ni Janine sa kabilang linya.

“Basta hintayin mo nalang ako dyan. Sige na, bye.” sabi niya, tinapos na ang tawag. Unti-unti siyang lumingon- naroon ang kanyang ina.

“Saan ka pupunta Chel?” tanong nito.

Umirap ang dalaga. “Party, with my friends.”

“Anak delikado. Sigurado namang alam mo na ala una na ng madaling araw hindi ba? Kung naghihintay sa labas ang kaibigan mo pwede mo naman siyang papasukin. Pwede naman kayong magsleep-over nalang rito sa bahay. Atleast panatag akong ligtas kayo-“

“Hindi na ako bata okay?!” hindi na nakapagtimping sabi ni Chel.

Nagulat naman ang ginang sa kanyang reaksyon. Palagi niya itong sinasagot at pinagsasalitaan ng masakit pero this time, dumoble ang epekto noon dahil sumisigaw na rin ang dalaga.

“Nag-aalala lang naman ako sayo.” sagot nalang ng ginang.

“Tigilan mo na nga yang kaartehan mo. Wala akong pakialam sayo kaya sana, wag mo na rin akong pakialaman. Kaya ka siguro iniwan ni Daddy, masyado kang kati-katera.” matabil na wika niya.

Totoo iyon, ayon sa kwento ng kanyang mga tiyahin ay sanggol pa lamang siya nang maghiwalay ang kanyang mga magulang. Ang sabi raw, sumama sa iba ang kanyang ama. Aba hindi niya ito masisisi. Kahit naman siya siguro, mas gusto nalang makisama sa iba kaysa matagalan ang mommy niya.

Ewan niya ba kung bakit ang init ng dugo niya sa babae mula nang mag-dalaga siya. Sinusubukan naman nitong mapalapit sa kanya pero sadyang matigas ang puso ni Chel. Nakatatak sa isip niya na kasalanan nito kung bakit wala siyang ama ngayon.

Kaya heto siya, todo sa pagre-rebelde.

“O ano? Hindi ka nakasagot? Kasi totoo! Ni hindi ko nakilala ang daddy ko dahil di niya na kinaya ang ugali mo!” dagdag niya pa.

Palabas na sana siya nang magsalita ang babae, “K-Kung.. kung gusto mong makilala ang daddy mo hindi ko naman iaalis sa iyo ang bagay na iyon. Wag kang mag alala bukas na bukas rin-“

“Gawin mo nalang! Hindi ako uuwi rito hanggang wala siya. Sana nga totoo yang sinasabi mo kasi sawang sawa na ko rito. Sasama na ako sa kanya.” iyon lang at nagmartsa na siya palabas. Padabog niya pang isinara ang pinto.

Magdamag na naglasing at nag-party si Chel. Sa bahay ng kaibigan siya nakatulog dahil balak niyang totohanin ang mga binitiwang salita sa ina. Tanghali na siya nagising at masakit pa ang ulo dahil sa hang over.

Napaismid siya nang magring ang kanyang cellphone.

“Anak, nasaan ka?” boses ng kanyang ina. Nang sulyapan niya ang oras ay malapit na palang mag alas dos ng hapon.

“Hindi ako uuwi, wala kang pake kung nasaan ako. Basta gawin mo yung usapan natin.” matigas na sagot niya.

Narinig niyang bumuntong hininga ang ginang sa kabilang linya bago nagsalita, “Pumunta ka rito..” sinabi nito ang pangalan ng isang restaurant.”Nandito ang daddy mo.”

“Ano?!” di makapaniwalang tanong ni Chel. Sa sobrang excited niya ay tinapos na agad ang tawag. Gustung-gusto niyang makilala ang kanyang ama. Tiyak niyang magkakasundo sila kasi pareho na nilang iiwan ang walang kwenta niyang nanay.

Nanghiram siya ng damit sa kaibigan tapos ay sumakay na ng taxi papunta sa restaurant. Nasa pinto palang siya ay nakita niya na ang ginang, kinawayan siya nito. Nakaupo sa tapat ng babae ang isang lalaking nakatalikod sa kanya.

“Daddy..” bulong ni Chel.

Lumingon ito, walang duda. Ito nga ang kanyang ama! Kamukhang-kamukha niya!

“K-Kumusta ka anak?” di makatingin ng diretso na wika nito.

Niyakap niya ang lalaki, “Ano ka po ba daddy! Wag kang mailang! Hindi ako galit sa pang-iiwan mo. Ang mahalaga po ay binalikan mo ako! At.. at kukunin mo na ako diba?” dire-diretso niyang tanong.

Tahimik lang namang nakikinig ang kanyang ina.

“Umupo muna siguro tayo anak,” sabi ng lalaki. Sinunod niya naman ito. Lumapit sa kanila ang waiter pero ni hindi na siya nag-abalang umorder. Nais niya nang makausap ito at maitanong kung dapat na ba siyang mag-empake.

“G-Ganito kasi yan..” lumingon ang lalaki sa kanyang ina at parang itinatanong pa kung ano ang pangalan niya.

