Pagbaba sa kumikinang na kotse ay tinanggal ni Ana ang suot na mamahaling sunglasses. Ginala niya ang pangin sa paligid at nakitang wala pa ring pinagbago ang lugar. Madumi pa din, mabaho at nanggigitata.
“Parang siya noon,” sa isip-isip niya.
Parang bahang dumaloy sa kaniyang alala ang mga masasakit na sinapit niya sa lugar na iyon.
“Hoy, Ana! ‘Huwag ka nga dito! Ang baho-baho mo diyan ka pa humarang sa paninda ko!” taboy sa kaniya ng tiyahin nung umagang iyon.
“Tiya, mangungutang sana ako ng almusal. Si tatay ko daw po ang magbabayad sa sweldo niya,” nahihiyang sabi ng noo’y labing-anim na taong gulang na si Ana.
“Ay naku! Kay aga-aga ay utang agad ang isasalubong niyo sa akin! Sabihin mo sa kaniya bayaran niya muna ‘yung nakalista noong isang linggo. Namimihasa na kayo, ha,” pasigaw na sabi ng tiyahin sa kaniya.
“Kadiri ka naman, Ana! May muta ka pa at saka panis na laway, o! Kadalaga mong tao hindi ka nag-aayos ng sarili!” sawsaw pa ng kaniyang pinsang babae na si Belle, anak ng tiyahin niya na kasama nito sa karinderya.
Hindi pa nakakapaghilamos si Ana dahil hindi pa siya nakakapag-igib. Napayuko na lamang siya sa pagkapahiya.
“Eh, kanino pa ba naman magmamana kung hindi sa nanay na burara din!” banggit ng tiyahin niya sa nangungutyang tinig.
Bata pa lang si Ana ay iniwan na sila ng kanilang ina. Hindi na nito natiis pa ang ugali ng mga kamag-anak ng kaniyang ama kaya lumayas ito ng bahay at ang sabi-sabi ay sumama daw ito sa ibang lalaki.
Nahihiyang lumayo si Anna sa karinderya. Batid niyang pinagtitinginan siya ng mga kapitbahay na kumakain doon kaya nakatungo na lang siyang lumakad pabalik sa kanilang maliit na bahay.
“Bumalik ka doon! Sabihin mo ako ang nagsabi! Aba’y walang kakainin ang kapatid mo!” pagalit na sabi ni Mang Jojo kay Ana pagbalik nito sa bahay.
“Eh, tay, ayaw nga hong magpautang ni tiya! Nahihiya na po akong bumalik,” katwiran ni Ana dahil batid niyang lalo lang siyang ipahihiya ng tiyahin kapag bumalik siya sa karinderya.
“Aba, ang batang ‘to! Sa akin hindi ka nahihiya? Kung hindi mo sana pinilit kahapon na pumasok sa eskwela may pang almusal tayo ngayon! Pasok-pasok ka pa akala mo naman may mararating ka sa buhay,” bulyaw ng ama kay Ana.
“Eh, tay, galing din naman sa bulsa ko ‘yung pinambaon namin ni Junjun! At saka grabe naman kayo magsalita,” sabi ng dalaga sa kaniyang tatay na punung-puno ng hinanakit ang tinig.
Katulad ng inaasahan ay nakatikim si Ana ng matunog na sampal mula sa kaniyang ama.
Sa pagkakataong iyon ay hindi na niya natiis ang pagmamaltrato nito kaya tinignan niya ito sa mata at sinabing, “Sana sinama na lang ako ni mama! Ayoko ko nang tumira sa bahay na ito!” sigaw ni Ana sabay takbo sa kaniyang tulugan.
Nag-impake si Ana ng ilang damit at saka nagsuot ng sapatos. Nalasahan niya ang kalawang sa kaniyang bibig. Malamang ay nagdugo na naman ang gilid ng kaniyang labi dahil sa sampal ng ama.
Sinundan pala siya ng ama sa kwartong isang kurtina lang ang nagpapagitan mula sa sala. “Ano lalayas ka? Sige, lumayas ka! Wala kang pinagkaiba sa nanay mong kaladkarin!” sigaw nito sa kaniya.
