Inday TrendingInday Trending
Sino ang Tunay na May Sala?

Sino ang Tunay na May Sala?

Larawan ng isang masayang pamilya ang bagong kasal na sila Romeo at Carla. Dating isang dancer sa club ang ginang. Nagkakilala sila ng ginoo nang isang araw ay yayain ito ng kaniyang mga kaibigan upang uminom sa nasabing bar. Nabighani si Romeo sa kagandahan ni Carla. Simula noon ay lagi nang pinupuntahan ng ginoo ang babae sa trabaho nito. Dahil sa angking kisig at gandang lalaki ni Romeo pati na rin ang kaniyang tiyaga sa panliligaw sa babae ay nahulog na rin ang loob ni Carla sa kaniya.

Kahit na may anak na kasi sa una itong si Carla ay tanggap ng inhinyerong si Romeo ang bata at itinuring niyang parang sarili niyang anak. Pagkatapos ng kanilang kasal ay lumipat sila sa bagong biling bahay ni Romeo. Ito ang pinapangarap na buhay ni Carla. Isang responsableng asawa na magmamahal sa kanilang mag-ama.

“Simula ngayon ay magiging sa’yo na ang bahay na ito. Ikaw ang magiging reyna nitong ating palasyo,” sambit ni Romeo sa asawa habang hinahagkan ito. “Ipinangalan ko na sa’yo ang bahay na ito. Dahil karapat-dapat ka sa lahat ng magagandang bagay,” dagdag pa niya.

“Sobrang saya ko. Hindi ko maipaliwanag kung gaano ako kaligaya ngayon, mahal,” tugon naman ng ginang sabay halik sa asawa.

Kung titingnan ay walang kahit ano ang makakapaghiwalay sa dalawa. Ngunit anim na buwan pa lamang ang nakakalipas matapos silang ikasal ay bigla na lamang nanghina si Romeo. Habang papasok ng kaniyang opisina ay dumaing ang ginoo ng matinding sakit ng ulo at pananakit ng tiyan. Wala rin itong patid sa pagsuka hanggang sa mawalan ito ng malay.

“Anong nangyayari sa’yo, mahal?” sigaw ni Carla. Agad siyang tumawag ng ambulansiya upang madala ang ginoo sa ospital at mabigyan ito ng lunas.

Nang magkaroon ng malay ang ginoo ay nagpatuloy ang pagsusuri ng mga doktor. Ayon sa kanilang pagsusuri ay lubusan lamang ang naging pagod ng mister.

Ngunit hindi bumuti ang lagay ng ginoo bagkus ay lalo pa itong nanghina. Wala naman makita ang mga doktor kung saan nanggagaling ang sakit na ito.

Nang malaman ng pamilya ni Romeo ang nangyari sa kaniya ay agad silang nagtungo sa ospital. Hindi sila makapaniwala sa nangyaring ito sa ginoo. Hindi sila naniniwala na isang matinding karamdaman ang tumama rito. Lalo na ang kapatid niyang si Belinda.

“Malakas ang kapatid ko. Ilang buwan lang ay nagpasuri pa siya sa doktor para sa kaniyang taunang check up. Hindi matatawaran daw ang ganda ng kaniyang pangangatawan ayon sa resulta ng pagsusuri,” wika ni Belinda.

“Baka naman kung ano ang pinapakain mo sa kapatid ko!” bintang nito kay Carla. Matagal nang ayaw ng pamilya ni Romeo sa babaeng ito sapagkat may iba silang kutob dito.

“Hindi ko magagawa iyan sa kapatid mo. Alam ninyo kung gaano ko siya kamahal. Tinanggap niya ang nakaraan ko. Hinding-hindi ko magagawa ito sa kaniya,” naiiyak na wika ni Carla.

“Babantayan kita, Carla. Kapag nalaman kong may kinalaman ka sa mga nangyayari sa kapatid ko ay mabubulok ka sa bilangguan,” banta ni Belinda sa kaniyang hipag.

Ilang araw pa ang lumipas at sama-sama nilang binatayan si Romeo sa ospital. Hindi na umalis pa sa kaniyang tabi ang kapatid dahil nga sa masamang hinala nito. Unti-unting bumuti ang lagay ni Romeo.

Ngunit napapansin ni Belinda na kapag siya ang patuloy na nagbabantay sa kapatid ay bumubuti ito ngunit sumasama muli ang pakiramdaman kapag ang asawang si Carla ang nagbabantay sa kaniya. Dahil sa kutob na ito ni Belinda ay minabuti niyang obserbahan ang mga kinikilos ni Carla.

