Araw-araw na tinitiis ni Andrea ang trapik para lamang makapasok sa eskwelahan. Nasa kolehiyo na ang dalaga at huling semestre na niya ito at makakapagtapos na siya. Dahil sa sobrang trapik ay lubusan ang pagkainip ng dalaga. Kaya kung hindi siya nagbabasa ng leksiyon sa dyip ay nakikinig na lamang ito ng musika sa kaniyang selpon. Maaaring paalala ng kaniyang ina na laging mag-iingat paalis at pauwi ng kanilang bahay.
“Andrea, ingatan mo lagi ang sarili mo. Graduating student ka na. Alam mo naman ang mga kasabihan ng matatanda. Pero kahit ano pa ang estado mo ngayon ay dapat na pag-ingatan mo lang ang sarili mo. Tigilan mo ang kakaselpon sa dyip. Nakita ko sa balita na tuwing trapik ay parang namimitas lamang ng prutas ang mga mandurukan at kawatan,” paalala ng ina.
“’Nay, huwag nyo naman akong takutin ng ganiyan. Saka madalang lang naman po akong maglabas ng selpon ko sa dyip. Alam ko pong maraming masasama ang loob ngayon,” tugon ng dalaga. “Maaga po ako makakauwi ngayon ‘nay kasi exam lamang po namin. Mauuna na po ako at baka mahuli pa ako,” paalam ni Andrea sa ina.
“O siya, umalis ka na nga. Basta ang mga bilin ko sa’yo ha? Ingatan mo ang sarili mo at ang mga kagamitan mo. Malamang ko ay matindi na naman ang trapik dahil sabi ng tatay mo ay may ginagawa na naman daw kalsada,” dagdag pa ng ginang.
“Sige po, ‘nay. Aalis na po ako,” tuluyan nang umalis si Andrea papasok ng eskwela.
Inabot ng halos isang oras ang dapat ay dalawampu’t limang minutong biyahe lamang ni Andrea patungo sa kaniyang unibersidad. Nagmamadali siyang nagtungo sa kanilang silid sapagkat kapag siya ay nahuli ay malaki ang posibilidad na hindi na siya pakuhain ng exam. Tulad nga ng inaasahan ay nagsimula na ang iba niyang mga kaklase. Mabuti na lamang ay napakiusapan niya ang nagbabantay kaya naman pinakuha pa rin siya ng pagsusulit.
Pagkatapos ng apat na pagsusulit ay maaari nang makauwi si Andrea. Dahil ayaw niyang abutan pa ng rush hour at baka sa kalsada na siya tumira ay nagmamadaling umuwi ang dalaga. Agad siyang pumara ng dyip at sumakay sa pinakaunahan nito. Dahil sa pagod ay nakatulog si Andrea. Pagkagising niya ay laking gulat niyang kaunti pa lang ang inisuad ng kaniyang sinasakyan. Inilabas niya ang kaniyang telepono mula sa kaniyang bag upang tignan ang oras nang biglang may isang lalaking biglang humablot nito.
Pagkakuha niya sa dalaga ng selpon niya ay agad tumakbo patungo sa loob ng palengke ang lalaki. Sa pagkabigla ay napasigaw na lamang si Andrea.
“Tulong! May magnanakaw! Tulungan ninyo ako!” halos mapatid ang kaniyang litid sa pagsigaw. Binibitbit niya ang bag at bumaba sa nakahintong sasakyan at hinabol niya ang lalaki. Maraming tao sa palengke kaya hindi na niya naabutan pa ang lalaki. Dahil sa pagkagulantang sa pangyayari ay nangangtog na nagtungo si Andrea sa himpilan ng pulisya. Doon ay sinabi niya ang mga pangyayari.
Sa kabutihang palad, nang marinig pala ng isang sekyu ang sigaw ng dalaga ay agad niyang hinabol ang magnanakaw na lalaki. Sinundan niya ito at nang mahuli ay dinala niya sa mga pulis. Doon na sila nagkaharap pa ng babae. Lubusan ang pasasalamat ni Andrea sa ginawa ng sekyu. Lubusan namang nagsisi ang lalaking magnanakaw.
“Patawarin mo ako, miss. Gipit lang talaga ako. May sakit ang dalawa kong anak at hindi ko na alam kung paano at saan ako kukuha ng ipangagamot. Parang awa mo na, ibabalik ko na sa iyo ang selpon mo, huwag mo na lang ako ipakulong,” pagmamakaawa ng lalaki.
“Pangako, hindi na ako uulit pa. Ngayon ko lang ginawa ito sapagkat desperado na ako,” dagdag pa ng snatcher.
Dahil sa lubusang galit attakot ay nagdesisyon si Andrea na ikulong ang lalaki. “Sasampahan ko po kayo ng kaso sa ginawa ninyo. Kailangan ay pagbayaran ninyo itong ginawa ninyo sa akin sapagkat baka mamaya ay may iba pa kayong mabiktima. Hindi nararapat na nasa kawalan ang mga kagaya ninyo, salot kayo ng lipunan. Kapag pinatawag ko kayo ay parang sinabi ko na rin na tama ang ginawa ninyo” wika ni Andrea.