“Chel.” bulong naman ng babae.

Tumango ang kanyang ama tapos ay nagtuloy sa pagsasalita, “C-Chel anak. Ganito kasi yan. Matagal na kaming hiwalay ng mommy mo at sa kanya kana. Bukod doon, may.. may pamilya na rin kasi akong iba at hindi na kita kayang buhayin pa kung dadagdag ka sa amin.”

Hindi makapaniwalang napanganga ang dalaga. Diyos ko, ni hindi alam ng lalaking ito ang pangalan niya.

“Ibig mong sabihin, hindi mo ako kukunin? Bakit ka pa nagpakita?”

“Dahil sabi ng mommy mo, gusto mo raw akong makilala-Chel!” hindi na natapos pa ng lalaki ang sasabihin dahil tumayo ang dalaga at nagtatakbo palabas.

Hilam ng luha ang kanyang mga mata. Pakiramdam niya ay walang kwenta ang buhay niya, nanay niyang pakialamera at tatay niyang walang amor sa kanya. Ang galing!

Sa sobrang apaw ng emosyon ay dire-diretso lang ang dalaga, di nya napansin na nasa highway na pala siya at may rumaragasang kotse ang papalapit sa kanya ngayon. Napalingon na lang siya sa maingay na busina.

Tinanggap niya na ang kapalaran pero nagulat na lamang siya dahil imbes na matinding sakit ang naramdaman, kapirasong galos lang. Tumilapon siya sa gilid ng kalsada sanhi ng isang malakas na pagtulak.

BLAG!

Kasunod ay nagsigawan ang mga tao, “Nabangga ang ale!”

Nang lumingon siya ay naroon ang kanyang nakahandusay na ina. Sinundan pala siya nito at upang di siya mabangga ay itinulak siya sa kabilang panig. Ibinuwis ang buhay para sa kanya.

Duguan itong binitbit sa emergency room, agaw buhay. Nangangatog ang kalamnan ni Chel habang minamasdan ang doktor na pilit itong nire-revive.

Napalingon siya sa kanyang ama na naroon rin, lumuluha ang lalaki. Grabeng iyak, yumuyugyog ang mga balikat.

Nang mapansin nitong nakatingin siya ay pinahid nito ang luha at hinawakan ang kanyang mga kamay.

“A-Alam mo mabuting tao ang mommy mo, hindi siya karapat-dapat na magdusa ng ganito. Kung meron man ditong dapat na pinarurusahan, ako iyon.

Sa matagal na panahon ay naduwag ako. Nililinis ko ang pangalan ko sa ibang tao kahit na ang totoo ay ako naman talaga ang nagloko. Kailangan mo nang malaman ang katotohanan anak. Kahit ito man lang, ayaw kong ipagkait sa nanay mo.

Sobrang babaero ko noon..pero palagi niya akong tinatanggap. Hanggang isang araw, nakabuntis ako ng iba. Matapos manganak ng babae ay nagbaril siya sa sarili dahil.. dahil nalaman niyang kabit lang siya. Hindi ko malaman ang gagawin ko sa sanggol kaya umuwi ako sa bahay, bitbit ko ang baby.

Kahit na bunga ng pagtataksil, tinanggap iyon ng mommy mo. Ang sanggol na iyon ay..ikaw anak.”

Laglag ang panga ni Chel.

“Pero di pa rin ako nahinto, ginago ko pa rin siya at sumama sa iba. Hanggang magkaroon na nga ako ng ibang pamilya. Sa kabila noon anak hindi ka niya inabandona. Inaruga ka pa nga na parang sarili niyang dugo at laman. Diyos ko, hindi ko mapapatawad ang sarili ko pag may nangyaring masama kay Cheryl. Wala siyang ipinakitang masama sa akin kahit na kailan..” humahagulgol na wika nito.

Sinabayan na rin ito ni Chel ng iyak. Kung hindi pala dahil sa kanyang ‘ina’ ay baka nasa lansangan siya ngayon. Kung tutuusin pwede na siyang pabayaan nito dahil siya ang buhay na alaala ng pananakit ng kanyang ama sa damdamin nito.

Pero mabuti ang babae, mas pinili ang buhayin siya.

Lumapit siya sa ginang at hinawakan ang kamay nito.

“Patawarin ninyo po ako! Diyos ko, patawarin ninyo ako..mommy..” yumuyugyog ang balikat na wika niya.

Tahimik siyang nanalangin sa isang gilid at tila nakita naman ng Diyos ang kanyang pagsisisi. Pinagbigyan siya nito, nailigtas ang kanyang ina.

Matamis na ngiti ang isinalubong ni Chel nang magising ito ilang araw ang nakalipas.

“Ma, magsimula tayo ulit.”

Sa mga salitang iyon ay kalakip ang pangako na hinding hindi niya sasayangin ang ikalawang pagkakataong ibinigay ng Diyos. Ipapakita niya kung gaano niya kamahal ang kanyang mommy. Hindi niya man ito ka-dugo, sa puso niya ay ito ang kanyang tunay na ina.

Advertisement