Muntik nang makasagasa si Mang Noel ng isang estudyanteng tumatawid dahil sa dami ng kanyang iniisip. Hindi niya napansin ang binatilyo nang tumawid ito, mabuti na lang at agad niyang nakalabit ang manibela at naapakan ang preno, kaya napatigil niya din agad ang sasakyan. Agad siyang lumabas para tingnan ang binatilyo.
“Nako hijo, ayos ka lang ba? Pasensya ka na at hindi kita nakita. May masakit ba sayo? Halika ka at dadalhin kita sa pinakamalapit na ospital,” sunod-sunod na sabi ni Mang Noel sa binatilyo.
“Nako, ayos lang po ako ‘tay. Hindi naman po ako napa’no. Muntikan lang po talaga. Ayos lang po ako, ‘wag po kayong mag-alala. Mag-iingat nalang po kayo sa susunod,” nakangiting sagot ng binatilyo bago nagpaalam at tumuloy sa kanyang paglalakad.
Bumalik na rin si Mang Noel sa loob ng kanyang sasakyan at nagpatuloy sa kanyang pagmamaneho.
Isang Taxi Driver si Mang Noel. Kadalasan namang maingat talaga ang lalaki sa kanyang pagmamaneho, sadyang napakarami niya lamang iniisip sa mga nagdaang araw. Malapit na kasing manganak ang kanyang asawa sa ika-apat nilang anak at namomroblema din siya sa pang tuition ng iba pa niyang mga anak. Malapit na kasi ang mga exams nito kaya naman bayaran na naman sa eskwelahan.
Malapit na rin silang maputulan ng tubig at kuryente dahil ilang buwan na rin silang hindi nakakabayad. Ilang buwan din kasi siyang hindi nakapasada at wala silang kinita dahil kakaopera lamang sa kanya. Nagkasakit kasi siya sa bato at kinakailangang ma-operahan. Napakalaki ng kanilang nagastos sa kanyang naging operasyon. Tanging sa pag oonline selling lamang ng kanyang asawa sila umasa at sa pangungutang sa mga kamag-anak at kaibigan.
Kaya naman nang umayos na ang kanyang pakiramdam ay agad na siyang sumabak muli sa pagtratrabaho. Pero sa sobrang dami nga kanyang iniisip ay muntik pa siyang makasagasa.
Gabi na nang makauwi si Mang Noel sa kanila. Napatingin naman siya sa kanyang asawa at mga anak na mahimbing na natutulog. Hinimas-himas niya ang tiyan ng buntis niyang asawa. Sobrang mahal na mahal niya ang kanyang pamilya at gagawin niya ang lahat para mabigyan sila ng mabuting kinabukasan.
Taimtim siyang nanalangin bago siya matulog gaya ng madalas niyang gawin. Nanalangin siya na sana ay malampasan din nila ng kanyang pamilya ang mga pagsubok na kanilang kinakaharap. Pasasaan pa at makakaahon din sila, yan na lamang ang pinanghahawakan ni Mang Noel. Ang kanyang tiwala sa plano ng Diyos para sa kanila ng kanyang pamilya.
Kinabukasan ay maagang umalis si Mang Noel upang mamasada ulit. Naging maayos naman ang takbo ng kanyang araw. Marami-rami din siyang kinita sa araw na iyon. Pauwi na sana siya ng may napansin siyang isang bag sa gilid ng kanyang sasakyan.
“Ano ‘to? Nako, sino kaya ang nakaiwan ng bag na ito,” sambit niya sa sarili at dinala na muna ang bag sa loob ng kanilang bahay.
Kinabukasan ay naalimpungatan siya dahil sa kanyang asawa.
“Noel! Noel! Saan ka nakakuha ng maraming pera na yun ha? Nagnakaw ka ba?” pabulong na tanong ng kanyang asawa sa kanya.
“Anong ibig mong sabihin?” naguguluhan niyang tanong sa asawa.
“Ito oh!” pinakita sa kanya ng kanyang asawa ang bag na nakita niya sa loob ng kanyang sasakyan. Binuksan niya ito at nakita niyang punong-puno nga ito ng pera. Hindi lang basta pera kundi dolyar! Napakaraming dolyar!
“Ibalik mo iyan at ibabalik ko iyan sa may ari. Naiwanan lang yan sa loob ng aking sasakyan kahapon,” sagot niya sa asawa.
“Ano? Bakit naman? Ito na ang sagot sa lahat ng problema natin oh!” tinignan niya naman ng masama ang kanyang asawa kaya napatahimik ito.
“Mahirap lang tayo pero mararangal tayong tao. Hindi natin kukunin ang bagay na hindi sa atin. Naiintindihan mo?” napalunok nalang ang kanyang asawa nang makita ang napakaseryoso niyang mukha at napatango.
Ini-report ni Mang Noel sa pulisya ang bag na naiwan sa kanyang bag. Agad din namang dumating ang may ari at taos-pusong nagpasalamat sa kanya. Isa palang bakasyonistang foreigner ang nagmamay-ari ng bag na naging huling pasahero niya kagabi. May jet lag pa kasi ito kaya nakalimutan ang isang bag. Mabuti na lamang at si Mang Noel ang nakahanap ng pera kundi tiyak na natangay na ito.
Dahil labis na natuwa ang foreigner sa katapatang ipinakita ni Mang Noel ay pinarangalan niya ang katapatan nito ng mahigit sa dalawang libong dolyar o mahigit sa isang daang libong peso. Labis na nagpasalamat si Mang Noel sa gantimpalang kanyang natanggap.
Nabayaran niya ang kanilang mga utang at lahat ng mga bayaring kanyang naging problema. Doon niya napatunayan na basta pala mananatili kang tapat at gagawin mo parati ang tama ay hinding-hindi ka pababayaan ng Diyos. Siya mismo ang gagawa ng paraan para malampasan ang ating mga problema sa buhay. Gaya ni Mang Noel na kahit na nagkaroon na siya ng pagkakataon na kunin ang napalaking halaga na kanyang natagpuan ay mas pinili niya pa rin na gawin ang tama, at dahil rito ay nakatanggap siya ng gantimpala dahil sa kanyang katapatan.