“Tama ka diyan, hija. Modus talaga ang mga ganitong senaryo. Kunwari ay may malalang sakit ang mga anak, yun pala ay gagamitin lamang sa bisyo,” sambit ng isang pulis.
“Maniwala ka sa akin. Totoong may sakit ang dalawang anak ko. Miss, naibalik naman na sayo ang selpon mo, baka pwedeng pakawalan ninyo na ako dito. Kailangan nila ako, natuto na ako!” muling pagmamakaawa ng lalaki.
Tuluyang nakulong ang magnanakaw. Sa pagdinig ng kaso sa korte ay nakilala ni Andrea ang asawa ng lalaki. Maging ito ay nakiusap sa dalaga na pakawalan na ang mister ngunit naging matigas ang dalaga.
Ngunit hindi maintindihan ni Andre kung bakit hindi mawaglit sa kaniyang isipan ang mga sinabi ng mag-asawa na may sakit ang dalawa nilang anak. Dahil dito ay pumunta si Andrea sa ospital na sinasabi ng dalawa upang patunayan kung tama ang mga sinasabi nito. Doon ay natagpuan niya ang dalawang anak ng magp-asawa at totoo ang kanilang sinasabi. Malubha ang lagay ng mga bata. May kumplikasyon ang dalawa sa atay at kailangan na silang mabigyan ng operasyon. Dahil sankanilang kalagayan at sa laki ng pera na kinakailangan ng lalaki ay nagawa niya ang ganito.
Nilapitan ni Andrea ang misis. “Pakakawalan ko na po ang asawa ninyo. Sa pangako na kahit kailangan ay hindi na po ito mauulit. Naiintindihan ko po na nagagwin ng magulang ang lahat upang maisalba ang kanilang naghihirap na anak. Kahit pa kumapit ito sa patalim. Sa mata ng Diyos at sa mata ng tao ay mali ang kaniyang ginawa ngunit ngayon ay higit ninyo siyang kailangan,” pahayag ni Andrea.
Tuluyan nang iniatras ni Andrea ang kaso laban sa lalaki at nakalaya na rin ito. Laking pasalamat niya sa dalaga. Simula noon ay hindi na niya inisip pa na gumawa ng masama. Lumapit ang mag-asawa sa iba’t-ibang institusyon upang sila ay matulungan. Kahit na nasawi ang isang anak ay naisalba naman nila ang buhay ng isa nilang anak. Malaki ang pasasalamat ng lalaki kay Andrea sapagkat kung hindi siya pinalaya nito ay baka dalawang anak pa niya ang nakalibing ngayon.
Makalipas ang ilang buwan ay ginabi na ng uwi ang dalaga. Natatakot siya sapagkat sa kaniyang paglalakad upang makasakay ng dyip ay nakarating siya sa lugar kung saan siya nanakawan noon ng telepono. Isang lalaki ang laumapit sa kaniya at akmang aagawin ang kaniyang bag nang biglang isang lalaki naman ang pumigil dito.
“Pare, hindi sagot ang paggawa ng masama sa kung ano mang dinadala mo ngayon. Ibalik mo na ang bag sa kaniya at humingi ka ng tawad,” sambit ng lalaki.
Laking gulat ni Andrea na ang lalaking sumagip sa kaniya mula sa magnanakaw ay ang lalaking nagnakaw ng kaniyang telepono at pinakawalan niya.
“Marami pong salamat Akala ko po ay kung ano na namang masama ang mangyayari sa akin. Salamat po sa pagligtas ninyo sa akin,” wika ni Andrea.
“Ako ang dapat magpasalamat sa iyo, binibini. Dahil sa kabutihan mo ay binago nito ang buhay ko. Walang hanggang salamat. Hindi kita iniligtas, ikaw ang nagligtas sa akin mula sa kasamaan. Sana ay dumami pa ang mga kagaya mong mapagpatawad upang hayaan ang mga kagaya ko na magbago,” sambit ng lalaki.
“Wala po iyon. Nakita ko naman po na totoo ang sinasabi ninyo. Ngunit tulad ng sinabi ninyo ay mali ang gumawa ng masama sa kapwa mo kahit ano pa ang iyong dahilan. Masaya po ako sa pagbabago na nangyari sa inyong buhay. Kung Diyos nga po ay nagpapatawad, ako pa kayang tao lamang,” sambit ng dalaga.
Hinintay ng lalaki na makasakay ng dyip si Andrea upang makasigurado na ligtas itong makakauwi. Sino ang mag-aakalang ang isang masamang pangyayari pala ang magdadala ng malaking pagbabago sa buhay ng isang tao. Sadyang ibinibigay ng Diyos ang kapatawaran sa mga nanghihingi nito. Kailangan lamang ay patunayan natin na tayo ay nagsisisi. Kailangan ay matuto tayong tumalikod sa ating mga maling gawi sapagkat sa bandang huli ang Diyos pa rin ang huhusga sa atin.