Inday TrendingInday Trending
Anghel ng Pamilya

Anghel ng Pamilya

“World War II, also known as the Second World War, was a global war that lasted from 1939 to 1945. The vast majority of the world’s countries—” hindi na naituloy ng guro ang kaniyang lecture nang makita ang estudyanteng natutulog.

“Miss Angel Mariano! Aba’y kakapasok mo pa lang, natutulog ka na? Hindi ito oras ng pagtulog!” suway ng guro na nakapameywang at halos lumabas na ang litid nito sa galit.

Napabalikwas ang dalaga kaya naman agad itong umupo ng tuwid saka humingi ng paumanhin.

“Sorry po, ma’am.” sagot nito.

Napuno ang klase ng tawanan kaya naman lalong nakaramdam ng hiya si Angel. Ang mukha nito ay parang kamatis na pulang-pula.

Hindi na lamang pinansin ni Angel ang ibang kaklase at nakinig na lamang ito muli sa guro.

“Gel,” tawag ng kaniyang katabi si Lane, ang kaniyang matalik na kaibigan.

Sumulyap sandali si Angel sa katabi,

“Bakit?” sagot nito.

“Bakit ba natutulog ka na naman? Hindi ka ba nakatulog ng maayos kagabi?”

“Lane, puwedeng mamaya na lang? Baka mapagalitan tayo. Alam mo naman yang si Miss, konting kibot, magagalit na,” mahinang sabi ni Angel na ang panangin ay nasa harapan.

“Mamaya ah?” pangungulit nito sa kaibigan.

Napakamot sa ulo si Angel, marahil ay nakulitan sa kaibigan. Kaya tumango na lamang ito bilang sagot.

Nagpatuloy ang klase sa buong araw na iyon, hindi na rin nakapag-usap ang magkaibigan dahil naging aligaga sila sa mga seatworks at activities.

Habang nagsasagot ang buong klase, na-istorbo si Angel nang tanungin ito ni Lane.

“Gel, alam mo ba kung anong sagot dito?” sabi nito habang ang daliri ay nakaturo sa papel na may mathematical equations.

“Oo, sandali at tapusin ko lang,” sagot nito saka muling nagpipindot sa calculator.

Hindi nawala ang paningin ni Lane kay Angel, sapagkat ito’y sobrang namangha sa bilis ng pagsolba ni Angel sa kanilang seatwork.

Ilang sandali pa’y natapos na ni Angel ang ginagawa.

“Ang galing! Pakopya ako ah?” manghang sabi ni Lane saka kinuha ang papel.

“Bilisan mo habang wala pa si ma’am. Malapit na rin mag-uwian kaya bilisan mo nalang kumopya,” sagot nito saka mabilis na i-ni-abot ang papel

“Sige, salamat!” tuwang tuwa na sabi ng kaibigan.

Uwian na at ang akala ni Angel ay nakalimutan na ni Lane ang tanong niya nung nakaraan kung bakit nga ba nakakatulog sa klase si Angel.

“Ano na, Gel? Bakit ka nga natutulog sa klase?” pangungulit nito na parang bata saka isinabit ang kamay sa braso ni Angel.

“Diyos mio, Marimar! Lane, hindi mo kailangan magkulit ng ganiyan, saka puwede ba? Huwag kang masiyadong maingay diyan, baka may makarinig sa iyo,” suway nito sa kaibigan saka tumingin sa paligid.

“Eh ano nga kasi, hindi ka namin nagku-kwento, e!” pagmamaktol ni Lane sa kaibigan

Bumuntong hininga si Angel, tila ba’y nawawalan na ng pasensiya.

“Huwag kang maingay ha? Sa iyo ko lang ito sasabihin,” paki-usap nito.

Tumango ang kaibigan. Kaya ipinagpatuloy ni Angel ang sinasabi.

“Nagtatrabaho ako sa gabi kaya ako nakakatulog sa klase. Wala akong sapat na tulog. Hindi umaabot sa dalawang oras ang tulog ko kada araw, kaya ganoon na lang ang antok ko sa loob ng klase,” paliwanag nito.

“Nagtatrabaho ka sa gabi? Baka kung anong trabaho iyan ha?” gulat na sabi ni Late at halos mamilog na ang mga mata nito.