“Carla, ikaw na muna ang magbantay sa kapatid ko. Huwag mo siyang pababayaan. May pupuntahan lang ako. Kailangan kong asikasuhin ang ilang mga bagay sa bahay. Baka bukas na ako makabalik,” paalam ni Belinda. Ang hindi alam ni Carla ay nagmamatiyag pa rin ang hipag. Nagtungo ito sa mga pulis upang sabihin ang kaniyang hinala. Nagdesisyon naman ang pulisya na tulungan ang babae. Kumausap din siya ng imbestigador para manmanan si Carla.

Samantala sa ospital ay mag-isang binabantayan ni Carla ang kaniyang asawa.

“Nauuhaw ka ba, mahal? Inumin mo ito. Makabubuti ito sa’yo,” wika ni Carla sabay bigay ng inumin sa asawa.

Nang makabalik si Belinda kinabukasan ay tulad nang inaasahan, hindi mabuti ang pakiramdam ng kapatid.

“Ano ba ang nangyari rito habang wala ako,” tanong ni Belinda sa kapatid.

“Hindi ko alam, ate. Pero sa tuwing pinapainom ako ni Carla ay nanghihina ako,” sambit ng kapatid.

Inipon nila ang mga ebidensiya. Nagtungo na rin ang mga pulis upang mahuli ang tunay na may sala sa pagkakaganoon ni Romeo.

“Huwag ka nang magkaila, Carla, alam na namin ang lahat,” sambit ni Belinda. “Sinabi ko na nga ba at may mali sa biglaang panghihina ng kapatid ko. Ang lahat ng ito ay pakana mo,” dagdag pa niya.

“Hindi ko alam kung ano ang mga sinasabi ninyo. Mahal ko ang asawa ko kaya hindi ko kayang gawin sa kaniya ang mga binibintang ninyo,” depensa ni Carla.

“Pinasubaybayan kita. At alam namin na hanggang ngayon ay nakikipagkita ka pa rin sa dati mong asawa. Ang tatay ng anak mo! Pinagplanuhan ninyo na lasunin ang kapatid ko hanggang sa ikam*tay niya. Pero nagkakamali ka. Hindi kami basta na lang maniniwala sa mga ginagawa at sinasabi mo,” sigaw ni Belinda.

“Ang pinapainom mo sa kapatid ko ay may lason. Dahan-dahan mo siyang nilalason nang sa gayon ay walang makapansin,” wika ng nakatatandang kapatid. “Kung talagang ikaw ay inosente, ipakita mo sa amin ang laman ng iyong bag,” sambit pa ni Belinda. Agad nilapitan ng mga pulis si Carla upang siyasatin ang kaniyang dalang bag.

Ikinagulat ng lahat ng makita ang isang plastik na pulbos na lason na ginagamit sa pam*tay ng daga. Napaiyak na lamang si Romeo sa kaniyang nasaksihan.

“Bakit mo nagawa sa akin ito, Carla? Minahal at tinanggap ko ang lahat sa’yo pero ito pa rin ang iginanti mo sa akin,” iyak ng nanghihinang mister.

“Dahil sa lahat ng pera at ari-arian mo, Romeo,” pagsinggit ni Belinda. “Ayon sa imbestigador na inupahan ko ay nakikipagsabwatan siya sa dati niyang asawa. Dahil sa kaniya nakapangalan ang lahat ng pag-aari mo, kung ikaw ay mawawala ay sa kaniya mo ito maiiwan. Pagkatapos noon ay magsasama silang muli ng dating kabiyak. Ginamit ka lamang nila,” paglalahad ni Belinda.

Umamin si Carla sa kanilang maitim na balak. Dahil dito ay binitbit na siya ng mga pulis at doon kinasuhan. Hinanap na rin nila ang dati nitong asawa upang ikulong din. Ang anak naman nila Carla sa dating asawa nito ay inihabilin sa mga magulang ng babae. Mula noon ay hindi na nakalapit pang muli ang mga masasamang taong ito kay Romeo at sa pamilya nila. Nabulok ang dalawa sa kulungan.

Nagpatuloy sa paggaling ang ginoo at nang malakas na siya ay pinawalang bisa niya ang kasal nila ni Carla. Ikinalulungkot ni Romeo na sa kabila ng kaniyang pagmamalasakit at tunay na pagmamahal na ibinigay sa asawa ay pagtataksil at kasamaan pa ang iginanti nito sa kaniya.

Advertisement