Inday TrendingInday Trending
Ang Tunay na Pinakamaganda

Ang Tunay na Pinakamaganda

Magkasabay na nag-apply bilang trainee sa Hotel Terrasa sina Misha at Katelyn. Pareho kasi silang graduate ng kursong Hotel and Restaurant Management.

Simple lamang si Misha. Hindi kagaya ng karamihan sa kanyang mga kaklase, hindi siya ganun kaputi at katangkad. Hindi din siya singganda ng iba niyang kaklase.

Ngunit laging maaliwalas ang mukha ni Misha. Lagi siyang may may nakahandang napakagandang ngiiti para sa mga tao sa kanyang paligid.

Kabaligtaran ni Misha si Katelyn. Kung si Misha ay hindi pansinin, si Katelyn naman ay namumukod tangi.

Literal na namumukod tangi. Masasabi kasi na sa kanilang lahat, ito ang pinakamaganda. Gusto rin naman kasi nito na ito ang laging pinakabongga, ang pinakamaganda.

Gustong gusto naman si Katelyn ng mga boss nila dahil nga maganda ito at magaling makisama sa mga may posisyon.

“Misha, sa kitchen ngayon ang toka mo. Maghuhugas-hugas ka na muna ng mga pinggan doon. At tumulong ka sa pagse-serve,” sabi sa kanya ng manager.

“Eh ako po, Sir? Saan po ako?” pa-cute na tanong ni Katelyn dito.

Tila nabighani naman dito ang manager at malawak na ngumiti dito.

“Siyempre, sa front desk ka. Sayang naman ang ganda mo kung ilalagay kita sa kitchen, diba?” dire-diretsong sambit ng manager, tila walang pakialam sa maaaring maramdaman ng iba, lalo na kay Misha, na madalas niyang ilagay sa tagong bahagi ng hotel.

“Ay, thank you, Sir! Marunong ho talaga kayong pumili kung sino ang nababagay sa front desk,” hagikhik naman ni Katelyn, at pasimple pang lumingon kay Misha, tila ipinapamukha rito na siya lamang ang nababagay sa front desk at wala nang iba pa.

Dahil likas na mabait, tipid na lamang siyang nginitian ni Misha.

Mabilis na lumipas ang mga araw. Halos naikot na ni Misha ang buong hotel dahil halos iba-iba ang napupuntahan niya linggo-linggo ngunit si Katelyn ay nanatiling nakapwesto sa front desk, bagay na madalas nito ipagmalaki.

“May mga tao kasi talaga na pang-kusina lang,” pabiro pa nitong sabi nang may magtanong dito nung isang araw kung hindi raw ba ito nanghihinayang sa mga pwede nitong matutunan kung maa-assign ito sa ibang bahagi ng hotel.

Dumating na ang huling buwan ng mga trainee sa hotel. Bilang bahagi ng kanilang practical test, kung saan masusukat ang lahat ng kanilang natutunan, bibigyan sila ng tiyansa na mag-organisa ng isang malaking event na gaganapin sa hotel.

“Ako ang magiging overall head ng proyekto na ito,” pagboboluntaryo ni Katelyn nang magkaroon sila ng pagpupulong tungkol sa mga tungkulin nila.

“Pero, Katelyn, baka masyado kang mabigatan sa mga gawain, hindi ka naman masyadong nakapaglibot sa hotel dahil nakatengga ka lang sa front desk, diba?” pasaring ni Annie, isa sa mga trainee sa hotel.

Umugong ang bulong ng pagsang-ayon ng karamihan.

Tila napahiya naman si Katelyn sa sinabi ng katrabaho.

“E sino namang pwedeng mag-lead sa proyekto na ito kung hindi ako?” taas kilay na hamon ni Katelyn.

“Sino pa ba, e ‘di si Misha!” nakangiting suhestiyon ni Josh, isa sa mga kasamahan nila.

Nagkaroon ng malakas na ugong ng pagpayag sa bulwagan na pinagdarausan nila ng meeting.

Napairap na lang si Katelyn sa sobrang inis. Hindi makapaniwalang natalo siya ng isang kagaya ni Misha.

“Salamat sa tiwala ninyo!” nakangiting sabi ni Misha. “Galingan natin sa proyektong ito!”

Nagpalakpakan ang kanilang mga kasamahan, tiwala na magiging matagumpay ang kanilang malaking proyekto.

Dahil nga maalam si Misha sa lahat ng proseso, naging magaan ang pag-oorganisa para sa lahat. Matagal ang kanilang preparasyon kaya naman naging handa ang lahat sa pinakamalaking araw sa kanilang pagtatrabaho sa hotel.

Dumating na nga ang araw na pinakahihintay ng lahat. Kinakabahan sila ngunit excited na rin na makita ang bunga ng kanilang pinagpaguran. Kasalukuyan nilang inaantay ang mga bisita.

May ngiti sa labi ng bawat isa. Lalong-lalo na si Misha. Masaya niyang sinasalubong ng matamis na ngiti ang kanilang mga pinakamahahalagang bisita.