Hindi napigilan ni Lane ang malakas niyang boses kaya agad tinakpan ni Angel ang bunganga ni Lane gamit ang dalawang kamay saka ito hinila sa isang sulok kung saan naroon ang isang nakatayong poste.

“Ano ka ba?! Hindi ba’t sabi ko sa’yo, huwag ka maingay dahil baka may makarinig,” pigil nito sa kaibigan dahil napalakas ang boses nito.

Hinawi ni Lane ang kamay na nakatakip sakaniyang bibig.

“Sorry na, Gel! Ano bang trabaho mo at bakit mo kailangan pa magtrabaho? Maayos naman ang buhay niyo, ah?” sunod-sunod na tanong ng kaibigan.

“Waitress. Waitress sa bar. Nagkasakit si Papa, hindi na siya makatrabaho kaya wala kami pang gastos sa pag-aaral. Kaya naisipan ko na mag-apply. Matanda na rin si Mama, hindi niya na kakayanin pa ang magtrabaho,” muling paliwang ni Angel.

“Wala ka bang ate o kuya? O, ibang kamag anak na puwedeng tumulong sainyo?” tanong sa kaibigan.

“Dalawa lang kaming magkapatid. Si bunso, maliit pa ‘yon, hindi niya kakayanin pa ang magtrabaho,” sagot nito.

“Oo pala,” tugon nito.

“Hindi rin kasundo ni Papa ang mga kapatid niya, kaya nga siya naiwan dito sa Pilipinas. Kung hihingan namin sila ng tulong sa abroad, panigurado, isusumbat nila sa amin iyon kay mas minabuti nang huwag nalang sila hingian ng tulong,” pagpapatuloy niya.

“Naiintindihan ko, Gel. Kumusta naman ang Papa mo?” Nag-aalalang tanong ng kaibigan.

“May sakit sa puso, masiyadong mahal ang mga gamot niya. Kaya kailangan wala akong palya sa trabaho dahil kailangan namin ng pera ngayon,” naiiyak na sabi ni Angel sa kaibigan

“Kawawa naman. Ipagdadasal ko ang kalagayan ng Papa mo,” malungkot na sagot ni Lane.

“Salamat, Lane.” saka tipid na ngumiti.

Matapos ang pag uusap ni Angel at Lane, agad umuwi si Angel para makapagpalit ng damit.

“Ma, papasok na ho ako trabaho,” paalam niyo sa ina.

“Ha? Maaga pa, hindi ka ba muna kakain?” tanong nito sa kaniya.

“Hindi na ho, baka po kasi ma-late ako, traffic pa naman papunta doon,” paliwanag ng anak.

“O, siya, sige na. Mag-iingat ka ha? Pasensiya ka na kung sa murang edad ay nagtatrabaho ka na para may maitulong. Kung kakayanin pa sana ng katawan ko ay ako na lamang ang magtatrabaho,” sinserong sabi ng ina sa kaniyang anak.

“Ayos lang po iyon, Ma. Huwag kayo mag-alala, konting tiis lang, makakaraos din tayo at gagaling din si Papa,” paniniguro nito.

“Salamat, Angel. Napakabuti mong anak,” naiiyak na sabi ng ina.

“Mama talaga, papasok na po ako, baka mag-iyakan pa tayo rito,” biro niya.

“Sige na, pumasok ka na.”

Kumaway ang dalaga sa Ina saka ito tuluyang umalis ng bahay.

Ang hindi alam ng magulang ni Angel ay sa isang bar ito namamasukan bilang waitress. Ang paalam ni Angel nang siya’y nag-apply at nakuha ay sa isang magarbong restaurant siya magtatrabaho. Alam kasi nito na hindi siya papayagan na magtrabaho sa isang bar dahil delikado para sa kaniya lalo na’t nasa murang edad pa lamang siya.

Nang makarating sa bar si Angel, dagsa kaagad ng customers. Ang mga ilan ay mga may tama na ng alak sa katawan.

Halo-halong amoy ang sumalubong kay Angel. Ang masangsang na amoy ng alak, matapang na amoy ng sigarilyo. Ngunit balewala na ito kay Angel sa halos isang buwan na nitong pinapasukan.

Naging aligaga sa trabaho si Angel. Kaya hindi niya napapansin ang mga maya’t-maya’y pagpasok ng mga kostumer.

