Kalye Trese

Mula sa maingay na bar kung saan siya nanggaling ay pagewang-gewang si Mia na lumabas ng gusali.

Umaalon ang kanyang paningin. Kanina ay hindi niya nararamdaman ang hilo ngunit mukhang tumama na ang espiritu ng alak sa kanyang sistema ngayon-ngayon lamang.

“Mia! Saan ka pupunta?” tinawag siya ng kaibigan na si Gwen. Hinawakan siya nito sa kanyang braso.

“Uuwi na ako,” sabi niya rito sa magulong pagbigkas.

“Anong uuwi? Delikado na! Wala ka pang kasama!”

Sa kabila ng alkohol na dumadaloy sa kanyang sikmura ay nagawa niya pa ring umiling dito. Alam kasi niyang hindi siya nito mapipilit. At mas lalong hindi siya papayag na samahan siya nito pauwi.

“Kaya ko, nakainom lang ako, Gwen. Pero di pa naman ako lasing,” aniya at ngumisi pa sa kaibigan.

Umiling ito at hindi kumbinsido sa kanyang sinasabi.

Advertisement

“Hahatid na kita!”

Umangal agad siya sa suhestiyon iyon. Kaarawan nito kaya dapat ay magpakasaya ito doon.

“Hindi na, hindi na! Kaya ko na!” Pangungumbinsi niya pa lalo.

Tinignan niya ng mariin ang kaibigan. Sa tingin niya ay pareho na silang lasing. Mas matindi lang ang sa kanya dahil tuloy-tuloy ang inom niya.

Hindi niya alam kung paano niya ito makukumbinsi. Kahit na anong pilit ay di siya pumayag. Nang may dumaang jeep ay sumakay na siya agad para wala itong magawa.

Sa antok, pagod at alkohol sa kanyang sistema ay hindi niya na inalintana kahit na maraming pasahero.

Pinilit niya na makipagsiksikan sa mga ito. Nilingon pa niya ang kaibigan at nakangisi siya nang kumaway.

“Ingat!” sigaw nito sa kanya.

Advertisement

Pinanood niya ito habang tumatakbo ang sinasakyan. Dumukot siya ng barya sa kanyang bulsa.

“Bayad, ho!” aniya sabay abot sa isang pasahero na mas malapit.

Hindi ito gumalaw. Ni hindi siya nilingon.

“Makikiabot.” ulit niya ngunit kagaya ng nauna ay walang pumansin.

Bumuntong-hininga si Mia para tumayo. Sapilitan iyon dahil sa kanyang hilo.

“Bayad ho, manong!” aniya at inabot ang barya sa nagmamaneho na agad nitong tinanggap.

Iniisip niya na halos madaling araw na at malamang ay mga pagod na ang mga kapwa pasahero mula sa trabaho kaya inintindi na lamang niya ang mga ito.

Pumikit siya sandali. Mabilis siyang nakatulog at nang pagkatapos ng sa tantiya niya ay tatlumpung minuto na ang nakakalipas.

Advertisement

Tinignan niya ang paligid mula sa bintana. Ang madilim na kalsada ang bumungad sa kanya.

Kalye Trese, nakasulat sa kalsada. Nagulat siya nang makita na pamilyar pa rin ang daan. Tatlumpung minuto na ang nakakaraan, ayon sa oras sa kanyang cellphone.

Dapat ay nasa bahay na siya ngunit bakit naririto pa rin siya? Tila hindi nga umalis ang jeep.

“Manong, mabigat ba ang traffic? May aksidente?” tanong niya na inignora nito.

Pilit niyang tinignan ang paligid ngunit nabigo siya.

“Siguro, may aksidente…” Bulong niya.

Alam niya kasing marami ang naaksidente sa lugar na iyon. Madilim kasi ang daan at paliko-liko. Nagdasal siya para sa kaligtasan at muling pumikit.

Nang dumilat ulit siya ay nakahinto na ang jeep malapit sa terminal. Bumaba siya at tinignan muna ang kanyang sinakyan. Tinandaan ang plate number nito.

Advertisement

Isang sakay pa patungo sa kanilang bahay. Nang makauwi ay sinalubong siya ng kanyang ina ng tanong.

“Anak, ba’t ngayon ka lang? Ang sabi ng kaibigan mo, kanina ka pa raw umalis? Malapit lang naman ang pinuntahan nyo ah.”

Binigyan siya nito ng malamig na tubig. Uminom naman agad siya at tinignan ang ina.

“Medyo matrapik, ‘nay. May aksidente ata sa daan.” Matapos ng pag-uusap ay nakatulog siya. Masakit ang kanyang ulo nang magising sa katok.

Binuksan niya iyon at nakita niya si Gwen sa pinto.

“Anong oras ka nakarating?” tanong nito kaagad.

“Hmm? Bakit?” Hindi niya ito sinagot.

“Sabi ni Tita, late ka na raw nakauwi. Nag-alala ako sa’yo ha. Dapat susunod na ako, e kaso pinigilan ako ni Owen,” tukoy nito sa isa pang kaibigan.

Advertisement

Tumango lamang siya rito at bumalik sa paghiga. Umupo ito sa kanyang kama.

“Mabuti di ka sumunod. May aksidente ata kagabi sa daan, ang tagal kong natrapik,” aniya na inuulit ang pagpapaliwanag gaya ng sinabi sa kanyang ina.

“Anong aksidente? Sa’n banda?”

“Kalye Trese. Alam mo namang marami talagang naaaksidente dun. Wag ka na magulat.”

Tumango ito at kinuha ang kanyang cellphone. Ilang minuto itong nagpipindot pindot bago siya ulit kinalabit.

“Eto pala sinasabi mo? Oo nga no, grabe pala! Ang daming nasawi! Isang buong jeep ba naman!”

Nanlaki ang mata niya. Hindi niya akalain na ganoon katindi ang aksidente.

“Patingin!” kinuha niya ang cellphone mula rito at mas lalo siyang namutla nang makita ang plaka ng jeep.

Advertisement

“Dito ako sumakay kagabi, Gwen!” Takot niyang sinabi sa kaibigan.

“Ha? Anong sinasabi mo?” naguguluhan nitong tanong.

Ikinuwento niya ang nangyari. Hindi rin matandaan ng kaibigan, dahil pareho silang lasing kagabi ngunit sigurado siya!

“Magdasal na lang tayo para sa kanila,” sabi nito. Nagtirik sila ng kandila at taimtim na nagdasal para sa ikakatahimik ng mga ito.

Ang gabing iyon ay nanatiling misteryo pa rin kay Mia. Subalit labis na pasasalamat niya dahil nakauwi pa rin siya ng ligtas at walang pinsala sa katawan.

Magmula rin noon ay hindi na muling nagpapagabi at uminom si Mia sa takot na baka sa susunod ay maulit na naman ang misteryong nangyari o mas malala ay siya na mismo ang masangkot sa malagim na aksidente tulad noon.