“Tol, nakatingin ka na naman kay Celine,” wika ni Banjo, kaibigan ni Mike. “Sabihin mo na kasi sa kaniya ang nararamdaman mo. Wala kang mahihita diyan sa pagtingin mo mula sa malayo. Sige na, sabihin mo na,” pagbubuyo niya sa kaibigan.
“Parang papatulan naman ako niyang si Celine. Napakaganda niya para sa akin. Sikat na sikat pa siya rito sa eskwelahan. Siguro mula dito sa malayo ko na lamang maaamin ang pagmamahal ko sa kaniya, ‘tol. Ayos na sa akin ang makita siya araw-araw,” tugon ni Mike.
Pawang magtatapos na sa hayskul ang mga kabataang ito. Matagal nang may gusto si Mike kay Celine ngunit dahil sa pagkatorpe ng binata ay hindi niya masabi sa dalaga ang kaniyang nararamdaman. Iba rin kasi ang ugali ni Celine. Dahil nga damang-dama ng dalaga ang kaniyang kagandahan ay nagiging mapili siya sa kaniyang mga kakausapin at magiging kaibigan. Mapanghamak din ito ng mga tao. At hindi dito nakaligtas si Mike.
“Ako lang ba ang nakakaramdam ng ganito? Sa tuwing nakikita ko ‘yang Mike ay naaalibadbaran! Napakadami niya kasing taghiyawat. Para siyang taghiyawat na tinubuan ng mukha,” natatawang sambit ni Celine sa kaniyang mga kaibigan. “Parang ang baho niyang tingnan lagi,” dagdag pa nito.
“Pero aminin mo, Celine, magaling si Mike sa ating klase dahil kahit ganiyan ang kaniyang itsura ay nangunguna siya pagdating sa mga aralin,” wika ng isang kaklase.
“Alam mo sa totoo lang, aanhin mo naman ‘yang talino mo kung wala rin namang taong gustong makinig sa mga sasabihin mo kasi ang pangit ng itsura mo. Paano ka pagkakatiwalaan. Hindi katulad ng mga magandang tulad ko, kahit ano ang sabihin ko ay parang totoo sapagkat nadadala ng aking panlabas na anyo,” wika niya. “Hindi ba, totoo naman ang sinasabi ko?” paninigurado ni Celine.
Lingid ito sa kaalaman ni Mike na kung ano-ano ang sinasabi sa kaniya ng dalaga. Isang araw dahil na rin sa sulsol ni Banjo ay nakumbinsi na si Mike na aminin ang kaniyang nararamdaman kay Celine.
“Nagpapatawa ka ba, Mike? Sa tingin mo ay papatulan kita?” natatawang wika ni Celine.
“Ano ba ang kailangan kong gawin, Celine, para payagan mo ako na ligawan ka?” pakiusap ni Mike.
“Sige, kung kaya mong paglingkuran ako ng isang buwan. Papayagan kitang ligawan mo ako,” tugon ng dalaga.
Parang naging asong sunud-sunran si Mike sa mga gusto ng dalaga. Walang ginawa itong si Celine kundi utusan at ipahiya si Mike sa harap ng marami. Madalas pa itong magpabili ng kung ano-ano at ang binata ang gumagastos para dito. Hindi maatim ni Banjo ang nakikita niya sa kaniyang kaibigan kaya kinausap niya ito.
“Gaano ka kasigurado na papayag talaga siyang magpaligaw sa’yo pagkatapos ng isang buwang kasunduan ninyo? ‘Tol, pinagtatawanan ka ng lahat. Halatang ginagamit ka lang ni Celine,” wika ni Banjo.
“Huwag mo siyang siraan sa akin, ‘tol. Alam mo naman kung gaano ko siya kagusto. At saka hindi naman din siya nagpaaligaw sa iba. Madalas ko siyang makasama at alam kong tutupad siya sa kaniyang pangako sa akin,” tugon ni Mike.
“Bahala ka, ‘tol. Nag-aalala lang ako para sa’yo,” sambit ng kaibigan.