Walang oras na naupo at nakapahinga si Angel sa trabaho. Kahit nakakaramdam na ito ng pagod ay hindi siya nag atubiling huminto para magpahinga. Iniisip ni Angel na para ito sa kaniyan pamilya at kaniyang pag-aaral. Hindi ininda ni Angel ang pagod dahil sa susunod na araw ay day-off niya kaya makakapagpahinga ito.

Alas-tres ng umaga ay natapos na ang trabaho ni Angel. Agad itong nag-ayos ng sarili maging ang kaniyang mga gamit ay inaayos niya na rin.

Mabuti na lamang at sabado kaya wala itong pasok sa eskwelahan. Tuwing may pasok, alas singko ng umaga ay kailangan na maghanda para sa pagpasok sa eskwela.

Lunes.

Maagang pumasok sa eskwela si Angel. Habang siya’y naglalakad sa hallway, ganoon na lang ang kaniyang pagtataka at halos matunaw na parang yelo ang kaniyang pagkatao nang maramdaman niya ang mga mata ng tao ay nakapalibot sa kaniya.

Hindi niya na lamang ito pinansin at halos patakbo na itong pumasok sa classroom.

Agad itong sumandal sa pader at marahang pumikit.

Ang akala niya’y makakaligtas na siya, ngunit, pagmulat niya ng kaniyang mata ay ganoon na lang ang gulat niya dahil pati ang mga kaklase nito ay nasa kaniya ang atensyon at kakaiba ang tingin.

Naglakad ito papunta sa kaniyang upuan. Hindi mapakali at nagtataka. Ilang sandali pa’y dumating na rin ang kaniyang kaibigan na si Lane.

Agad naman itong dumiretso sa tabi ni Angel. Hindi pa man ito tuluyang nakakaupo ay may tatlong babae ang lumapit sa kanila.

Ang tatlong babaeng lumapit ay kilala ng halos lahat ng estudyante.

“Balita ko, Angel, nagtatrabaho ka raw sa bar?” nakangising bungad ng unang babae.

“Ha? Sino naman nagsabi saiyo?”

“Narinig ko lang. Narinig ko kayo ni Lane na nag-uusap nung nakaraang araw malapit sa poste sa lobby. Naku! Bata ka pa, Angel. Sayang ka, kapag nagkataon. Kailangan na kailangan mo siguro ng pera,” sagot nito.

“Oo, nagtatrabaho ako sa bar. At, kung may iba man kayong iniisip na ibang trabaho ang ginagawa ko roon, nagkakamali kayo. Hindi ako ganoong klase ng tao. Maayos at matino ako. Waitress ako doon at hindi stripper o kung anuman,” depensa ni Angel sa sarili.

“Ayan, chismosa ka kasi masiyado,” singit ni Lane sa kaklase.

“Wala akong oras para roon. Oo, kailangan ko ng pera para may panggastos sa gamot ng tatay ko at pangtustos ko sa pag-aaral,” sagot ni Angel.

Hindi maiwasan ni Angel ang maiyak sa harapan ng kaklase dahil inalala nito ang sitwayson na pinagdadaan ng pamilya. Hindi lubos maisip ni Angel na ganoon na lamang kakitid ang pag iisip ng kaklase.

Kahit na nasabi na ni Angel ang katotohanan para sa kaalaman ng lahat, hindi parin kumbinsido ang ilan sa mga estudyante sa kaniya at patuloy pa rin pinaniwalaan ang chismis na kanilang nasagap mula sa kaklase ni Angel.

Naging ganoon man ang sitwasyon ni Angel sa eskwela, hindi ito naisip na huminto sa ginagawa bagkus, ipinagpatuloy ang ano mang nasimulan.

Lumipas ang ilang taon na ganoon ang sitwasyon nilang pamilya. Kahit na ganoon ay hindi naging hadlang sa kanila ang kahirapan at patuloy na nilabanan ang mga pagsubok na dumaan sa kanila. Hindi nagtagal at unti-unti na ring nakaahon mula sa kahirapan ang pamilya ni Angel. Matagumpay niyang naipagamot ang kaniyang ama, at nabigyan ng maginhawang buhay ang buo niyang pamilya.

Gaano man kahirap ang buhay, hindi mo kailangang sumuko. Tuloy lang ang laban.

Advertisement