Inday TrendingInday Trending
Ang Mahal Kong Kasintahan at Pinagkakatiwalaan Kaibigan

Ang Mahal Kong Kasintahan at Pinagkakatiwalaan Kaibigan

“Tahan na. Tahan na,” pag-aalo kay Meryl ng kaniyang kaibigang si Tanya. Nasa isang coffee shop sila nang hapong iyon.

Matalik silang magkaibigan simula noong nasa kolehiyo pa sila. Kahit na sila ay naging abala sa kani-kanilang mga trabaho ay hindi sila nagmimintis na magkita upang kumustahin ang isa’t isa.

At ngayon nga ay ibinubuhos ni Meryl ang kaniyang sama ng loob sa kaibigan dahil natuklasan niyang niloloko lamang siya ng kaniyang nobyong kinakasama. Limang taon na silang magkasintahan at nagpaplano na ring magpakasal.

Natuklasan ni Meryl ang lihim ng nobyo dahil nakita niya sa cell phone nito ang pakikipagpalitan nito ng mga mensahe sa isang babaeng may pangalan na “Aya” sa contact list nito.

“Ano na ngayon ang plano mo? Itutuloy mo ba ang kasal?” untag ni Tanya sa lumuluhang niyang kaibigan.

Kumuha si Meryl ng tissue paper at suminga. Nasa tagong bahagi sila ng coffee shop kaya walang nakakapansin sa kanila.

“Sa totoo lang hindi ko alam, eh. Limang taon kaming nagsama, Tanya. Limang taon! Basta-basta ko na lang bang itatapon ang lahat dahil sa isang haliparot na babae? Mahal na mahal ko si Eric. Hindi ko alam kung kaya ko siyang iwan,” sabi ni Meryl.

“Pero ang tanong ay mahal ka pa ba ni Eric? Natanong mo na ba siya sa bagay na iyan?” tanong ni Tanya sa kaibigan.

Humikbi na naman si Meryl. “Wala akong lakas ng loob na tanungin siya. Nakita ko ang palitan nila ng mga text message sa cell phone niya habang nasa banyo siya. Naka-lock ang cell phone niya nung pindutin ko. Mabuti na lang alam ko ang password ng cell phone niya. Mabait pa rin ang Diyos,” tugon ni Meryl.

“Payo ko sa iyo, kailangan mong komprontahin si Eric tungkol sa bagay na iyan. Malay mo naman naglalaro lang si Eric. Mas maganda kung sa kaniya mismo manggagaling,” payo ni Tanya.

“Bakit kailangan niyang makipaglaro sa iba? Nagsasawa na ba siya sa akin? Nanawa na ba siya sa limang taon naming pagsasama? Paano na lang kung magpapakasal kami at bubuo ng sariling pamilya?” naluluha na namang tanong ni Meryl.

“Hindi ko masasagot ang mga bagay na iyan. Tanging si Eric lang ang makakapagsabi,” tugon ni Tanya.

Nagpatuloy pa ang pagbuhos ng sama ng loob ni Meryl. “Kaya pala hindi na siya sweet sa akin hindi tulad noon. Lagi niya akong inihahatid at sinusundo. Sa totoo lang hindi ko naman talaga nahalata na may iba na siya. Magaling siyang magtago. Kaya ikaw, Tanya, mag-ingat ka sa mga lalaking manliligaw sa iyo. Kilatisin mong mabuti,” payo naman ni Meryl kay Tanya.

“O, bakit napunta sa akin ang usapan? Ikaw talaga. Huwag kang mag-alala. Alam mo namang mataas ang pamantayan ko sa mga magtatangkang manligaw, ‘di ba?” nakangiting sabi ni Tanya sa kaibigan.

“Dapat lang. Dahil kung hindi ay ako mismo ang aaway sa Poncio Pilato na iyan kapag niloko ka. Pero maiba ako,” pahid ni Meryl sa kaniyang luha. “May dine-date ka ba ngayon? May boyfriend ka ba ngayon?”

Kinuha ni Tanya ang baso ng Frappuccino na inorder niya. Uminom siya nang kaunti. “Wala. Busy ako.”

“Pero huwag ka sanang ma-trauma sa pagmamahal, ah. Hindi porke’t nangyari sa akin ay mangyayari din sa iyo. Enjoy life lang,” payo ni Meryl kay Tanya.

