“Nay! Nandiyan na ulit si mamang Bumbay!” wika ng labing-dalawang taong gulang na bata.
“Hala naku! Alam mo na ang gagawin Tin-tin ha!” sabi ni Aling Fely na natatarantang pumasok sa silid.
Gaya ng nakagawian, sinilip ni Tin-tin ang lalaki mula sa bintana at pumwesto na sa may tabi ng pintuan. Pagkakatok nito, ay bumilang muna siya ng isa hanggang sampu at saka binuksan ang pinto.
“Ay… wala po dito si Nanay,” inosenteng sabi niya.
“May iniwan ba pera Mama mo?” tanong ng lalaki.
Umiling lang si Tin-tin habang pinananatili ang inosenteng mukha.
“Sabihin na lang Mama mo, galit na ako dahil di siya hulog sakin utang niya,” tugon muli ng lalaki.
“Sabihin mo pahuli ko siya kung di niya balik pera ko ha,” dagdag pa nito. Tumango lamang si Tin-tin habang kagat-kagat ang kaniyang hintuturo. Nakatingin siya paitaas dahil matangkad na di hamak ang lalaki. Umalis na rin kaagad ang lalaki matapos sumilip-silip sa loob ng kanilang bahay. Pagkalayo pa nang kaunti, huminga nang malalim si Tin-tin at saka lumingon sa nanay niyang nakatago lamang sa kaniyang silid.
“Ano Tin? Wala na?” tanong ng ina.
“Wala na, Nay,” sagot naman niya.
“Hay.. buhay!” sigaw ng Nanay ni Tin-tin habang naglalakad palabas ng silid.
“Buti na lamang ay nakita mo kaagad si Bumbay. Kung hindi yari na naman ako doon. Kulit-kulit pa naman non. Hindi pa mapakiusapan. Magbabayad din naman eh!” sambit ng kaniyang Nanay.
“Pag may pera nga lang!” biglang biro ng ina at saka bumungisngis dahil naisahan na naman niya ang Bumbay.
Hindi na bago ito para kay Tintin dahil mula bata pa lamang siya ay ganito na ang tinuro sa kaniya ng ina.
“Kapag may naghanap sa akin, lagi mong sasabihin na wala ako,” turo sa kaniya ng ina.
“Paano po kung nandito naman kayo sa bahay?” tanong ng inosenteng bata.
“Basta sabihin mo wala! Galingan mong pag-arte, kung hindi ay wala tayong makakain ‘pag pinanghulog ko sa utang ang pera ko,” sabi pa nito sa naiiritang tinig.
Mahilig kasing mangutang si Aling Fely kahit na wala naman itong trabahong mapagkukuhanan ng pambayad. Simula nang pumanaw ang asawa ay umaasa lamang sila sa tulong ng mga kamag-anak ni Aling Fely. Kung minsan ay ume-extra ito sa karinderya sa kanto ngunit madalas ay puro hingi lang ito. Matagal na nila itong ginagawa. Siya palagi ang pinahaharap ng ina sa mga pinagkakautangan nito, kaya naman si Tintin ay kinagisnan na ang pagsisinungaling. Naging normal na sa kaniya, nakikita naman niya na natutuwa ang ina sa kaniya.
“Tin-tin!” nangingibabaw ang boses ni Aling Fely sa buong bahay.
Nang marinig iyon ni Tintin ay mabilis naman siyang sumagot.
“Po, Nay!” pasigaw rin niyang sagot.
“Itaya mo ako doon kina Mang Boy, eto ang mga numero oh. Tanungin mo na din anong lumabas ngayong araw, hindi na naman mabuksan ang cellphone ko. Malay natin baka pagkakataon ko na at ako ang tumama,” ani ng ina kay Tin-tin habang inaabot ang maliit na papel sa bata at bente pesos.
“Si Nanay naman!” isip-isip ni Tin-tin dahil nabulabog siya mula sa pag-lalaro, pero tumalima rin kaagad.
Napakahilig tumaya si Aling Fely sa lotto. Para sa kaniya, ang pakikipagsapalaran lamang sa swerte ang pag-asa niya upang makaangat-angat sila sa buhay. Kaya naman, araw-araw ay hindi ito pumapalya sa pagtaya.
Paglabas ng pinto ay dumiretso siya sa may lotohan, patagong nagdabog si Tin-tin dahil naiinis na naistorbo sa paglalaro.
“Taya taya pa ng mga ganito! Hindi naman siya nanalo kahit isang beses! Sayang lang ang pera” palihim na himutok niya.
Nang malapit na sana sa lotohan, may nakita siyang tindahan kung saan may larong bunot-bunot na kapalit ay sisiw at mga laruan. Nahalina si Tin-tin dito kaya tumigil muna siya upang manood dito kasama ang mga kaibigan niya. Hanggang sa magdilim na, doon pa lamang niya naalala ang utos ng ina. Mabilis siyang tumakbo papunta sa lotohan.
“Hay, nakarating din!” masayang wika ng bata sa sarili nang marating ang bahay.
