Abalang-abala si Patricia habang ginagawa ang assignment niya sa major niya sa Accounting. Nasa unang taon kasi siya ng kolehiyo at BS Accountancy ang kinuha niya. Pangarap niya kasing maging isang CPA o Certified Public Accountant. Kaya naman kahit hirap na hirap sa kursong kinuha ay ginagawa niya ang lahat at pilit na inilalaban ang pangarap niya.
Ito ang pangarap niya ngunit hindi inakala ng dalaga na ang kursong napili din pala ang makakapagpaiyak sa kanya ng todo. Halos humagulgol siya parati sa tuwing hindi niya nababalance ng mga gawa niya, at kulang naman magpaparty siya sa tuwing nasasagutan niya ng tama ang mga problems. Ganun ang naging epekto ng Accounting sa dalaga.
Hindi napigilan ni Patricia ang umiyak dahil hindi nag balanse ang pinaghirapang gawa niya. Ilang oras niyang ginawa tapos mali pala! Wala siyang pakialam sa kanyang paligid kahit na lumalakas na ang iyak niya. Paano ba naman wala na siyang oras ulitin iyon dahil malapit nang mag-time at next subject niya na ang Accounting!
Napatigil siya sa pag-iyak ng bigla na lang may nag-abot sa kanya ng isang panyo. Pero mas nagulat siya nang makita kung sino ang nag-abot nito sa kanya, pakiramdam niya umurong yung mga luha na lalabas palang dapat sa mga mata niya. Yung crush niya! Inaabutan siya ng panyo ng lalaking matagal na niyang tinatanaw mula sa malayo.
Sa sobrang hindi makapaniwala ang dalaga sa nangyayari ay napatitig lamang siya sa mukha ng binata, kaya naman ito na ang nagpunas ng kanyang mga luha. Pagkatapos nitong punasan ang kanyang mukhang puno ng luha ay naupo ito sa kanyang harapan. Sobrang gwapo pa rin talaga ng binata at sobrang lakas ng dating. Hindi talaga makapaniwala si Patricia sa nangyayari.
Doon sila nagsimulang maging malapit sa isa’t isa. Natutuwa din kasi ang binata sa dalaga kasi nakikita niya talagang mahal nito ang kurso nito kasi kahit sobra itong nahihirapan ay hindi ito sumusuko. Madalas man itong umiyak ay hindi niya naman narinig kahit isang beses na umayaw ito o ginustong sumuko na dahil sa nahihirapan siya. Kitang-kita niya kung paano lumaban ang dalaga para sa pangarap niya.
Parati namang pinapalakas ng binata ang loob ni Patricia na naging sanhi ng lalong pagkahulog ng loob ng dalaga sa binata. Lagi siya nitong tinutulungan at pinapatahan sa tuwing nahihirapan siya sa kurso niya.
Hanggang sa hindi niya na mapigilan ang umamin sa kanyang nararamdaman sa binata. Inamin niya ang kanyang pag-ibig na nararamdaman para rito.
“Mahal kita. Matagal na kitang mahal,” pag-amin niya sa binata habang nakatitig sa mga mata nito.
Tinitigan lang siya ng binata at bigla lang napayuko. Hinawakan niya ang kamay ni Patricia at tinitigan siya sa mata, kitang-kita ng dalaga ang lungkot sa mga mata nito. Kinakabahan siya, pakiramdam niya ay hindi maganda ang sasabihin ng binata.
“Sorry Pat, pero alam mo naman na parang kapatid lang ang turing ko sayo diba? Sorry,” pakiramdam ni Patricia ay nawasak ang kanyang puso sa kanyang narinig. Bigla namang binitiwan ng binata ang kanyang mga kamay at naglakad palayo sa dalaga. Walang nagawa si Patricia kundi umiyak ng umiyak. Sobra talaga siyang nasaktan sa nangyari. Akala niya kasi may pag-asa eh.