Sabi sa kanila ng manager ay mayroon daw panauhing pandangal nang araw na iyon ngunit hindi nito sinabi kung sino ito.

Kaya nang dumating ang pinakamagarbong kotse sa lahat ay nagkagulo ang mga nag-organisa ng event at inestima ng matindi ang kanilang panauhing pandangal.

“Sir, dito ho ang upuan ninyo,” pagturo ni Katelyn sa upuan na inilaan nila para sa espesyal na bisita.

“Sana ho ay ma-enjoy ninyo ang event,” dagdag pa ni Katelyn na hindi pa din umaalis sa tabi ng espesyal na bisita.

Bahagya naman itong tumango.

Maya-maya lamang ay may dumating na isang matandang lalaki na kakaiba ang suot sa lahat. Hindi kagaya ng iba na pormal na pormal ang kasuotan, ang lalaki ay kaswal lamang na t-shirt at pantalon ang suot, kaya naman ito ang naging sentro ng atensiyon. Nanlaki ang mata ni Katelyn nang makitang tila sa lamesa pa yata ng VIP uupo ang matanda!

Mabilis na naglakad si Katelyn at pinigil ang paglapit ng matanda.

“Manong! ‘Wag ko kayo dito, may event ho dito, lumabas na po kayo ng bulwagan!” mahina ngunit mariing sita niya sa matanda.

Kunot noo namang bumaling ito sa kanya. Tila may sasabihin ito ngunit nanahimik na lamang. Tila naghihintay ng sasabihin niya.

Nang hindi matinag ang matanda ay nagdesisyon na si Katelyn na marahang hilahin palabas ang matanda. Hawak na niya sa braso ang matanda nang dumating si Misha.

“Katelyn! Ano’ng ginagawa mo?” litong tanong nito.

“May matandang nakapasok. Hindi yata niya alam na may event dito,” paliwanag ni Katelyn na nakakapit pa din sa matanda.

Sa gulat ni Katelyn ay pinaalis ni Misha ang kamay niyang nasa braso ng matanda.

“Pasensiya na po, sir! Pasensiya na talaga,” tila hiyang-hiya si Misha sa inasta ni Katelyn.

“Bakit ka nagsosorry sa kan—” hindi na natapos ni Katelyn ang sasabihin dahil mariin na nagsalita si Misha.

“Katelyn, bisita natin si sir. Hindi tamang tratuhin mo siyang iba dahil lamang iba ang suot niya sa karamihan,” mariing bulong ni Misha sa katrabaho.

Maya-maya pa ay nagulat sila nang lumapit sa kanila ang VIP!

“Sir, bakit ganyan ang suot niyo?” nakatingin ito sa matanda.

Sir? Naisip nui Katelyn.

Natawa ang matanda. “Saglit lang naman ako. Sumilip lang ako sa event na ipinagkatiwala ko sa trainees natin.”

Trainees natin? Muling ulit ni Katelyn sa kanyang isip.

“At mukhang mapapagkatiwalaan sila,” matamis ang ngiti nto kay Misha.

“Hija, ano ang pangalan mo?” tanong nito kay Misha.

SI Misha ay mukhang litong lito din sa mga pangyayari. “Misha po.”

Lumapit na ang manager dahil sa komosyon.

“Sir!” tawag nito sa matanda. “Buti ho nakarating kayo.”

“Girls, siya si Mr. Guerrero. Siya ang may-ari ng hotel, at ang sinasabi kong espesyal nating bisita.”

Nanlaki ang mata nina Misha at Katelyn. Pawang hindi makapaniwala.

Akmang hihingi ng tawad si Katelyn sa matanda nang magsalita ito. “Misha, sana ay manatili ka sa hotel na ito. Kailangan ng hotel ng mga taong kagaya mo,” nakangiting sabi ng matanda sa dalaga.

“B-bininibigyan niyo ho ako ng permanenteng trabaho sa hotel?” hindi makapaniwalang tanong ng dalaga.

“Oo naman,” sabi naman ng matanda.

“Naku, maraming salamat ho!” hindi magkandaugagang pasasalamat ni Misha sa lalaki.

“Hindi, hija. Nagpapasalamat ako sa’yo. Sa ganitong klase ng trabaho, napakahalaga na may respeto ka sa bawat klase ng tao, mayaman man o mahirap, maganda man sila o hindi, maganda man ang kasuotan nila… o hindi.” Saglit itong sumulyap kay Katelyn na yukong yuko na.

Tuwang-tuwa naman ang mga kasamahan ni Misha nang ibalita niya sa mga ito ang sinabi ni Mr Guerrero.

“Congrats, Misha!” bukal sa loob ba sabi ni Katelyn.

Natuto na si Katelyn mula sa kanyang pagkakamali. Nalaman niya na hindi umiikot ang mundo sa magagandang bagay lamang na nakikita ng mata ng tao. Nalaman niya na hindi dapat basehan ang itsura sa pagturing sa tao.

Advertisement