Kahit anong sabihing paalala ni Banjo ay hindi naniniwala si Mike. Ang tanging pinaniniwalaan lamang niya ay ang mga sinabi sa kaniya ng pinakamahahal niyang si Celine.
Isang araw habang hinahanap ni Mike si Celine ay nakita niya ito sa hardin na nakikipaghalikan sa isang manlalaro ng kanilang paaralan.
“Anong ibig sabihin nito, Celine?” wika ni Mike.
“Bakit? Ito si George ang kasintahan ko. Sinagot ko na siya,” tugon ng dalaga.
“Ang akala ko ba ay pagkatapos ng isang buwan ay pagbibigyan mo akong manligaw sa iyo,” wika ng binata.
“Sa tingin mo talaga ay naging tapat ako sa’yo? Nakakatawa ka. Masiyado kang uto-uto,” natatawang sambit ni Celine.
Umiiyak na tumakbo palayo si Mike. Nasaktan ito masyado sa sinabi ng dalaga.
Ilang taon ang nakalipas at naghiwalay rin si Celine at ang kaniyang kasintahan. Habang namimili ng isang alahas sa isang mall ay may natanaw siyang lalaki na ubod ng gwapo at tiyak niyang mayaman. Maganda ang relos na binibili ng binata. Agad niya itong nilapitan at nagpapansin sa lalaki. Dahil alam niyang hindi pa rin kumukupas ang kaniyang ganda ay malakas ang posibilidad na maakit niya ito.
Unti-unti niyang nilapitan ang lalaki at gumawa siya ng paraan upang magkadikit sila nito. Umarte siya na hindi niya sinadya ang pagkakabungo sa binata.
“Pasensiya ka na, hindi ko nakita ang dinadaanan ko,” sambit niya. “Pero sa totoo lang nabighani ako kasi sa kakisigan mo. Parang wala ka namang kasamang kasintahan, wala namang sigurong magagalit kung yayain kitang magkape?” marahas na sambit ni Celine. “Siya nga pala, ako si Celine. Ano ang pangalan mo?” muli niyang sambit.
“Alam kong ikaw si Celine,” wika ng binata.
“Ganoon ba ako kasikat para makilala mo ako? O baka naman matagal mo na rin akong sinusundan at may gusto ka sa akin,” biro niya sa binata.
“Hindi mo na ba ako natatandaan, Celine? Ako ito, si Mike. Ang kaklase mo noon na ginawa mong tagasunod mo,” pag-amin ng binata. “Nakakatawa lamang sapagkat parang nabaligtad na ang mundo. Dati ay ako ang lumalapit sa’yo upang magmakaawa. Ngayon naman ay ikaw na ang lumalapit sa akin,” sambit ng binata.
“Simula noong matahin mo ako ay pinilit kong baguhin ang sarili ko. Ngunit sinabi ko na kahit kailangan ay hindi na ako magmamahal ng isang taong hindi ako tanggap at paasahin lamang ako,” saad ni Mike. “Nagsikap ako at nag-aral ng mabuti. At nang makapagtapos ay humanap agad ako ng magandang trabaho. Nang makaipon ako ay saka ako nagnegosyo,” payahag pa niya.
“Pasensiya ka na, Celine, pero hindi ko mapapaunlakan ang paanyaya mo na magkape tayo. Hindi dahil sa hindi ka maganda, maganda ka pa rin hanggang ngayon, pero may mas higit na maganda na kasi sa aking mga mata. Isang babaeng maganda na, mabuti pa ang kalooban,” wika pa ni Mike.
Lubusang ikinagulat ito ni Celine. Napahiya siya sa lahat ng sinabi sa kaniya ng binata. Hindi niya akalain na ang lalaking kaniyang natitipuhan pala ay ang dating manliligaw niyang si Mike. Ngayon ay naramdaman na niya ang naramdaman ng binata noon. Talagang umiikot ang mundo. Ang dating nasa itaas ay ngayon ay nasa ibaba na.