Inday TrendingInday Trending
Napariwarang Landas

Napariwarang Landas

“Oh Mariel, nandito na naman si Mr. Chua. Naka-book ka na naman sa kanya sa buong gabi. Aasahan kong gagalingan mo ulit ha?” tumango nalang si Mariel sa kanyang boss.

Isang buong gabi niya na namang titiisin ang matandang intsik na regular customer niya. Isang mayamang negosyante si Mr. Chua na naging regular sa kanilang club dahil sa kanya. Malakas kasi ang tama ng matandang intsik sa kanya.

Isang bayarang babae na nagtratrabaho sa isang mamahaling club sa Maynila si Mariel. Isa siya sa mga pinakamahal na babaeng pwedeng rentahan sa naturang club. Bata pa kasi siya at mamahalin ang kanyang ganda.

Natapos ang gabi at nabigyan naman ni Mariel nang maayos na serbisyo si Mr. Chua gaya ng inaasahan. Sobrang natuwa pa nga ang matanda at nakapag-uwi pa siya ng malaking bonus. Labis naman iyong ipinagpasalamat ng dalaga dahil matindi din sa ngayon ang kanyang pangangailangan dahil sa nagkasakit ang kanyang anak at kinakailangang dalhin sa ospital. Mabuti na lamang at may kaibigan pa siyang nagpa-utang sa kanya, kaya naman nadala niya ang bata sa ospital sa lalong madaling panahon.

Bago siya umuwi ay dumaan na muna sa tindahan ni Aling Diane at bumili ng agahan nila ng kanyang anak, pati na rin sa kaibigang pinaki-usapang magbantay na muna sa bata.

“Oy bes, maraming salamat sa pagbabantay sa anak ko, ha? Ito na pala yung utang ko sayo nung isang araw. Mabuti na lamang at nagbigay ng malaking bonus ngayon si Mr. Chua,” saad ng dalaga sa kaibigan.

Galing probinsya si Mariel at nagpunta sa Maynila para mag-aral, ngunit sa kasamaang palad ay napasama siya sa mga maling barkada at hindi sinasadyang nabuntis. Labis siyang nahihiya sa kanyang sinapit at wala nang mukhang maihaharap sa kanyang pamilya kaya naman pinutol niya ang kumunikasyong mayroon sa kanyang pamilya at pilit na binubuhay ang kanyang anak.

Wala siyang malapitan noon at wala ring tumatanggap sa kanya dahil nga buntis siya. Napalayas din siya sa dorm na kanyang tinutuluyan dahil sa ilang buwan na rin siyang hindi nakakabayad.

Doon siya nakita at tinulungan ni Nadya, ang babaeng naging matalik niyang kaibigan. Nakita siya nito sa kalsada at malapit nang bumagsak ano mang oras. Dinala siya nito sa kanyang bahay at pinatira doon pansamantala.

Isang mamahaling bayarang babae si Nadya sa club na kanyang pinagtratrabahuan. Ito ang nagpasok sa kanya sa trabaho pagkatapos niyang manganak. Malaki din kasi ang kita roon kaya kahit nag-alinlangan man ay pinatos na iyon ni Mariel.

“Sandali lang,” sagot ng dalaga ng makarinig ng katok mula sa pinto.

Dali-dali siyang pumunta sa may pintuan para pagbuksan ang kumakatok. Nabigla at napa-atras ang dalaga sa gulat nang makita kung sino ang kanyang mga bisita.

“Ma…Pa…” hindi makapaniwalang saad ng dalaga.

“Anak ko! Ang tagal ka naming hinanap! Ang akala namin ay kung napano ka na,” mangiyak-ngiyak na saad ng kanyang ina habang mahigpit na nakayakap sa kanya.

Hindi naman makapagsalita ang dalaga sa labis na hiyang nararamdaman. Isa siyang malaking kahihiyan sa kanyang pamilya kaya naman wala na siyang karapatang maging bahagi pa nito, yun ang dahilan kaya kusa na siyang nagpakalayo-layo at iniwasan ang kanyang pamilya. Pero heto ngayon ang kanyang mga magulang at hinanap pa siya. Hindi niya napigilan ang umiyak at mapayakap sa kanila nang mahigpit habang paulit-ulit na humihingi ng tawad sa lahat ng kanyang pagkakamaling nagawa.

“Hindi ko alam kung bakit naisip mo na ikahihiya ka namin anak. Maaaring magagalit kami, normal lang iyon dahil nagkamali ka. Pero pasasaan pa’t mapapatawad ka rin namin, anak ka namin at mahal na mahal ka namin. Tatanggapin ka namin maging sino ka man o kung ano mang magkakamali ang nagawa mo, dahil mga magulang mo kami,” malugod na pahayag ng kanyang ama na labis na nagpaluha ulit sa dalaga.

Nalaman pala ng kanyang mga magulang ang lahat ng nangyari sa kanya dahil kay Nadya. Ito ang naghanap rin sa kanyang mga magulang upang ipahatid ang kanyang kalagayan. Ito rin ang nagpaliwanag ng lahat sa kanila kaya naman sobrang laki ng kanyang pasasalamat sa matalik na kaibigan.

Bago tuluyang umalis at sumama pabalik sa kanilang probinsya si Mariel at ang kanyang anak para makapagsimulang muli ay nagpasalamat muna siya kay Nadya. Ito ang kanyang naging sandalan at nagsilbing liwanag sa mga oras na sobrang dilim ng kanyang mundo, buong buhay niyang tatanawing utang na loo bang ginawa nito para sa kanya.

May mga oras sa ating buhay na nakakagawa tayo ng mga pagkakamaling sa tingin natin ay maghahatid satin sa katapusan ng kung ano man ang meron tayo, pero sana, imbis na iwasan o takbuhan ito ay magawa nating harapin ang magiging bunga ng kasalanang ating nagawa. Dahil sa huli, tayo at tayo pa rin ang maghihirap dahil sa kasalanang ating nagawa. Matuto sana tayong humingi ng tawad kung tayo man ay nagkamali at matutong subukang itama ang ating mga pagkakamali imbis na takasan ito.

Advertisement