Halos hindi makahinga si Ana sa pagpipigil ng luha at nilagpasan lang ang ama. Paglabas niya ay hinabol naman siya ng anim na taong gulang na kapatid na nakasaksi sa eksena nilang mag-ama.
“Ate, saan ka pupunta? Ate!” ngalngal ni Junjun sabay hila sa laylayan ng kaniyang damit.
Nasasaktan man ay pinalis ni Ana ang payat na braso nito at walang lingon-likod na umalis.
Simula nung araw na iyon ay namasukan si Ana kung saan-saan. Nang makaipon ay pinagsabay niya ang trabaho at pag-aaral. Hanggang sa natuwa sa kaniya ang isa niyang amo at pinag-aral siya nito hanggang kolehiyo. Naging masagana ang kaniyang buhay ngunit ni isang saglit ay hindi nawaglit sa isip niya ang pamilyang iniwan lalo na ang kapatid na si Junjun.
Ngayong may maayos nang trabaho si Ana ay nagpasya siyang bumalik sa lugar. Kukunin niya ang kaniyang kapatid na ngayon ay malamang nasa high school na.
Naputol ang pagbabalik-tanaw ni Ana nang may tumawag ng kaniyang pangalan.
“Ana? Ikaw na ba ‘yan?!” tili ng kapitbahay nilang si Aling Tere. Dahil kapansin-pansin ang kaniyang kotse at sa lakas ng boses ng babae ay nakilala siya ng mga tao.
“Ana! Ang ganda-ganda mo na, ah! At ang yaman! Baka naman puwedeng mambalato ka diyan!” kantiyaw ni Aling Tere na sinuklian lamang ni Ana ng tipid na ngiti.
“Nimfa, halika’t narito ang pamangkin mong naglayas noon! Naku, ang yaman-yaman na ngayon!” anunsiyo pa ni Aling Tere sa buong barangay.
Napalingon si Ana at nakita niya ang kaniyang tiyahin. Ngayon ay matanda na ito ngunit pareho pa rin ang masungit na ekspresyon sa mukha. Katabi nito si Belle na may bitbit na bata. Halata ang laki ng itinaba at ikinatanda nito.
Lumapit si Ana sa mga ito ngunit bago pa siya makapagsalita ay inunahan na siya ng kaniyang tiya. “Ano? Magmamalaki ka? Ipamumukha mo sa amin na mayaman ka na ngayon? Para sabihin ko sa’yo…”
Pinutol ni Ana ang ibang sasabihin nito dahil alam naman niyang puro masasakit na salita iyon. “Sino ‘yan, Belle, anak mo?” baling niya sa pinsan at sa batang hawak nito. Ngumiti siya at hinawakan ang kamay ng bata.
“Ang cute, cute naman,” sabi niya sabay ngiti kay Belle.
“Salamat, Ana,” sabi ni Belle nang makabawi sa pagkabigla. “Ang laki ng pinagbago mo, ha. Halatang asensado. Ako, heto, nabuntis ng maaga kaya umaasa lang…” dagdag nito.
“Tumahimik ka nga, Belle! Huwag kang makipagplastikan sa babaeng iyan,” singhal ng tiyahin.
“Ma, tama na nga! Hanggang ngayon ba naman ay ganiyan kayo makitungo sa kaniya? Hindi ba kayo dapat ang humingi ng patawad dahil sa mga ginawa niyo sa kaniya dati?” naiinis na awat ni Belle sa ina.
“Nagsikap lang,” nakangiting sagot ni Ana. Pinili niyang hindi na lang pansinin ang tiyahin.
“Gusto mo samahan na kita sa inyo? Tiyak akong ang pamilya mo ang ipinunta mo dito,” pag-aaya ni Belle. “Salamat, Belle. Mauna na kami, tiya,” matipid na paalam ni Ana sa tiyahin.
Naalala pa ni Ana ang mga eskinitang kanilang dinaanan. Halos wala iyong pinagbago. Nagulat siya nang may matanaw na kaguluhan sa malayo.
“Bert, anong meron dun?” tanong ni Belle sa nasalubong na lalaki. “Teka tatawag ako ng tricycle. Si Mang Jojo natagpuang nakabulagta!” sabi nito sabay alis.