Pagkauwi ng bahay ay hindi magawang tignan ni Meryl ang kinakasamang si Eric.

Ayaw niyang sabihin dito ang natuklasan. Gusto niya munang mapatunayan at makita nang harapan kung sino ang “Aya” na ka-text nito. Kapag kinompronta niya ito ay tiyak niyang ikakaila nito ang kaniyang natuklasan. Sino ba namang lalaki ang aamin sa kaniyang panloloko?

Dahil hindi alam ni Eric na alam ng kaniyang nobya ang password ng kaniyang cell phone ay nabubuksan ito ni Meryl nang hindi niya namamalayan.

Batay sa bagong pag-uusap ng dalawa ay magkikita sina Eric at Aya sa isang restaurant. May mahalaga raw na sasabihin si Aya kay Eric kaya kailangan nilang magkita nang personal.

Inihanda ni Meryl ang kaniyang sarili. Huhulihin niya ang kaniyang kinakasama at ang kabit nito.

Alas otso ng gabi. Nagtungo na si Meryl sa naturang restaurant. Nakita niya si Eric na nakaupo at nag-aabang sa mesa. Mukhang hindi pa nakakarating ang “Aya” na ka-text nito.

Ilang sandali lamang at nakita ni Meryl ang kaibigang si Tanya na papasok sa naturang restaurant.

“Alam ba ni Tanya na huhulihin ko si Eric dito?” naibulong ni Meryl sa sarili.

Tatayo na sana si Meryl at lalapitan ang kaibigan nang makita niyang tuluy-tuloy ito sa kinaroroonan ni Eric. Tumayo si Eric at kitang-kita niyang siniil nito ng halik sa labi si Tanya. Lahat ng ito ay nasaksihan ni Meryl.

Pakiramdam niya’y binuhusan siya ng malamig na tubig. Dumadagundong ang kaniyang dibdib. Ang kaibigan niyang si Tanya ay ang taksil na si “Aya.”

Lakas-loob na lumapit si Meryl sa kinaroroonan ng dalawa. Kitang-kita niyang tinakasan ng kulay sa mukha sina Tanya at Eric.

“Meryl, magpapaliwanag ako…” Tumayo si Tanya subalit hindi na niya natapos ang sasabihin dahil umigkas na ang kanang kamay ni Meryl sa kaniyang kaliwang pisngi.

“Ang kapal ng mukha mo, Tanya. Itinuring kitang matalik na kaibigan. Ikaw pala si Aya. Isa kang ahas!” galit na sabi ni Meryl.

“Patawarin mo kami ni Eric, Meryl. Nagmamahalan kami,” sabi ni Tanya.

“Puwes magsama kayong dalawa. Hindi ko kailangan ng manlolokong nobyo at taksil na kaibigan!”

Kinuha ni Meryl ang dalawang baso ng orange juice na nasa mesa nila at isinaboy niya sa mukha nina Tanya at Eric. Inilapag din niya sa mesa ang engagement ring na ibinigay ng lalaki sa kaniya. Tuluy-tuloy siyang lumabas ng restaurant. Pumara ng taxi at umuwi sa bahay.

Lumuluhang itinapon niya sa labas ng bahay ang lahat ng gamit ni Eric. Wala siyang itinira. Itinapon din niya ang mga gamit na ibinigay sa kaniya ni Tanya.

Napakasakit ng nangyari sa kaniya. Dalawang taong mahalaga sa buhay niya ang nanloko sa kaniya, ang kaniyang kasintahan at kaibigan.

Tuluyan na ngang nagsama sina Eric at Tanya at kahit na anong paghingi nila ng tawad ay hindi sila pinatawad ng Meryl. Tuluyan na ring nasira ang pagkakaibigan ng dalawang babae.

Minabuti ni Meryl na maging single na lang muna at matutong mag-isa.

Makalipas ang isang taon na-promote sa trabaho si Meryl at naitalaga sa Taiwan. Nakilala niya roon ang isang Pilipino na naging kasintahan niya’t naging asawa. Nagkaroon sila ng tatlong anak.

Nabalitaan naman niya na naghiwalay sina Eric at Tanya dahil natuklasan ni Tanya na may ibang babae si Eric.

Pinatawad ni Meryl ang kaniyang kasintahan at kaibigan bilang pagpapalaya sa kaniyang sarili subalit hindi na nanumbalik sa dati ang pagkakaibigan nila ni Tanya.

Advertisement