Mapagbiro. ‘Yan si Elle. Mahilig siya sa mga pranks o sa pagsasagawa ng kung ano-anong kalokohan para sa kanyang katuwaan.
Mayroon kasi siyang YouTube channel at doon niya inilalagay lahat ng kalokohang nagawa niya na – may mga talaga namang nakakatawa, yung iba nama’y nakakatakot.
“Ikaw, Elle, mag-ingat ka sa prank na yan, ha? Baka makasakit ka, o ikaw ang masaktan,” ang laging paalala sa kanya ng mga kaibigan.
Hati naman lagi ang opinyon ng tao. Mayroong mga naiintindihan na ang lahat ay para sa “katuwaan lang,” pero may mga nagsasabi na hindi naman daw dapat lahat ginagawang biro.
“Elle, ano na naman yang niluluto mong kalokohan sa bago mong vlog?” tanong ni Vince, ang matalik niyang kaibigan, na kagaya niya ay mahilig ding gumawa ng video.
“Basta, sikreto. Malalaman mo din naman kapag nagpatulong ako sa’yo mag-edit ng video,” natatawang sabi ni Elle sa kaibigan.
Si Elle naman ay lihim na nagbubunyi dahil mukhang hindi man lang nakakatunog si Vince na ito ang susunod na biktima sa kanyang nilulutong vlog.
Dumating na ang araw na pinakahihintay ni Elle. Ang kaniyang kaarawan. Yun ang araw na isasagawa niya ang prank. Simple lang naman ang prank – papakainin niya ito ng maanghang na ice cream. Ang avocado ice cream, na paborito nito, ay hahaluan niya ng wasabi.
Naiiyak pa naman siya ‘pag sobrang anghang ng pagkain! Natatawa niyang naisip.
May nilagay siyang nakatagong camera sa kanilang kusina kaya naman sigurado siyang magiging matagumpay ang vlog niyang iyon.
Maya-maya pa ay makikita na sa video ang pag-uusap ng dalawa hanggang sa ilabas na ni Elle mula sa kanilang ref ang ice cream.
“Wow! May pa-birthday ice cream ka sa’kin? Ayos na din kahit walang cake,” natutuwang sabi ni Vince at agad agad kumuha ng kutsara para lantakan ang paborito nitong flavor ng ice cream.
Nasa pangatlong kutsara ng ice cream si Vince nang unti-unting magbago ang mukha nito. Napakunot ang noo nito at tumigil sa pagnguya.
Natawa si Elle. Mukhang nalasahan na nito ang anghang.
“So, kumusta, masarap?” nang-aasar na tanong niya at inilabas na ang kaniyang cellphone upang makuhanan nang mas malapit ang mukha nito.
Ngunit tila wala itong narinig at tinutop ang dibdib nito na tila nahihirapan itong huminga.
“A-allergic ako sa w-wasabi!” hirap na salita nito.
Tinakasan ng kulay ang mukha ni Elle. Hindi niya alam! Napakaraming wasabi ang nilagay niya sa ice cream!
Nagsimula nang magpanic si Elle. Tumakbo siya sa kaibigan upang hindi ito mahulog sa kinauupuan. Tarantang nilapitan ni Elle ang kaibigan. Hindi niya malaman ang gagawin, at nagsisimula nang mawalan ng malay ang kaibigan.
“Vince!” naiiyak na tapik niya sa pisngi ng kaibigan nang tuluyan na itong mawalan ng malay.
Buti na lamang ay dumating ang dalawa nilang kaibigan kaya naisugod agad nila ito sa pinakamalapit na ospital.
Pagdating nila ay may doctor kaagad na nag-asikaso kay Vince.
Umiiyak si Elle habang hinihintay na lumabas ang doctor na gumamot kay Vince. Kinabahan siya nang limang minuto lang ang lumipas ay lumabas na ito habang malungkot ang mga mata at bahagyang umiiling.
“Dok, ano ho’ng nangyari?”
Umiling lamang ito at nilagpasan siya. “Mga kabataan talaga, kung ano-ano ang naiisip na gawin,” narinig niya pang sabi nito.
Dun na tuluyang napalupasay sa sahig ng ospital si Elle. Sumobra ang kalokohan niya, at hinding-hindi niya matatanggap na buhay ng kaibigan niya ang naging kapalit nun.
Hinawi niya ang kurtina at tumambad doon ang katawan ng kaibigan na nakatakip ng puting kumot.
Nanginginig na dahan dahan niyang inalis ang kumot na nakatakip sa mukha ng kaibigan.
Hindi niya inakala na aabot sa ganun ang lahat.
Mariin siyang pumikit. Muling tumulo ang luha. Kaarawan niya naman, hindi ba sinasabing may birthday wish ang bawat tao? Kaya naman hiniling niya na sana ay isa lamang biro ang lahat. Napadilat lang siya nang may mumunting paggalaw na maramdaman mula sa kama na kinalalagakan ng kaibigan.
Napapitlag siya. Minumulto na ba siya ni Vince?
Muli niyang tinignan niya ito na tila natutulog lamang.
Natutulog? Kita niya pa ang marahang pagtaas baba ng dibdib nito dahil sa paghinga!
Kinusot niya ang mata. Humihinga ito!
Tila noon lang nagkaroon ng linaw sa kanya ang lahat. Isa lamang prank ang lahat!
Mariin niya kinurot ang tagiliran ng kaibigan upang kumpirmahin ang hinala. Agad naman itong napa-aray at napabalikwas ng bangon.
“Aray naman, Elle!” reklamo pa nito.
“Napaka-walanghiya mo!” Umiiyak na si Elle. Hindi dahil masama ang loob, kundi dahil natupad ang hiniling niya na isa lamang biro ang lahat.
Malakas naman na halakhak ang isinukli sa kanya ng kaibigan. Maya-maya pa ay sumungaw ang mga kaibigan nila na may dalang cake at camera, upang videohan siya.
“Happy birthday, Elle!”
Siya pala ang na-prank. Ngayon ay alam niya na ang pakiramdam. Minsan, nakakatuwa. Minsan, nagdudulot ng lungkot at takot. Kaya dapat ibalanse.
Masaya si Elle. Una, dahil natupad ang birthday wish niya. Ikalawa, natutunan niya ang isang mahalagang aral: maaring bumalik sa’yo ang mga ginagawa mo, kaya mag-iingat ka. Tandaan na anumang sobra ay hindi maganda.