Inday TrendingInday Trending

Alas dose na ng tanghali, lahat ay abala. Limang oras na lamang ay magaganap na ang pinakamagarang pagdiriwang ng mga pamilyang kilala sa bayan ng El Pablo. Mga may-ari ng malls, real estate, mga plantasyon, at lahat ng mga pamilyang mayayaman ay magsasama-sama. Dahil dito, ang lahat ay abala sa paghahanda lalo na si Don Rexio na siyang punong abala para sa taong ito. Nais niyang magyabang sa lahat na ang pagdiriwang ngayong taon ay magiging katanda-tanda at malaking usapin sa lahat. Nais niya kasing ipakita sa marami na kaya niyang talunin ang magandang paghahanda na pinangunahan ng mga Macapagal noong nakaraang taon na kaniyang pinakamalaking kakumpetensiya sa bayan pati na sa negosyo. Kasama niya sa pag-aasikaso ay ang secretary na si Marco na anak ng dati nilang guwardiya na si Mang Berto.

“Nandito na naman ‘tong matandang ‘to!” wika ni Marco sa kaniyang isipan pagkakita na nasa labas ng kaniyang office ang tatay na si Mang Berto. Naiinis siya rito dahil mahirap lamang sila. Sinisisi niya ang kanilang kahirapan sa ama na nakuntento na lamang sa pagiging isang guwardiya. Kung hindi lamang dahil kay Don Rexio, ay walang ring mararating si Marco. Utang na loob niya ang lahat kay Don Rexio at hindi sa kaniyang tatay. Ito ay mga turo na pinaintindi din sa kaniya ni Don Rexio, kaya talagang mataas ang pagtingin niya dito.

“Nak! Nak! Dito oh,” masiyang tawag ni Mang Berto sa anak. Sinubukan ni Marco na ibaling ang tingin sa iba ngunit huli na ang lahat dahil nakalapit na sa kaniya ang ama.

“Oh bakit na naman ho ba kayo nagpunta rito?” masungit nitong tanong sa ama.

“Yung sa pag–” wika sana ng ama ngunit hindi na ito pinatapos pa ni Marco. Hinugot niya ang wallet mula sa bulsa ng kaniyang slacks at kumuha ng isang libong piso. Kinuha niya ang kamay ng ama at saka niya ibinagsak doon ang pera.

“Ayan na, umuwi ka na,” sabi ng bente sais anyos na binata sabay alis.

Wala ng nagawa pa si Mang Berto kung hindi ang sundan ng tingin ang likuran ng kaniyang kaisa-isang anak habang ito’y palayo na kumakamot sa kaniyang ulo. Mababakas ang kalungkutan ng ama sa mukha.

“Kung sana lang nakapaghanap ako ng trabahong mas maganda, hindi sana ako talunan sa mata ng aking anak, hay…” batid niya sa kaniyang isip.

Nagtungo siya sa opisina nila Marco dahil pinapatawag siya ni Don Rexio. Isa kasi siya sa pinakamatagal ng trabahador nito kaya naman sa tingin niya lubos pa rin ang tiwala nito sa kaniya.

“Simple lang gagawin mo Berto, sundin mo lang bawat sasabihin ko,” ani Don Rexio.

“Ahehe… Opo naman ho Don Rexio, malaki po utang na loob ko sa inyo dahil natupad ni Marco ang pangarap niyang makapag-trabaho sa malaking kompanya,” sagot naman ni Mang Berto.

“Maigi. Pupunta tayo sa hotel dahil kailangan kong i-check muli ang venue. Kukunin kita bilang isa sa mga bodyguards ko at kapag nandoon na tayo, kailangan mo lang iwanan ang suitcase na ibibigay sa iyo mamaya, itago mo lang sa may banyo ng 7th floor,” mahinang sabi ni Don Rexio habang nakangiti ito.

“Naintindihan mo ba, Berto?” tanong ni Don Rexio.

“Opo, Don Rexio, naiintindihan ko ho,” sagot ni Mang Berto.

Maya-maya pa ay umalis na sila kasama si Don Rexio. Dalawang oras na lamang ang natitira at halos handa na ang lahat. Laking gulat ni Marco nang makita na kasama ang kaniyang ama na nasa hotel. Habang ito ay abala sa pakikipag-usap kay Don Rexio, nararamdaman niyang nakatitig sa kaniya sa di kalayuan ang ama.

Bumaba ng sasakyan si Marco kasabay ni Don Rexio na may hawak na suitcase. Doon ay nagkaroon ng pagkakataon na makausap ni Mang Berto ang anak.

“Marco, anak… ang galing galing mo magtrabaho. Proud na proud ako sayo, nak!” sabi ng ama sa kaniyang anak.

“Tay, nagtatrabaho ako, wag niyo ho akong kausapin!” tugon naman ni Marco habang magkasalubong ang dalawa nitong kilay.

Maya-maya pa, muling kinausap ni Marco si Don Rexio.

“Sir, Don Rexio, simulan na po natin ang pagche-check, para maayos na ang lahat mamaya sa pagdiriwang then kailangan na po nating umalis kaagad dahil kailangan niyo pa po maghanda,” pagpapaliwanag ni Marco kay Don Rexio.

“Okay. Okay. Good job, Marco,” sagot naman nito.