Sandaling nablangko ang isip ni Ana nang marinig ito. Namalayan na lamang niya ang kaniyang sariling tumatakbo papunta sa kaguluhan. Halos magkabungguan sila ng isang binatang may pasang matanda.
“Junjun? Anong nangyari kay tatay?” natatarantang tanong ni Ana. Muntik na niyang ‘di makilala ang binata dahil ang laki-laki na nito.
Sandaling napatingin sa kaniya ang kapatid at natulala. Hindi na niya hinintay pa ang sagot nito.
“Madali, isakay natin siya sa kotse ko!” malakas na utos ni Ana at saka tumakbo palabas ng eskinita. Natapilok pa siya dahil sa mataas na takong.
Sumunod naman si Junjun sa kaniya at nang makasakay ang mga ito sa kotse ay agad niya iyong pinaandar.
Pagdating sa ospital ay ipinasok kaagad sa emergency room ang kanilang tatay. Naiwan silang magkapatid sa labas, naghihintay at kapwa walang imik.
“Junjun, alam kong nabigla ka. Patawarin mo si ate at ngayon lang ako nakabalik,” sabi ni Ana tsaka niyakap ang walang imik na binata.
“Bakit mo kami iniwan? Alam mo ba kung gaano nahirapan si tatay? Kung gaano ako nalungkot noong umalis ka?” iyak ng nakababatang kapatid sa kaniyang balikat.
“Patawarin mo ko,” sagot ni Ana sa pagitan ng hagulgol. “Pangako babawi ako sa lahat ng mga pagkukulang ko sa inyo ni tatay,” dugtong pa niya.
“Ate, salamat at bumalik ka,” mayamaya ay sabi ng kapatid.
Nananitili sila sa ganoong posisyon. Tila ba humuhugot ng lakas mula sa isa’t isa. Ilang oras lang ay lumabas na ang doktor. Agad nila itong nilapitan at tinanong ang kondisyon ng ama.
“Sa ngayon ay ligtas na sa panganib ang inyong ama ngunit malala na ang liver cancer nito. Kailangan siyang maoperahan agad kung hindi ay kakalat ang lason sa kaniyang katawan,” sabi ng doktor sa kanila.
Nagdasal ang magkapatid at nagpasalamat sa Diyos. Pagkatapos ay pumasok sa kwarto kung saan puwede na nilang makausap ang ama.
“Tay, may bisita ka ho,” sabi ni Junjun na naunang pumasok sa kwarto.
Walang salitang namutawi sa labi ng matanda nang makita ang kaniyang anak na panganay. Tanging mga luha lang ang naging tugon nito ng yakapin ito ng anak.
Maraming masasakit na salita ang gustong ibato ni Ana. Sabi niya sa kaniyang sarili sa sandaling may mapatunayan na siya sa buhay ay babalik talaga siya upang ipamukha iyon sa kaniyang ama.
Ngunit nang makita niya ang kulubot nitong mukha dahil sa tanda at hirap ng buhay ay nabura iyon sa kaniyang isip. Nabura ng pagmamahal ang galit na inalagaan niya sa kaniyang puso.
“Tatay, nandito na ko. Patawad po. Patawad po,” paulit-ulit na sambit ni Ana sa ama.
“Ana, anak ko,” sabi ni Mang Jojo sa nanginginig na boses. “Akala ko ay papanaw ako ng hindi ka man lang nakikitang muli. Ako ang patawarin mo anak,” sabi ng ama na mamasa-masa ang mata sa luha.
Humiwalay si Ana sa pagkakayakap at hinawakan ang mga kamay ng ama.
“Masakit po ang nangyari sa pagitan nating dalawa pero handa po akong magpatawad. Narito ako ngayon sa kinatatayuan ko dahil din sa inyo. Mahal ko po kayo, kayo ni Junjun at simula ngayon ay wala na po kayong iintindihin. Babawiin natin ang lahat ng panahong nawala sa atin,” sagot ni Ana na makalipas ang maraming taon ay doon lang nakahinga ng maluwag.
Ngayong buo na ulit ang kaniyang pamilya ipinapangako ni Ana na gagawin niya ang lahat para sa mga ito. Napatunayan niyang gaano man kalalim ang lamat sa isang relasyon kaya pa iyong maisalba basta’t handang magpatawad ang isa’t isa.