
Labimpitong Bundok at Dalawang Ilog
Isang maliit na paaralan sa isang barangay sa Sablan, Benguet ang nais abutan ng tulong ng isang high school batch.
Doon ay hindi madali para sa mga estudyante ang makapasok sa eskwela. Mula sa bahay nila ay kinakailangan pang maglakbay at akyatin ang labing pitong maliliit na bundok. Bukod doon ay kinakailangan din nilang tumawid sa dalawang naglalakihan na ilog.
Araw-araw ay ganoon ang kanilang sitwasyon tuwing papasok sa eskwela. Tanging manipis na lubid at kahoy lamang ang puwedeng pagkapitan.
Hindi lubos maisip ng grupo kung paano nakakayanan ng mga estudyanteng nasa elementarya na tawirin iyon para lang makapasok sa eskwela.
Nang magpunta ang grupo upang bisitahin ang lugar ay laking tuwa nila nang makita ang mga bata. Hindi na nagdalawang isip ang lider ng grupo na sabihin sa punong-guro kung ano ang kanilang pakay.
“Magandang umaga po, sir. Kami po ay nagpunta rito dahil may nakapagsabi po sa aming batch kung ano ang lagay ng mga estudyante sa paaralang ito,” bati ng lider ng grupo.
“Opo, ma’am. Maraming pong kailangan ang mga bata lalo na po sa mga kagamitan dahil hindi naman po sapat ang gamit na mayroon kami rito,” sagot ng punong-guro.
“Naiintindihan ko. Nagpunta kami rito para ipaalam sa inyo na handa kaming tumulong sa mga bata. Sila ang balak naming tulungan sa aming kawanggawa na magaganap sa susunod na linggo. Humihingi rin ho kami ng pahintulot mula sa inyo na sana ho ay payagan niyo kami,” paliwanag ng lider ng grupo.
“Wala pong problem roon, ma’am! Panigurado pong matutuwa ang mga bata kapag nalaman nila ito,” tuwang-tuwa na sabi ng punong-guro. “Gusto sana namin silang sorpresahin kaya kung maaari ay huwag na lang ho munang ipaalam sa kanila,” pakiusap ng lider ng grupo.
“Sige po. Walang problema,” tugon ng punong-guro.
“Ihanda niyo na lang ang mga bata. Iyon lang ang kailangan ninyo gawin. Kami na ang bahala sa lahat,” bilin ng lider ng grupo.
“Masusunod po, ma’am. Ngayon pa lang po ay nagpapasalamat na ako bilang punong-guro sa tulong na ibibigay ninyo para sa paaralan at sa mga bata,”
“It’s our pleasure po. Matagal na ho namin itong ginagawa. Eksakto naman po na may nakapagsabi sa amin ng tungkol sa inyong paaralan at sa lugar niyo rito kaya asahan ninyo na makakakuha kayo ng tulong mula sa amin ng walang kapalit dahil buong puso namin iyong ibibigay,” nakangiting sabi ng lider ng grupo.
“Salamat po. Maraming salamat,” masayang saad ng punong-guro.
Matapos bisitahin ng grupo ang lugar ay agad nilang tinipon ang mga nakolektang school supplies mula sa kanilang mga sponsors. Bukod doon ay may nagbigay rin ng mga pang-meryenda na biskwit at inumin para sa mga bata.
Natuwa lalo ang mga miyembro ng batch nang malaman nila na may gusto pa umanong mamahagi ng mga sapatos hindi lang pang tag-ulan kung ‘di maaari rin itong gamitin sa paglakbay at sa pagtawid sa ilog.
Ang ilang miyembro naman ng batch ang nagboluntaryo na magpunta sa grocery para mamili ng mga de-lata, noodles, bigas at iba pang pangunahin na pangangailangan sa bahay.
Naglaan sila ng isang araw para bilhin ang lahat ng kailangan at kolektahin ang iba pang bagay tulad ng mga damit.
Sa mga sumunod na araw ay ganoon pa rin ang kanilang ginagawa. Patuloy sa pagkolekta ng puwedeng maibigay sa mga bata at sa pamilya ng mga ito.
Ang high school batch na iyon ay labis ang tuwa sa ginagawa. Hindi nila iniisip ang pagod. Para sa kanila ay walang oras na nasasayang.
Isang araw bago ang petsa ng kawanggawa ay inayos na nila ang lahat ng kanilang ipapamahagi at iniligay sa mga malalaking supot hanggang sila’y inabot na ng gabi na hindi man lang nakaramdam ng pagod.
Araw ng kawanggawa.
Bago magbiyahe ay dumaan muna sila sa Jolibee upang bilhan ang mga bata ng pagkain. Ito ang naisip nilang bilhin dahil hindi pa nakakatikim ng pagkain sa Jolibee ang mga bata. Bukod dito ay naghanda rin sila ng pansit at manok para sa mga magulang at sa mga guro.
Mahigit isang oras ang biyahe papuntang Sablan, Benguet. Isang oras muli ang ilalaan nila bago makarating sa mismong barangay. Nang makarating ang grupo doon ay mahigit kumulang na isang oras pa ang kailangan nilang ilaan para marating ang eskwelahan dahil kinakailangan rin nilang tumawid sa maliliit na bundok at sa dalawang ilog.
Kahit na may mga dalang mabibigat na karton at mga supot ay ayos lang sa kanila. Hindi nila ininda ang pagod at sakit sa paa. Ang tanging iniisip nila ay magiging sulit ang lahat ng kanilang sakripisyo pagdating nila sa eskwelahan at makita nilang masaya ang mga bata.
Matapos ang mahabang paglalakbay ay nakarating sila ng ligtas sa eskwelahan at laking tuwa nila nang salubungin sila ng mga bata na may ngiti sa mga labi.
Sinimulan nila agad ang programa. May mga palaro, kantahan at kaunting pagbahagi ng kaalaman kung paano ang tamang paghugas ng kamay at pagsisipilyo. Matapos noon ay ibinigay na nila ang inihanda nilang sorpresa para sa mga bata.
Isa-isa silang pinapila sa harapan at iniabot ang pagkain. Kasabay noon ay ang pag-aabot ng kani-kanilang mga supot na may lamang mga school supplies at sapatos.
Ang isa pang supot na may lamang mga noodles, bigas, mga de-lata at iba pang mga pangunahing kailangan ay sa kanilang mga magulang naman iniabot.
Sa buong takbo ng programa ay tanging ngiti ang mababakas sa mukha ng mga bata at ng kanilang mga magulang. Ang ilan ay naiiyak pa sa tuwa at labis na pasasalamat dahil sa kabila ng hirap na dadanasin marating lamang ang kanilang lugar ay nagsumikap pa rin ang grupo mahatiran lang silang ng tulong.
Hindi masama ang tumulong sa kapwa. Hindi ito sapilitan. Pero siguradong mas malaki ang biyayang babalik sa iyo lalo na kung buong puso mo itong ibibigay sa nangangailangan.