Kasabay nito ay ang pag-abot ni Don Rexio ng suitcase kay Mang Berto.

Nagtaka dito si Marco ngunit dahil tiwala naman siya kay Don Rexio at nagpatuloy lamang sila sa kanilang pupuntahan. Habang si Mang Berto ay umakyat na sa 7th floor upang gawin ang inuutos ni Don Rexio.

Nang matapos na ang pakay sa hotel si Don Rexio at Marco, nagpahatid na sa sasakyan si Don Rexio matapos niyang mabasa ang mensahe ni Mang Berto na nailagay na nito ang suitcase sa eksaktong lugar na binilin niya dito. Pagkarating sa sasakyan, pinaandar kaagad ito ni Don Rexio habang si Marco ay nagtataka dahil wala pa ang kaniyang ama.

“Don Rexio, hindi pa ho narating ang isa sa mga bodyguards niyo,” paalala ni Marco kay Don Rexio.

“Hindi na daw siya sasabay, Marco… Alam mo na. May kailangan pa siyang tapusin, at nagmamadali ako,” ani naman ng Don.

Hindi naiwasan muling magtaka ang binata kung ano nga ba ang pakay ni Don Rexio sa pagpapaakyat kay Mang Berto sa 7th floor. Kung saan nakatigil ang pamilya Macapagal na matinding kakumpetensiya at kaaway nito. Ano kaya ang laman ng suitcase na ibinilin nito sa kaniyang ama?

“Ano ho ba ang balak ninyo, Don Rexio?” tanong ng binata kay Don Rexio nang di makatiis.

“Hijo, ang dami mong tanong. Ngunit bilang nakatatanda sa’yo, dapat lamang ay sumagot ako, no?” sagot naman nito.

“Kailangan lang natin tapusin ang lahat dito. Ako, ang mga Macapagal… ang kaaway natin, hindi ba?” mahinang sagot muli ng matanda.

Dito na nagsimulang kabahan si Marco.

“Ano ho ba ang laman ng suitcase na ipinaabot niyo sa aking tatay?” tanong ni Marco kahit mayroon na siyang masamang kutob.

Tumingin ito sa bintana at nagsabing, “kaunting oras lamang, Marco. Sasabog na iyon kasama ng mga kaaway natin!” ani ni Don Rexio na sinundan pa ng tawa.

Kumalabog ang dibdib ng binata. Naisip niya ang kaniyang ama na ginamit ni Don Rexio sa masama nitong plano. Gayundin ay ang kaligtasan nito. Galit siya sa ama ngunit hindi pa rin niya kayang mawala ito. Hindi na siya nag-atubili pa at bumaba kaagad ng sasakyan habang hinuhugot niya ang kaniyang cellphone at tinawagan ang ama.

“Tay, Tay! Bilisan mo. Bumaba ka na diyan, Tay! Sasabog yung suitcase!” mabilis na sabi ni Marco sa ama. Nang matagal na walang sumagot sa kabilang linya ay muli siyang nagsalita.

“Tay? Nandyan ka pa? Ang sabi ko umalis ka na diyan, bomba ang laman ng dala niyo Tay!” nag-aalalang sabi ni Marco habang mabilis na tumatakbo pabalik sa hotel.

“Alam ko, nak,” tahimik na usal nito sa kabilang linya. “Alam kong matagal na ito gustong gawin ni Don Rexio. May kutob na ako sa kung ano ang laman nito ngunit napagisip-isip kong baka ikaw pa ang masisi kapag hindi ko ito ginawa. Ayokong mangyari iyon anak,” tugon ng kaniyang ama.Hindi na napigilan ni Marco ang lumuha sa mga narinig.

“Tay, sorry… Tay, labas ka na diyan, papasok na ako, Tay. Bilisan mo…” tanging nasabi niya sa kaniyang ama.

“Nak, basta lagi mong tatandaan, na proud na proud ako sa’yo. Ang tagumpay mo, ay tagumpay ko rin, namin ng nanay mo…” mahinang sabi ni Mang Berto sa anak.

“Tay! Hindi! Lumabas ka na diyan… malapit na ako sasalubungin na kita, Tay…” muli niyang sabi sa ama habang humahangos. Isang kanto na lamang ang layo niya sa hotel.

Hindi na natapos ang kanilang pag-uusap ng biglang naputol na ang linya at isang malakas na pagsabog ang bumingi sa kaniya. Nakita niya kung paano nilamon ng apoy ang bandang itaas ng hotel.

Nakatayo lamang si Marco sa malayo habang nakatulala sa umaapoy na gusali kung nasaan ang kaniyang ama. Malaking pagsisisi ang naramdaman ni Marco dahil hindi niya kailanman napasalamatan ang ama sa lahat ng sakripisyo nito sa kaniya. Hindi man malaki ang kita ng ama ay hindi naman ito sumuko na mahalin at protektahan siya hanggang dulo. Ni di man lang niya nasabing, “Tay, salamat po”.

Hindi mapatid ang luha ni Marco nang ilahad niya ang lahat ng ito sa harap ng mga pulis. Natuto siya ng isang napakahalagang leksyon sa masakit na paraan, iyon ay ang pahalagahan at ipakita ang pagmamahal sa mga mahal niya sa buhay bago pa mahuli ang lahat.

Advertisement