Kumakanta-kanta pa siya nang maalala ang papel na naglalaman ng mga numero. Kinapkapan niya ang sarili at doon niya napansing nawawala ang papel na naglalaman ng mga numero na binilin ng ina . Kinabahan si Tin-tin dahil alam niyang papagalitan lamang siya ng kaniyang ina.
“Lagot ako kay Nanay. Sabihin nun ang tagal tagal ko tapos nawala pala yung papel,” sabi niya sa sarili.
“Naku. Lagot talaga ako kay Nanay!” dagdag pa niya.
Habang nakatayo sa tapat ng lotohan, kinakabahan siya dahil alam niyang magagalit ang ina kapag hindi siya tumaya. Ngunit nakaisip siya ng paraan upang makalusot dito.
“Aha! Gagawa na lang ako ng number! Ako na ang bahala. Tutal hindi naman talaga lumalabas ang mga numero ni nanay. Lagi niya tinatayaan, kahit kailan naman ay hindi tumatama,” sabi ng bata sa sarili.
Ginawa nga niya ito at ligtas na nakauwi sa bahay nila.
“Oh nasaan na yung ticket?” tanong ni Aling Fely sa anak nang makita niyang naglalaro na si Tin-tin sa sala.
“Ha.. Ah.. Nay! Nandoon na sa taas ng damitan natin sa kwarto. Nilagay ko na doon tulad ng dati,” sagot naman ni Tin-tin sa ina. Kinakabahan man ngunit magaling na siyang magsinungaling kaya hindi siya nito nahalata.
“Ayos ah. Good girl!” puri ni Aling Fely sa anak.
Kinabukasan, nagising si Tin-tin dahil sa ingay. Pagtingin niya ay nakita niya ang kaniyang ina na tila ba may hinahanap sa kanilang damitan.
“Nay…” inaantok niyang sabi.
“Tin-tin… Tin-tin… nasaan ang ticket? Yung kahapon sa lotto!” sigaw ng ina kay Tin-tin.
Napatayo kaagad si Tin-tin sa narinig mula sa kaniyang ina.
“Ha… nandiyan lang, Nay. Sa may taas ko lang nilagay sa bandang kaliwa…” pagpapaliwanag ni Tin-tin.
Inisa-isa ni Aling Fely ang mga ticket na nandoon at noo’y nanginginig pa dahil sa tuwa. Ngunit nang matagpuan ang hinahanap…
“10-42-68…” bigkas niya sa sarili ng basahin ang nasa ticket.
“Tin-tin! Hindi ito yung numero na sinabi ko sayo! Lintik kang bata ka, bakit iba to?!” galit na galit na sabi ni Aling Fely.
“Ho…Nay…” mahinang sabi naman ni Tin-tin na mangiyak-ngiyak na sa pagkakataong ito.
“Tin! Nasaan na yung papel! Nanalo na tayo Tin!” sigaw ni Aling Fely.
“Nay… y-yan ho yung tinayaan ko. Na-nawala kasi yung papel na binigay mo…k-kahapon” mahinang sabi ni Tin-tin na nagsimula ng humikbi.
“Ha?! Bakit ka nagsinungaling Tin-tin! Bakit? Ha!” sigaw na tanong ng ina kay Tin-tin.
“Nay…patawad po” sagot naman ng bata atsaka pumalahaw ng iyak.
Tuluyang napaupo si Aling Fely sa kama, naghihina ang kaniyang tuhod. Lagpas kalahating milyon sana ang tatamaan niya, lagpas kalahating milyon na babago sana sa buhay nila…
“Dalawang daang libong piso Tin. Dalawang daang…” nahahapong sabi nito. Patuloy sa paghingi ng patawad ang bata sa ina, lumakas ang iyak nito at niyakap ang ina.
“Sorry na po, patawarin niyo na po ako Nay,” sabi nito sa gumagaralgal ng tinig.
Nang marinig ito ni Aling Fely, naisip niyang siya naman talaga ang nagturo sa bata na magsinungaling at gumawa ng kuwento. Kaya naman hindi na niya mapigilan ang pag-iyak.
“Tin-tin, anak. Patawarin mo ako dahil ganito lang si Nanay… Hindi ako naging mabuting ina sa’yo at tinuruan pa kitang magsinungaling. Pasensya na, Nak. Hindi mo kasalanan ang nagyari. Pangako, magiging isa na akong mabuting ina sa’yo…” malambing na sabi ng ina sa anak habang ito’y umiiyak din.
Nagagalit man at nanghihinayang sa malaking premyo ay naisip niyang hindi maaaring ibunton ang lahat ng sisi sa musmos na anak. Siguro ay kailangan talaga munang mangyari iyon upang matauhan siya sa mga maling paraan niya ng pagpapalaki dito
Mula noon, nagpasya siyang hindi na niya tuturuan magsinungaling ang anak at magsisikap na sa pagkayod para sa kanilang dalawa upang hindi na umaasa sa mga kamag-anak. Napagtanto niyang hindi suwerte kung hindi pagpapala ang kailangan nila, ngunit hindi sila pagpapalain kung wala rin siyang gagawin.