Lumipas ang mga araw hanggang sa nabalitaan niya nalang na lumipat na pala ng eskwelahang pinapasukan ang binata. Iyak siya ng iyak nang mabalitaan niya iyon. Ganun nalang ba kaayaw sa kanya ng binata para lumipat pa talaga ito ng eskwelahang pinapasukan? Nawawalan na ang dalaga ng focus sa pag-aaral dahil sa kaiiyak hanggang sa isang araw habang nakatingin siya sa salamin sa CR ng kanyang kwarto ay nakapagdesisyon siyang babaguhin niya ang sarili niya. Babangon siya. Magiging CPA siya gaya ng kanyang pangarap.
Nagsikap si Patricia hanggang sa makatapos siya at kumuha ng board exam na nagawa niya rin namang maipasa. Nagpaganda din siya, ginawa niya ang lahat para pumuti at kuminis. Nang sa susunod na magkita sila ng binata ay baka magustuhan na siya nito. Kaya kahit marami na ang nakakandarapa sa kanya ay ang binata pa rin talaga ang laman ng puso’t isipan niya.
Naging isang ganap na CPA na siya at nag-apply sa iba’t ibang kompanya. May isang kompanya siyang in-applyan na parang pamilyar ang pangalan sa kanya. Natanggap siya sa kompanyang iyon at ito rin ang naging una niyang kompanyang pinasukan.
Ngunit laking gulat ng dalaga nang makita niya ang binata sa kompanya nila isang araw. Bagama’t nagulat din ito nang makita siya ay nginitian din naman siya nito.
“Pat? Ang laki na ng pinagbago mo ah? Ay, congrats pala! Nabalitaan kong CPA ka na! Sabi ko naman sayo kaya mo eh,” nakangiting saad ng binata kay Patricia. Ngumiti lang si Patricia. Pinaghalong saya at lungkot ang nararamdaman niyang makaharap ulit ang dating pag-ibig.
“Salamat,” maikli niyang sagot sa binata habang nakatingin sa mga mata nito. Kaytagal niyang ginustong sabihin iyon sa binata. Isa kasi itong malaking dahilan kung paano siya nakaabot kung nasaan man siya ngayon.
“Para saan naman? Wala naman akong ginawa ha?” sagot nito sa dalaga.
“Dahil ikaw lang ang naniwala sa’kin na magiging CPA ako noon. Kahit kasi sarili kong pamilya ay hindi nagawang maniwala na kaya ko, kaya salamat. Maraming maraming salamat sayo Alex,” puno ng sinseridad niyang pasasalamat sa binata.
Napag-alaman niyang ang pamilya pala ni Alex ang nagmamay-ari ng kompanyang kanyang pinasukan. Kaya naman pala medyo pamilyar sa kanya. Naging magkatrabaho sila hanggang sa nagkalapit ulit sila ng loob.
Nagpaliwanag ang binata sa totoong nangyari bago ito lumipat ng eskwelahan. Sinadya talagang lumipat ni Alex para mailayo siya sa pamilya ng binata. Natakot kasi siya na may gawin ang kanyang pamilya sa dalaga. Nakatakda kasing ikasal si Alex sa anak ng isang business partner ng kanyang papa, at dahil nga sa madalas silang makitang dalawa na magkasama ay natakot siya sa maaring gawin ng mga ito sa dalaga. Matagal na rin pala siyang mahal ni Alex, kaya naman ginawan niya muna ng paraan ang nakatakdang kasal na para sa kanya.
Mabuti na lamang at may mahal ding iba ang babaeng nais ipakasal sa kanya kaya naman nagkasundo ang dalawa na gumawa ng paraan para hindi matuloy ang kasal. Nagpabuntis sa lalaking kanyang minamahal ang babaeng nakatakda sa kanya na siyang naging dahilan ng tuluyang pagkaputol ng koneksyon ng dalawang pamilya.
Halos walang tigil ang luha sa mga mata ni Patricia nang marinig ang pag-amin sa kanya ni Alex. Muli silang nagsimulang dalawa, at sa pagkakataong ito ay wala nang hahadlang pa sa pag-iibigan nila. Madami man silang pinagdaanan, ngunit sa huli ay sila pa rin pala ang magkakatuluyan. Ganyan talaga ata pag tunay na nagmamahalan, marunong maghintay ng tamang pagkakataon at handang magsakripisyo para sa kapakanan ng taong minamahal.