Inday TrendingInday Trending
Pakikipagsapalaran sa Maynila

Pakikipagsapalaran sa Maynila

“Paano ako nito?” naitanong ni Terio sa kaniyang sarili habang binabagtas ang eskinita sa isa sa mga kalye sa Maynila. Galing siya sa lalawigan ng Occidental Mindoro. Lumuwas siya sa Maynila upang maghanap ng mapapasukan. Siya ay nasa 23 taong gulang lamang.

Hindi naman niya akalaing kamalasan kaagad ang sasalubong sa kaniya sa una niyang pagtapak sa Maynila.

Ilang kalalakihan ang biglang umakbay sa kaniya, tinutukan siya ng balisong at kinuha ang kaniyang malaking backpack. Nasa bag niya ang kaniyang ipong 10, 000 pesos na halos tatlong taon niyang inipon mula sa pangingisda. Gayundin ang mga mahahalagang gamit tulad ng damit at toiletries. Mabuti na lamang at naibulsa niya ang cell phone niyang Nokia 3210. Kahit papaano ay makakahingi siya ng tulong sa mga kakilala niya.

Subalit ni isang kakilala ni Terio sa Maynila na kaniyang kinontak ay hindi tumugon sa kaniyang mga text. Awang-awa sa sarili si Terio.

Maigting ang kagustuhan niyang lumuwas sa Maynila upang makahanap ng mas mainam na trabaho. Sa lalawigan kapag ipinanganak kang mangingisda ay mamam*tay kang mangingisda.

Gusto niyang ipagawa ang kanilang bahay na giray na at butas-butas ang atip. Gusto niyang makaipon upang makabili ng modernong bangka na gagamitin ng kaniyang ama sa pangingisda. Marami siyang pangarap kahit hindi naman siya nakatapos ng pag-aaral.

Minabuti niyang maglakad na lamang at nakarating siya sa kaibigan ng kaniyang ama na nakatira umano sa Gagalangin, Tondo. Pinatuloy naman siya ni Mang Berting.

“Mahirap ang buhay dito sa Maynila,” sabi sa kaniya ni Mang Berting. “Narito ang sarap at hirap. Masarap ang buhay dito kung may pera ka pero kung wala kang pera, naku, nganga ka.”

“Sana po ay maipasok niyo ako sa trabaho ninyo. Sabi po ni itay ay nangangailangan daw po kayo ng trabahador. Kahit piyon lang,” pagsusumamo ni Terio.

Si Mang Berting ay kapatas ng mga obrero sa isang construction site.

“Sige. Basta ayoko ng tatamad-tamad, ha? Isasama kita bukas,” pangako ni Mang Berting.

Nakitulog rin si Terio sa kaibigan ng kaniyang ama.

Kinabukasan ay pumayag naman ang may-ari ng pinapatayong gusali kung saan nagtatrabaho si Mang Berting na maipasok si Terio bilang piyon o tagahalo ng semento. Malaki naman ang kaha ng katawan ni Terio kaya sanay siya sa mabibigat na gawain dahil sa pagiging mangingisda niya.

“Mang Berting, dito na lang po ako makikitulog sa site tuwing gabi para hindi naman nakakahiya sa inyo at makatipid na rin ng pamasahe,” paalam ni Terio.

Pumayag naman si Mang Berting at ipinagpaalam siya sa guwardiya. Bukod kay Terio ay marami ring nakikitulog doon lalo na ang mga trabahador na malalayo ang inuuwian.

Dahil nilalamok at naiinip ay ipinasya ni Terio na lumabas muna at maglakad-lakad.

Wala siyang kapera-pera at magpa-Pasko pa naman. Hindi niya alam na mas mahirap pala ang buhay sa Maynila hindi gaya ng kaniyang inaasahan. Ayaw naman niyang bumalik kaagad sa kanila na walang natitisod man lamang na suwerte.

Napukaw ang kaniyang atensyon ng isang ginang na tila hindi mapakali sa pagsipat sa isang manhole. Dinaluhan niya ito.

“Ano pong problema, misis?” tanong ni Terio. “Hindi ko sinasadyang mahulog ang cell phone ko sa manhole. Hindi ko alam kung paano kukunin,” problemadong sabi ng ginang.

Sinipat ni Terio ang loob ng manhole. Hindi niya maaninag ang cell phone dahil malamang ay nakalubog na ito sa tubig.

Dahil sanay naman sa paglusong si Terio ay walang takot siyang pumasok sa loob ng manhole at sinisid ang ilalim nito kahit napakabaho nito. Ilang segundo lamang at nakuha na nito ang cell phone. Iniabot niya ito sa ginang.

“Maraming salamat! Sira na ang cell phone ko pero hindi mahalaga iyon. Ang mahalaga kasi rito ay ang sim card ko,” pasasalamat ng ginang. “Anong pangalan mo?”

“Terio Ablaza po. Galing po ako sa Occidental Mindoro. Nagpunta lang ho ako rito sa Maynila para makahanap ng trabaho,” tugon ng lalaki.

“Ganoon ba? Dahil sa pagtulong mo sa akin sana ay makatulong ako sa iyo,” nakangiting sabi ng ginang.

Binigyan ng ginang ng tatlong libong piso at calling card si Terio. “Kapag kailangan mo ng trabaho tawagan mo lang ako.”

Labis ang pasasalamat ni Terio sa kabutihan ng ginang. Sa wakas at may magagamit na siyang panggastos habang siya ay nasa Maynila.

Nang matapos ang kaniyang pagpipiyon ay tinawagan niya ang ginang na nagbigay sa kaniya ng calling card upang magpatulong dito sa paghahanap ng trabaho. Agad naman siya nitong tinulungang makapasok sa isang restaurant bilang isang tagaluto.

“Magaling ka bang magluto?” tanong ng may-ari ng restaurant. “Opo. Sanay po akong magluto,” sagot ni Terio.

Nagustuhan ng may-ari ng restaurant ang kaniyang mga iniluluto. Hinahanap-hanap kasi ito ng mga customers. Iminungkahi nitong pag-aaralin siya ng culinary arts upang mas mahasa pa ang kaniyang talento sa pagluluto.

Nagtiyaga si Terio sa pagtatrabaho sa umaga at pag-aaral sa gabi hanggang sa siya ay makatapos. Itinuring siyang tila isang anak ng may-ari ng restaurant. Bilang pagtanaw ng utang na loob ay siya na ang namahala sa restaurant ng kaniyang amo.

Dahil wala namang kaanak ang amo ay kay Terio niya ipinamana ang restaurant nung pumanaw ito.

Dahil ayaw lumipat sa Maynila ng mga magulang ay ipinagawa ni Terio ang kanilang lumang bahay sa lalawigan. Ginawa niya itong ikalawang palapag. Binilhan din niya nang makabagong bangka at mga kagamitan sa pangingisda ang kaniyang amang ayaw pa ring tumigil sa pangingisda. Naging maganda ang pamumuhay ni Terio at napalago niya ang restaurant na iniwan sa kaniya ng kaniyang amo.

Advertisement