Labing apat na taong gulang na si Erol pero kung sa unang tingin ay hindi halata iyon. May sakit kasi sa buto ang bata dahilan para magmukha siyang maliit. Baluktot ang kanyang mga payat na braso, naka-tabingi ang kanyang ulo at ang mga binti naman ay hindi rin tuwid. Hindi niya nagagawang tumayo. Buti nga at nagkaroon sila ng may kayang kapitbahay noon na nang mag-migrate sa Amerika at ibinigay na lamang sa kanya ang wheelchair ng lola na hindi na gagamitin.
Laking tuwa ng bata, magagawa niya na kasing manood sa ibang batang naglalaro sa labas na hindi nahihirapan ang kanyang nanay.
Naaawa na kasi siya rito, iniwan na nga ng asawa, ang hirap na nga ng buhay, nagkaroon pa ng anak na abnormal. Alam niya naman iyon, kahit pa paulit-ulit sabihin ng ginang na wag niyang iisipin ang ganoon ay hindi naman siya t*nga. Bukas na bukas ang mga mata niya na isa siya sa nagpapabigat sa dalahin ng babae.
Dalawa lamang silang magkapatid, siya ang bunso at ang kuya Alpen niya naman ay palaging wala sa bahay. Ewan niya kung nasaan ito. Hindi naman rin kasi sila close, sinubukan niya pero sadyang tahimik ang binata. Kapag nasa bahay ito ay parang wala rin. Para lang siyang hangin na dinadaan-daanan nito.
“Sige pa ‘toy! 1, 2, 3!” sabi ng isang binatilyo, ipinasa ang bola ng basketball sa mas nakababata nitong kapatid.
Nakangiti namang napapalakpak si Erol. Shoot kasi! Nakasanayan niya nang tumambay rito sa court, malapit lang rin kasi ang kanilang bahay. Kadalasan ay makikiusap na lang siya sa mga kapitbahay na itulak ang kanyang wheelchair.
“Ay sus ang anak ko. Mag-meryenda ka muna,”
Napalingon siya sa boses na iyon. Naroon ang kanyang ina na kanina pa pala nakatitig sa kanya.
Sinulyapan niya ito tapos ay ibinalik na ang tingin sa mga naglalaro. “Nakakainggit ‘Nay ano?” di maiwasang sabi niya.
Bumuntong hininga ang kanyang ina, “Hindi mo man magawa ang mga ganyan.. sigurado naman akong bumawi ang Diyos sa ibang bagay. Malay mo Nak, may talent ka na hindi mo pa nadi-diskubre diba?” pagpapalakas nito sa kanyang loob.
“Hindi naman ho ang laro ang kinaiinggitan ko,” mapakla niyang sabi. “Iyon hong magkapatid. Tingnan ninyo ho, ang sweet nila. Kami ni Kuya Alpen ni hindi nag-uusap.”
Hindi nakasagot ang ginang, marahil ay nabigla sa sinabi niya. Si Erol nalang rin ang bumasag ng katahimikan, “Tulak mo na po ako Nanay, meryenda na tayo.”
Kinagabihan, tahimik na nagsasalu-salo ng hapunan ang tatlo. Minamasdan ng bata ang kanyang kuya, wala itong imik at nakatutok lamang ang atensyon sa pagkain.
“Kuya, kumusta ang araw mo?” tanong niya.
“Okay lang naman.” sagot nito, ni hindi siya tinapunan ng tingin.
Tumango ang bata,”Eh..galing ka bang eskwela?” tanong niyang muli. Sa totoo lang di naman talaga siya interesado. Nag-iisip lang siya ng tanong para makakwentuhan ito.
Pero sa halip na sumagot, isang payak na iling lamang ang sagot ng binata. Napapahiyang tumahimik na si Erol.
Natulog siya ng gabing iyon na malalim ang iniisip. Siguro, naaasiwa ang kuya niya na kausapin siya dahil sa kanyang itsura. Siguro ikinahihiya siya nito, sino ba naman ang matutuwa sa kapatid na imbalido?
Kinabukasan ay naalimpungatan si Erol sa mahinang pag-uusap mula sa kanilang salas. Kadalasan ay tanghali na siya nagigising, ewan niya kung ano ang nangyari at madaling araw palang ay mulat na siya ngayon. Ni hindi pa nga tumitilaok ang manok.
Hirap na hirap siyang gumapang para mapalapit sa pader. Kurtina lang naman ang harang ng salas at kwarto nila.
“Ang aga mo namang aalis anak. Hindi ka ba mag-aalmusal muna?” tanong ng kanyang nanay.
“Dapat ho talaga maaga ako nanay, gawa ng marami nang nagtitinda ng taho ngayon..kailangan mauna ako. Dadaan pa ako kina Aling Tinay para kunin ang balde ko,” sagot ng kuya niya. Pabulong rin iyon.
Gulat na napaisip si Erol, nagtitinda ng taho ang kuya niya?
“Sobra naman ang pagod mo. Pagkatapos mong magtinda ng taho, e-extra ka sa construction. Tapos sa hapon naman.. sumasaglit ka pa sa karinderya para maghugas ng pinggan. Ni hindi na nga kita napag-aral..” malungkot na sabi ng kanyang ina.
“Ma..wag naman ho kayong maingay. Baka marinig kayo ni Erol, ayaw kong isipin niyang dahil sa kanya kaya ako nahihirapan. Kusang loob ko naman ito, nais ko lang kahit na paano ay makatulong sa inyo at makabili ng gamot niya.”
“Kung alam lang ng kapatid mo ang mga sakripisyo mo anak. Nagtatampo na siya dahil buong akala niya ay wala kang pakialam..” sabi muli ng kanyang ina.
Narinig niyang bumuntong hininga ang kanyang kuya Alpen.
“Mahal ko siya Nay. Hindi ko nga matingnan dahil naaawa ako sa sitwasyon niya. Kapag susubukan kong makipagkwentuhan ay binabalot ng lungkot ang puso ko. Kung pwede nga lang ako nalang ang nagkasakit ng ganoon-”
“Kuya..”
Napalingon ang dalawa sa lumuluha nang si Erol. Nakadapa siya sa sahig at nakahawi sa isang braso ang kurtina.
“Anak! Gising kana!” sabi ng kanyang ina.
“Kuya, salamat sa lahat ha..” diretso niyang sabi sa binata.
Malungkot na napangiti naman ito.
“Narinig mo pala lahat.” nasabi na lamang nito.
Hirap na hirap ang bata na lumapit kaya ang kuya niya na ang humakbang, iniupo siya nito at niyakap.
“Pasensya kana ‘tol kung di kita napapansin-“
“Salamat sa lahat kuya, salamat..” paulit-ulit niya na lamang na nasabi.
Nag-iiyakang nagyakapan ang tatlo.
Mula noon ay mas tumibay ang samahan nila. Alam ni Erol na hindi man pala-salita ang kanyang kapatid ay mahal siya nito at iyon lang ay sapat na.
Nakita naman ng Diyos ang kanilang mga sakripisyo, sinuwerteng nakuhang iskolar ang kanyang kuya Alpen kaya naituloy nito ang pag-aaral. Matalino ang binata kaya pinayagan rin ito ng eskwelahan na mag-part time job bilang assistant ng librarian. Sa ganoon ay natututo na ito, kumikita pa ng pera para sa kapatid.